YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 11, 2012

High -valued ng gulay sa Aklan, kulang na ang suplay; presyo, inaasahang tataas pa


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Hangga’t patuloy na nararanasan parin ang sama ng panahon sa bansa lalo na sa bahagi ng Hilagang Luzon, aminado ang Provincial Agricultures Office ng Aklan na aasahan ang pagtaas ng presyo ng gulay particular ang mga High Valued Vegetable gaya ng repolyo, cauliflower, patatas at carrots.

Ayon kay Marlyn Caniete, Agriculturist ng Provincial Agriculture’s Office, inaasahan na ang 20% na pagtaas sa presyo sa mga nabanggit na gulay.

Bagamat may taniman ng repolyo sa bayan ng Libacao, sinabi nito na hindi rin kakayaning suplayan ng produkto doon ang kailangan ng buong probinsiya lalo na ang Boracay.

Maliban dito, aminado din si Caniete na kinukulang din sa suplay ng gulay sa buong probinsiya ngayon kasama na ang isla ng Boracay dahil sa wala rin umanong suplay ng gulay na dumarating sa ngayon.

Ito ay dahil nasalanta ang mga pananim ng labis na pag-ulan, dagdagan pa umano ang pagbaha kaya hindi rin maibiyahe ang mga produktong ito.

Katunayan ayon kay Caniete, sa public market din ngayon sa bayan ng Kalibo ay kulang na rin ang high valued vegetable, katulad din sa nararanasan ngayong dito sa isla.

Subalit aniya, hindi pa nila masasabi kung hanggang kaylan ang ganitong sitwasyon, dahil nakadepende ito sa panahon.

Samantala, kung kinukulang sa suplay ng high valued vegetable ang Aklan sa kasalukuyan, hindi naman umano apektado ang mga gulay sa palengke na maaaring kunin sa backyard gaya ng talong, sitaw, kalabasa at iba pa.

Ito ay dahil maliban sa ang mga produktong ito na mayroon dito sa probinsiya, puwede rin aniya mag-import mula sa Iloilo. 

P8M pondo mula kay PNoy para sa Tambisaan Port, pinabulaan ni Punong Barangay Sualog


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng mga bali-balitang nakatanggap na di umano walong milyong pisong pundo ang Barangay Manoc-manoc Council mula kay Pangulong Benigno Aquino III para sa proyektong terminal sa Tambisaan Port, mariin naman itong pinabulaanan Punong Barangay Abram Sualog.

Aniya, totoong humiling sila sa tanggapan ng Presidente may katagal na rin.

Subalit sa kasalukuyan ay hinihintay pa nila ang pondong ito, kasabay ng paglilinaw na walang katotohanan ang yaong mga bali-balitang natanggap na ng Barangay ang funding para sa proyekto.

Kung maaalala, ang Manoc-manoc Council nitong taong 2011 ay humiling na sila na sa Barangay Manoc-manoc ang magpagawa ang Terminal sa Tambisaan Port at isa-ilalim ito sa Economic Enterprise Development Department ng Manoc-manoc.

Bagay na humingi sila ng pondo sa tanggapan ng Pangulo ng bansa. 

Hose na gamit sa pagtatapon ng waste water na kinukonekta sa drainage sa Boracay, ikinabahala ng SB Malay


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpahayag ng pagkabahala si Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron, Chairman ng Committee on Environment, kaugnay sa napansin nitong naglalakihang mga hose papuntang main road na ikinukonekta sa drainage upang doon itapon ang waste water na nasipsip mula  sa isang ginagawang resort sa station 2.

Ayon kay Pagsugiron maliban sa pagkabahala nito dahil sa ang mga hose ay “eyesore” o di kagandahan para sa mata ng mga turista.

Nagmamalasakit din umano ito dahil sa alam naman ng lahat sa Boracay na ang drainage sa isla ay wala pang sistema at hindi pa ito natatapos.

