YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, March 12, 2015

Mga security guards sa Boracay, ininspeksyon ng SAGU

Posted March 12, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for inspectionIninspeksyon ng SAGU o Security Agencies and Guards Unit ang mga security guards sa Boracay.

Bahagi ito ng nagpapatuloy na Security Guards Visibility Project ng PNP SOSIA o Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agency.

Pero bago paman ang inspeksyon, nagpalabas ng Memorandum ang SAGU para sa mga Private Security Agencies (PSA), Company Guard Force (CGF), at maging sa Government Guard Units (CGU) tungkol sa pagsusuot ng opisyal o prescribed uniform ng kanilang mga guardiya.

Base sa memorandum na naging epektibo nitong March 3, 2015, mahaharap sa penalidad ang mga PSA, CGF, at mismong mga guwardiya na lalabag sa direktiba ng SAGU.

Nabatid na pagmumultahin ng 10, 000 pesos para sa 1st offense, 20, 000 pesos para sa 2nd offense, at 30, 000 pesos o kanselasyon ng lisensya para sa 3rd offense ang mahuhuling lumabag.

Ayon naman kay SAGU Chief-PSupt. Condrado Carganillo, nagpaabiso na rin ito sa mga security agencies dito, isang linggo bago ang inspeksyon.

Away dahil sa kalasingan, nauwi sa barilan

Posted March 12, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for shooting investigationSugatan sa tiyan ang isang lalaki matapos na barilin kagabi sa isang gasolinahan sa Manoc-Manoc Boracay.

Ayon sa inisyal na report ng mga pulis, nagkaroon ng komosyon ang grupo ng biktimang si “Jorence Daniel” sa grupo naman ng suspek na si “Gmar Candidado.”

Subalit, wala umanong ideya ang mga ito na may dala palang baril si “Gmar” at nabaril ang biktima sa kanyang tiyan.

Kaugnay nito, lumalabas pa sa imbestigasyon ng Boracay PNP Station na sugatan din sa ulo ang kasama ni “Daniel” na si “Leo Simeon” dulot ng pagkakahampas ng hindi pa matukoy na bagay.

Samantala, inaalam pa ngayon ng mga pulis kung anong baril ang ginamit ng suspek na kaagad din umanong tumakas matapos ang insidente.

Sinasabing nag-ugat ang nasabing kaguluhan dahil sa kalasingan ng magkabilang grupo.

EMB, sinigurong ligtas sa Coliform bacteria ang tubig sa Boracay

Posted March 12, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tiniyak ni mismong Regional Director (Region-6) Environmental Management Board Dr. Samson Guillergan na ligtas sa Coliform bacteria ang tubig sa Boracay.

Katunayan, ito mismo ang kanyang ipinaabot sa ginanap na sesyon ng Sangguniang Bayan nitong Martes matapos silang ipatawag ng Local Officials ng Malay dahil sa nangyaring Coliform issue sa Boracay.

Ayon kay Dr. Guillergan, hindi nila nakitaan ng mataas na level ng Coliform bacteria ang tubig dagat sa Bolabog beach kung saan sinasabi sa National media na dito umano nakita ang bacteria.

Sinabi pa nito na sinuri nila ang tubig sa ilang area sa back beach kung saan sinasabing mataas ang level ng Coliform bacteria sa tubig.

Samantala, tinukoy din nito na sa area ng Tulubhan sa Manoc-manoc ay may nakitaan silang mataas na level ng Coliform na pinaniniwaalang mula sa mga drainage system sa Boracay.

Kadalasan nagmumula umano ito sa matataas na bahagi ng lugar sa Boracay na walang sewerage system na kung saan ang kanilang mga hinuhugas sa pagkain ay dinadaloy ng tubig ulan papunta sa dagat.

Dahil dito gumagawa parin ngayon ng hakbang ang Department of Environmental and Natural Resources (DENR) katuwang ang Solid waste management ng Malay upang masigurong ligtas ang tubig sa isla ng Boracay.

Wednesday, March 11, 2015

Beach ng Boracay, ligtas parin para sa publiko - DENR

Posted March 11, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for denr boracayAtensyon sa lahat ng mga may balak magbakasyon sa isla ng Boracay!

Nilinaw ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ligtas parin para sa publiko ang beach ng Boracay sa kabila ng pagsabog ng balita tungkol sa Coliform.

Ayon kay Aklan Provincial and Natural Resources Officer Ivene Reyes.

Ipinaliwanag mismo ito ni DENR Environmental Management Bureau OIC Regional Director Jonathan Bulos sa isang technical conference, kung saan base sa kanilang pag-aaral, pasok sa standard at ligtas maligo ang lokal at dayuhang turista sa beach front ng isla.

Dumalo din umano sa nasabing pagpupulong ang Boracay Island Water Company (BIWC) kung saan ipinahayag din ng mga ito na mayroon na umano silang remedial measures sa ilang problema sa back beach.

Samantala, magugunita na naalerto ang publiko tungkol sa kumalat na balitang nagkaroon ng Coliform bacteria ang tubig ng Boracay.

Dahil dito, kaagad ding nakipagtulungan ang pamahalaang probinsyal ng Aklan sa DENR upang pag-aralan ang nasabing isyu.

Silid-aralan ng BNHS, madadagdagan na

Posted March 11, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Magandang balita sa mga mag-aaral ng Boracay National High School!

Madadagdagan na ngayon ang inyong mga silid-aralan.

Ayon kay BNHS Principal II Jose Niro Nillasca, magkakaroon ang paaralan ng dagdag na 2-storey- 2 classroom building na pinondohan ng Special Educations Fund (SEF) ng LGU Malay.

May 2-storey- 6 classrooms na pinondohan naman ng Department of Education (DepEd), na ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH)  at nasa flooring stage na sa ngayon.

Anya, matagal na ring nakahanda ang 980 thousand pesos na budget para dito at inaasahan na magagamit na ang Phase 1 rito sa S.Y 2015-2016.

Samantala, magugunita naman na nitong nakaraang taon ay naglunsad ng Recrafting School Improvement Program Plan ang BNHS.

Nabatid kasi na ang nasabing paaralan ay kulang ng anim na silid aralan, Library at walang sapat na tubig at comfort rooms.

Base sa record, ang BNHS ay may kabuuan ngayon na 19 na silid-aralan mula sa Grade 7 hanggang Senior High School.

Maliban sa pagdaragdag ng mga classrooms, nabatid na ipaayos din ang ilang sirang silid-aralan ng BNHS.