Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Agaw buhay ang dalawang lineman ng Aklan Electric
Cooperative (Akelco) sa Boracay matapos makuryente ang mga ito habang inaayos
ang kanilang mainline sa isla.
Nagtamo ng sugat at paso sa ibat-ibang bahagi ng kanilang
katawan ang mga biktimang sina Jomarie Icabandi, 30 anyos ng Brgy. Manhanip,
Malinao at si Leonel Reyes, 31 anyos ng Tangalan, Aklan.
Nabatid na bandang tanghali ng makuryente ang mga biktima
sa inaayos na linya ng kuryente sa Sitio Ambulong Brgy. Manocmanoc kung saan
napag-alaman na may biglang pumasok na 7,620 volts na supply ng kuryente sa
kanilang ginagawang single phase na linya dahilan ng kanilang pagkakuryente.
Dahil dito mabilis namang pinagtulungan ng mga kasamahan
ng lineman na maibaba ang mga ito na agad namang idinala sa isang pribadong
kilinika sa isla ngunit dinala din agad sa ospital sa bayan ng Kalibo.
Ayon pa sa mga health officials na gumamot sa dalawang
biktima posibleng umanong magkaroon ng damage sa kanilang internal organs ang
mga ito dahil sa natamong sugat sa palad at talampakan kung saan tumagos ang
kuryente.
Samantala, patuloy naman ang ginawang embitigasyon ng
Akelco hinggil sa nangyaring insidente at kung papaanong may pumasok na supply
ng kuryente sa kanilang ginagawang single phase.
No comments:
Post a Comment