YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 22, 2014

LGU Malay ipinasususpinde ang pag-isyu ng permit to transport sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ipinasususpinde ngayon ng LGU Malay ang pag-isyu ng permit to transport sa Boracay.

Base sa inilabas na kalatas ng LGU Malay, partikular na pinasususpende ang permit to transport o permit to operate ng mga single na motorsiklo epektibong ngayong byernes.

Nakasaad rin dito na ang pag-renew ng transport permit ng lahat ng uri ng sasakyan ay kailangan munang dumaan sa Malay Municipal Action Center.

Pinapayuhan din ang mga ito na ipresenta ang original copy ng transport permit sa panahon ng pagpoproseso sa pag-rerenew nito, Barangay Clearance, vehicle OR/CR at dalhin ang sasakyan para sa pag-inspeksyon.

Kapag naibigay na umano ang sticker nito, kinakailangan na dalhin muli ang mga sasakyan para sa pagkabit o pagdikit ng mga taga Transportation Office.

Samantala, ang LGU Malay ay maglalagay rin ng mga aprobadong tariff rates stickers o listahan ng mga pamasahe sa lahat ng mga franchise tricycles sa Boracay (BLTMPC) at sa mainland (MATODA) para sa impormasyon ng mga pasahero.

Kung sino man ang makitaang lalabag dito ay maaring i-reklamo sa Police Station, MAP Office, transportation Office at sa Local Franchising Office.

Isang private room ng Nigi-Nigi Too Resort, nasunog kagabi

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Apoy at makapal na usok!

Ito ang dahilan kung bakit nagpanic ang mga staff at guest ng Nigi-Nigi Too Resort sa Barangay Balabag mag-aalas nuwebe kagabi (January 20, 2014).

Natawag din ang pansin ng mga dumadaan sa beach front dahil sa tunog ng fire alarm ng nasabing resort.

Nasunog kasi ang isang private room doon sa second floor.

Ayon sa ilang mga staff doon, napansin na lamang nila na umuusok at umaapoy na ang nasabing kuwarto.

Kaagad namang rumesponde ang mga bombero at mga fire volunteers kung kaya’t mabilis na naapula ang apoy.

Sa inisyal na imbistigasyon ng mga taga Bureau of Fire Boracay, tinatayang nasa 50 libong piso ang pinsala ng sunog, habang iniimbistigahan pa ang sanhi nito.

Gawa sa mixed materials ang nasunog na kuwarto.

Bureau of Fire, muling pinag-iingat ang publiko sa sunog

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

s464.photobucket.comMuli ngayong pinag-iingat ng Bureau of Fire (BFP) sa sunog ang publiko sa Boracay.

Ito’y may kaugnay sa halos sunod-sunod na nangyaring sunog dito sa isla nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Fire Officer 1 John Henry Ildesa ng Bureau of Fire Boracay.

Kailangan talagang tanggalin at huwag iwanang nakasaksak ang mga electrical appliances upang maiwasan ang sunog.

Kaugnay nito, sinabi pa ng Bureau of Fire na tuloy ang kanilang kampanya kontra sa sunog, sa pamamagitan ng pag-inspeksyon ng mga fire exits ng mga establisemyento sa Boracay.

Ito’y bilang bahagi ng kanilang direktiba na suyurin at siguraduhing nasusunod ng bawat establisyemento ang ipinapatupad na building code.

Ibig sabihin, obligado ang mga establisemyentong magkaroon ng fire exit, at fire extinguisher.

Matatandaan na nitong gabi ay isang resort naman ang nasunog sa Barangay Balabag, maliban pa sa sunog sa station 3 Boracay nitong nagdaang linggo.

Inspeksyon ng BFP sa mga fire exits ng mga establisyemento sa Boracay, tuloy-tuloy parin

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tuloy-tuloy parin ang isinasagawang inspeksyon ng Bureu of Fire (BFP) sa mga fire exits ng mga establisyemento sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Fire Officer 1 John Henry Ildesa ng BFP Boracay kaugnay sa pagproseso ng renewal ng mga business permits.

Kasama rin kasi sa mga requirements na ito ang pagproseso o pagkuha ng assessment report mula sa BFP.

Nabatid na ang pag-inspeksyon ng fire exits ay bahagi ng kanilang direktiba na suyurin at siguraduhing nakakasunod sa ipinapatupad na building code para sa safety and precautionary measures ang bawat establisyemento.

Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng mga taga Bureau of Fire ang mga magrerenew ng kanilang mga business permit sa Boracay na kumuha ng assessment report mula sa Balabag Action Center.

Mga problema sa Caticlan at Cagban Jetty Port, tinalakay sa Session ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinalakay kahapon sa Session ng Sangguniang Bayan ng Malay ang ibat-ibang problema sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Ito’y matapos na imbitahin ng SB Malay si Jetty Port Administrator Niven Maquirang para ipaliwanag sa kanila ang patakaran ng “no sticker no entry policy” na isa sa naging problema kamakailan lang.


Hindi lamang tungkol sa mga sasakyang walang sticker na pumapasok sa Cagban jetty port ang tinalakay sa session kundi maging ang pakikitungo ng mga security personnel sa mga turista.

Personal namang ipinaabot ni SB Member Rowen Aguirre at SB Member Floribar Bautista ang kanilang mga obserbasyon sa labas at loob ng jetty port kabilang na ang pakikitungo ng mga empleyado at maging ang mga sirang pasilidad sa pantalan.

Ilan pa sa mga napansin ng mga konsehales ay ang sobrang dami ng mga commercial signboards sa labas ng pantalan na halos hindi na maganda tingnan sa mata ng mga turista, gayon din ang sira-sirang hagdan na paakyat at pababa ng bangka na halos kinakalawang na.

Maliban dito, nais namang pagandahin pa ng SB Malay ang Jetty Port para maging isang International standard.

Nangako naman si Maquirang na bibigyan niya ng pansin ang mga ipinaabot sa kaniya ng mga konsehales para sa ikakabuti ng kanilang serbisyo at lalong lalo na ng isla ng Boracay.