Posted July 18, 2017
Ni Danita Jean A.
Pelayo, YES THE BEST Boracay
Ikinadismaya ng Friends of the Flying Foxes (FFF) ang
pagtapyas at pagpatag sa bulubunduking bahagi ng Barangay Yapak sa isla ng
Boracay.
Sa panayam ng himpilang ito kay Noa Macavinta na Board
Member ng FFF, hindi umano sila sang-ayon sa isinagawang pag-bulldozed ng
natitirang natural forest ng isla partikular sa nabanggit na lugar.
Ani Macavinta, nais nilang isantabi at panatilihin ang
protected area na ito na pinamamahayan ng mga fruitbats o paniki na ayon sa
kanilang grupo ay kakaunti na lang dahil sa mga nangyaring development sa isla.
Ayon sa FFF, alam na raw ito ng DENR at wala umano silang
inisyu na ECC maging ang Barangay ay hindi rin daw nagbigay ng Barangay
Clearance para galawin ang kagubatan doon.
Dahil dito, ikinukonsidera umano itong isang illegal na
aksyon matapos na magsagawa sila ng paggalaw ng lupa at pagputol ng kahoy sa
naturang lugar na ayon pa kay Macavinta ay wala umanong pahintulot mula sa
LGU-Malay.
Kaugnay nito, naapektuhan umano ang malaking bilang ng
mga paniki na katuwang sa pagpapayabong ng mga punong-kahoy sa lugar na ayon sa
grupo ay endangered na.
Umaasa ngayon si Macavinta kasama ang kanilang grupo na
maire-restore ang area at mapigilan ang pagwasak sa natitirang protected forest
ng Boracay.
Samantala, ang nangyaring pag-bulldoze ay para raw sa
malaking development sa lugar kung saan ay balak umanong patayuan ng 500-room
resort ng isang malaking developer.
No comments:
Post a Comment