YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, August 07, 2014

Resolusyon na gawing national road ang access road ng KIA, aprobado na sa SP Aklan

Posted August 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Aprobado na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang resolusyon na gawing national road ang access road ng Kalibo International Airport (KIA).

Sa ginanap na 26th regular session ng SP Aklan kaninang umaga, ipinasa ng kapulungan ang hiling na resolusyon ni Gov. Florencio Miraflores na e-convert ang access road nito sa national road.

Ito’y upang magkaroon ng financial assistance na gagamitin sa pagpapalapad nito, kung saan nakasaad din sa nasabing resolusyon ang pagkakaroon ng Road-Right-of-Way (RROW) na mag-comply ng 20 meter requirement.

Samantala, nabatid na patuloy ngayon ang pagpapaunlad ng nasabing paliparan lalo na’t dumadami na rin ang mga direct flights mula abroad.

Inuuna umanong ipinapagawa ang run way nito na matagal na ding naging plano ng pamahalaang probinsyal ng Aklan.

Nauna ding sinabi ng Aklan Provincial Government na madami silang kailangan gawing proseso para sa pagpapalaki ng KIA kabilang na ang pagbili ng lupain na tatamaan ng pagpapahaba ng run way at pag-iba ng rota ng kalsada sa labas ng airport.

Kaugnay nito, inaasahan naman na lalo pang dadami ang international flights makaraang maging tanyag  pa ang isla ng Boracay sa ibat-ibang panig ng mundo.

Wednesday, August 06, 2014

Problema sa drainage at pumping station, pag-uusapan sa isang closed-door meeting ng DOT at BRTF

Posted August 6, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay 

Pag-uusapan sa isang closed-door meeting ng DOT at Boracay Redevelopment Task Force ang problema sa drainage at pumping station sa isla.

Kaugnay nito, umaasa umano si DOT o Department of Tourism Regional Director Helen Catalbas na magkakaroon na ng konkretong kasagutan tungkol sa estado ng mga nasabing tourism infrastructure project.

Maliban dito, pag-uusapan din kung papaano masosolusyunan ang matagal nang problema sa baha at kung ano ang bahaging dapat gampanan ng TIEZA o Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority, Boracay Island Water Company at LGU Malay.

Samantala, sinabi pa ni Catalbas na dadalo din sa nasabing pagpupulong si mismong DOT Undersecretary Maria Victoria Jasmin.

Magugunitang umani ng batikos at reaksyon mula sa social media, mga turista at maging sa mga lokal na residente ng isla ang naranasang pagbaha nitong nakaraang buwan na isinisi naman ng publiko sa baradong drainage at hindi gumaganang pumping station.

Magkasintahang Russian national, ninakawan ng pera at gadget sa Boracay

Posted August 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dumulog sa himpilan ng Boracay PNP ang magkasintahang Russian national matapos umanong mabiktima ng kawatan sa isla ng Boracay.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang dalawang turista na sina Ekaterina Bayborodina, 23 anyos at Evgenii Semshchikov, 21 anyos ng Irkutsk Russia at guest ng isang resort sa Boracay.

Sumbong ng mga biktima, naka-upo ang mga ito sa beach front malapit sa isang construction site sa Manoc-manoc Boracay nang inilagay ni Ekaterina ang kanyang pera na dalawang libong piso at cellphone na iPhone 5s sa kanilang tabi.

Kinalaunan, may ilan umanong tumatambay doon ang nakapansin at nagsabing kinuha ng dalawang hindi kilalang lalaki ang kanilang mga gamit at itinakbo.

Samantala, nagpapatuloy naman ngayon ang imbestigsyon ng Boracay PNP Station hinggil sa nasabing insidente.

Tricycle, binangga ang multicab sa Boracay; 2 driver, sugatan

Posted August 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dalawang driver ang sugatan sa banggaan ng pampasaherong tricycle at multicab sa So. Hagdan, Brgy. Yapak Boracay nitong nakaraang gabi.

Ayon sa report ng Boracay PNP, binabaybay ng dalawang drayber ang kahabaan ng So. Hagdan nang mag-overtake ang tricycle na minamaneho ni Rogelio Zaquito, Jr. at aksidenteng bumangga sa nakasalubong nitong multicab na minamaneho naman ni Ignacio Bandiola.

Maliban sa tinamong sugat ng mga biktima, nagtamo din ng sira ang kani-kanilang sasakyan dulot ng insidente.

Sa kabila nito hindi na nagsampa pa ng kaso ang drayber ng multicab at nagkasundong ayusin ang kaso sa pagitan nilang dalawa.

Pagpasok ng ilang kompanya ng E-trike sa Boracay, pinag-aaralan pa ng SB Malay

Posted August 6, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinag-aaralan pa ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pagpasok ng ilang kompanya ng E-trike sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos ang sunod-sunod na paglapit ng ilang E-tricycle company sa LGU Malay para ipaabot ang kanilang kahilingan na makapag-operate sa isla.

Ayon naman kay SB Member at Chairman of Committee on Laws and Ordinance Rowen Aguirre, magkakaroon umano sila ng kunting adjustments para sa muling pagtalakay nito sa mga susunod na Session.

Sa kabilang banda wala namang nakikitang problema ang SB Malay sa mga E-trike na bumibiyahe ngayon sa Boracay na iba’t-iba ang kulay.

Nabatid na wala namang naging requirements ang LGU para sa kulay ng e-trike na kailangang bumiyahe sa isla dahil sa ibat-ibang kompanya ang may hawak nito.

Samantala, maaaring ilan pang makukulay na e-trike ang makikita sa Boracay sa sandaling maaprubahan na ng SB Malay ang kanilang operasyon sa isla.