YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, March 16, 2018

BFI President Graf, nagulat sa rekomendasyong “Total Closure” ng Boracay

Posted March 16, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Nagulat at hindi parin makapaniwala ang pamunuan ng Boracay Foundation Incorporated o BFI sa rekomendasyon ng tatlong ahensya na DENR, DILG at DOT kay Pangulong Duterte na isara ang Boracay.

Ayon kay BFI President Nenette Aguirre-Graf, hindi niya lubos akalain na hahantong sa ganitong rekomendasyon ang gustong mangyari nina Secretary Roy Cimatu, Secretary Año, at Secretary Tulfo-Teo dahil iniisip nito ang posibleng epekto sa mga manggagawa sa isla.

Ang ikinababahala pa nito ay maaaring magtagal ito ng isang taon kung pagbabasehan ang ginawang pahayag ni Cimatu kahapon.

Ayon pa sakanya, may nag-paabot din ng mensahe sa kanya na bago ang nangyaring pag-anunsyo, nakipagpulong na ang DOT Office sa Philippine Airlines o PAL na sila umano ay nag-kansela ng biyahe simula April 26 hanggang June 26 papuntang Boracay.

Bagamat ikinalungkot ito ni Graf umaasa parin siya na isaalang-alang ng Pangulo ang kanyang desisyon dahil maraming mamamayan ang maaapektuhan kapag ito ay ipinatupad.

Kaugnay nito wala paring natatanggap na komunikasyon ang alkalde ng Malay kaugnay sa isinapublikong balita ng DENR, DILG at DOT.

Apela naman ni Graf, na kung maaari ay ipulong ang LGU Malay at Stakeholders ng tatlong ahensya upang malaman nila kung ano ang mga nakapaloob sa kanilang action plan bago ang gagawing rekomendasyon sa pangulo.

Sa pinal na rekomendasyon ng inter-agency group, ang “total closure” ay ipapatupad isang buwan pagkatapos ng gagawing deklarasyon ng pangulo.

Inaasahan naman na magdedeklara ng “State of Calamity” sa mga susunod na linggo para mapunduhan ang gagawing rehabilitasyon sa panahon na ito ay isasarado.

No comments:

Post a Comment