Ang mga hose pa na ito ay matagal na umano nilang nakita na nakakonekta sa drainage at nangangamba ito na baka mapuno na ng tubig ang drainage at umapaw naman ito sa kalsada.

Dagdag pa dito, minsan na rin aniya niyang ininspeksiyon ang area na ito at naipa-abot na rin sa tanggapan ng Engineering Department partikular kay Malay Municipal Engineer Elezer Casidsid kung saan inihayag din umano ng huli na bawal o hindi pwede ang ganitong gawain.

Kaya hiniling ngayon ng Pagsugiron sa konseho na tulungan ito upang ipatigil ang ganitong gawain at abisuhan na rin ang kina-uukulang para ipa-monitor ang nabanggit na resort. 

Thursday, August 09, 2012

L300 Van sa Tabon Port sa Caticlan, nagrereklamo na!


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa nasisikipan na ang ilang grupo ng L300 van sa kanilang kalagayan sa Tabon Port, nagpa-abot ng reklamo ang limang grupo sa tanggapan ng Punong Ehekutibo ng Malay gayon din sa Sangguniang Bayan.

Kaugnay nito, nakatakdang talakayin committee ng transportasyon ng konseho ang usaping ito matapos na malaman na di umano ay tila okupahin na ng iilang grupo lamang ang terminal na para sa mga L300 van doon, samantala ang ibang grupo naman ay tila na-itsapuwera na.

Ang iba pa umano, tulad sa limang nagpa-abot ng reklamo, ay malayo na sa pantalan ang parking area kaya mahirap para sa kanila ang makakuha ng pasahero.

Ayon naman sa tanggapan ng Punong Ehekutibo, sinabi ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa na gumawa na sila ng sulat bilang sagot sa apela ng limang grupo ng L300 van.

Pero nilinaw nito na ang lokal na pamahalaan ay nagbigay naman ng lugar para sa mga Van na ito na may rutang Caticlan-Kalibo Airport vice versa at alangang naman aniyang pagpatung-patungin nila ang mga ito doon sa iisang parking area kung may katulad man sitwasyong nangyayari doon. 

Pagpapa-unlad sa Tambisaan Port, hindi pa pwede sa ngayon


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Kahit ramdam ang hirap ng mga pasahero, turista man at lokal na mamayan ng Boracay at nakikita naman ang sitwasyon sa Tambisaan Port, hindi pa umano pwedeng ma-ayos sa ngayong ang Tambisaan Port sa  Manoc-manoc, ayon kay Municipal Economic Enterprise Development (MEED) Manager at Malay Administrator Godofredo Sadiasa.

Ito ay dahil kapag ipatupad umano ang pagsasa-ayos o konstraksiyon dito partikular ang paglalagay ng shade o silungan para sa mga pasahero, aasahang makaka-istorbo ito sa publiko na dumadaan sa nasabing pantalan.

Kaya hihintayin na lang umano na mailipat ang biyahe ng mga bangka pabalik sa rutang Caticlan at Cagban Port bago simulan ang konstraksiyon.

Pero nilinaw nito na imposibleng maipapatupad ang pagsasa-ayos na ito ngayong taon ng 2012 dahil sa ginagamit pa sa kasalukuyan ang Tambisaan Port at ayaw nila na maging sagabal ito sa mga pasahero, kaya hihintayin na lang nilang maging bakante ito.

Gayon pa man, inihayag nitong pinondohan na ng LGU Malay ang proyekto at tapos na ang bidding para sa gagawing pagpapa-unlad ng Tambisaan Port.

Kung mapapansin, ngayong madalas ang pag-ulan sa bansa lalo na dito sa Boracay, tila mga basang sisiw ang mga pasaherong naghihintay na makasampa sa bangka dahil sa walang masisilungan maliban sa maliit na ticket booth doon.

Ang mga pasahero namang kakababa lang ng bangka ay nakikipag-karerahan na lamang sa ulan, diretso sa nakaparadang tricycle sa labasan dahil sa maliit lamang at puno na ang silungan doon.