YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, February 13, 2014

Mga traysikel driver na overloading ng mga turistang pasahero, hindi kokonsintehen ng MTO

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi umano kokonsintehen ng Malay Transportation Office (MTO) ang mga nag-o-over loading na tricycle driver sa Boracay.

Ito ang sinabi ni MTO Senior Transportation Regulation Officer Cesar Oczon Jr. matapos mabatid na may mga traysikel driver dito ang hindi sumusunod sa tamang bilang ng mga pasahero.

Kapansin-pansin kasi kung minsan sa gabi na may mga pasaherong turista na sa bubong na ng traysikel sumasakay o di kaya’y kusang sumasabit kahit na delikado.

At dahil kadalasang chartered ng mga turistang ito ang traysikel, ay tila hinahayaan lamang nila ang kagustuhan ng mga pasahero na sa isang traysikel lamang sila sumakay kahit over loaded na at delikado.

Kaugnay nito, iginiit ni Oczon na hanggang anim lang dapat ang pasahero ng isang traysikel base sa nakasaad sa ordinansa.

Kaya’t charter man umano ito o hindi, kailangang sabihin ng mga drayber sa kanilang mga pasahero kung ilan lang ang pwedeng maging pasahero nila.

Samantala, apela naman ni Oczon sa mga drayber na makipag-cooperate nalang sa kanilang tanggapan para na rin sa seguridad ng mga turista.

Nakatakda rin umano itong makipagpulong kay DOT Officer In Charge Tim Ticar hinggil sa mga problema sa transportasyon sa isla.

RHU Malay, patuloy ang kampanya sa Boracay laban sa HIV at iba pang sakit

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ang kampanya ng RHU o Rural Health Unit ng Malay sa Boracay laban sa HIV o Human immunodeficiency Virus at iba pang sakit.

Katunayan, ayon kay Malay Health Education Promotion Officer Arbie Aspira, nag-iikot sila sa ibat-ibang mga establisyemento sa isla ng Boracay para magbigay ng paalala sa mga manggagawa at maging sa mga sex workers dito tungkol sa HIV at iba pang uri ng karamdaman.

Isa umano ito sa mga paraan upang maiwasan partikular ang pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima ng HIV.

Hangad din umano kasi ng RHU na maging malinis at malayo sa sakit ang lahat ng mga manggagawa sa Boracay lalo na’t ito’y isang pangturismong lugar.

Dagdag pa ni Aspira, welcome sa kanila ang mga gustong magpa-lecture para maiwasan ang ibat-ibang sakit na maaaring dumapo sa isang tao.

Muli ding nagpaalala ang RHU sa lahat ng mga manggawa at mamamayan sa Boracay na laging magpakunsulta sa doktor lalo na sa tuwing may maramdamang kakaibang sakit.

Matatandaang naging kontrobersyal noon ang Boracay dahil sa pagdami ng mga sex workers na kung saan-saan pa nagmumula.

Wednesday, February 12, 2014

Bolabog at Bloomfield area, pinabantayan na sa MAP dahil sa mahabang trapiko dulot ng Boracay Drainage Project sa Balabag

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinabantayan na sa MAP ang Bolabog at Bloomfield area dahil sa mahabang trapiko dulot ng Boracay Drainage Project sa Balabag.

Aminado kasi si Municipal Auxiliary Police Chief Rommel Salsona na marami na silang natatatanggap na reklamo mula sa mga commuters at motorista dahil sa nasabing problema.

Sinabi pa ni Salsona na marami na ring mga motorista ang dumadaan sa Bloomfield area para maka-iwas sa mahabang trapiko sa main road Balabag.

Pinayuhan din nito ang mga motoristang didiritso ng Cagban Jetty Port na huwag nang gumamit ng flat road, at sa halip ay sa backdoor na dumaan para hindi makadagdag sa mahabang trapiko.

Ang back door na tinutukoy ng MAP ay ang daan sa Lying Inn Clinic at liliko sa Lake Town papuntang Bloom Field nalang ang gamitin.

Matatandaang humingi ng paumanhin at pang-unawa sa publiko ang contractor ng Boracay Drainage Project dahil sa mahabang trapikong dulot ng kanilang proyekto. 

Malay Transportation Office, nagbabala sa ilang mga abusadong habal-habal drivers

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Binalaan ngayon ng Malay Transportation Office (MTO) ang ilan sa mga abusadong habal-habal drivers sa isla ng Boracay.

Ayon kay Senior Transportation Regulation Officer Cesar Oczon Jr. ng Municipal Transportation Office.

Ang habal-habal ay talagang ipinagbabawal sa Boracay subalit may ilan paring mga pasaway na kumukuha umano ng permit to transport para gamitin sa pamamasada.

Sinabi rin nito na walang habol ang mga habal-habal driver sakaling masangkot man sila sa aksidente dahil sa walang ordinansa di umano na pinapayagan ito sa isla ng Boracay.

Samantala, muli nitong ipinaalala sa mga habal-habal driver na sundin ang mga alituntunin ng Transportation Laws and Rules at huwag abusuhin kung ano man ang mga konsiderasyon na ibinibigay sa kanila.

Matatandaan na nitong Enero ay isang habal-habal driver ang sinampahan ng kaso dahil sa panggagahasa sa isang Swedish national sa isla.

Yapak Punong Barangay Hector Casidsid, hands off muna kaugnay sa kanyang suspension order

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hands off muna kaugnay sa kanyang suspension order si Yapak Punong Barangay Hector Casidsid.

Pinayuhan umano kasi ito ng kanyang abogado na huwag na munang magbigay ng anumang salaysay o komento tungkol dito.

Nabatid na suspendido si Kap Hector ng dalawang buwan dahil sa paglabag umano nito ng solid waste management laws matapos nitong gawing open dumpsite o tambakan ng basura ang isang lote na pagmamay-ari ni Leo Tirol.

Ihain ng office of the mayor ang isang suspension order na nilagdaan ni mismong Mayor John Yap laban kay Kap Hector nitong nakaraang Huwebes.

Kaugnay nito, pinababakante muna si Kap Hector sa kanyang puwesto simula Pebrero 10 hanggang April 10, 2014.