YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, February 20, 2019

Associations of Private Schools, tinututulan ang pagtatayo ng ASU-Malay

Posted February 20, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: one or more people, people sitting, screen, office and indoorMariing tinutulan ngayon ng Association of Private School in Aklan ang planong pagtatayo ng Aklan State University Campus sa bayan ng Malay.

Ito ang inihayag ni Atty. Joseph Noel Estrada ng Association of Private Schools, matapos imbitahan sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay kasama ang ibat-ibang representante ng ilang pribadong paaralan sa Probinsya ng Aklan.

Aniya, ang plano pagtatayo ng paaralan dito ay makaka-apekto sa sustainability ng mga private schools sa probinsya at gayundin sa ipinapatupad ngayong K to 12 program.

Giit pa ni Estrada, may ibang paraan na pwedeng gawin at hindi na kailangan pang magpatayo ng panibagong campus universities sa Malay kung saan nag-o-offer din ng kaparehong kurso sa mga pribadong kolehiyo sa Kalibo.

Ipinunto rin ni Estrada na huwag ng ituloy ito dahil may bagong batas na RA 10931 na magbibigay subsidiya sa mga maralitang estudyante na nais mag-aral sa parehong private colleges at state universities.

Sa kabilang panig ay inihayag naman ni Dr. Emily Arangote, Campus Director ng ASU-Ibajay na obligasyon nilang sagutin ang request ng Technical Working Group ng Malay sa pag-establisa ng paaralan subalit ang desisyon ay magmumula sa kung ano ang mapag-kasunduan sa pagitan ng LGU Malay at Private Schools ng Aklan.

Taong 2001, binalak ng Malay na magkaroon ng tertiary school subalit hindi ito naisakatuparan.

Kaugnay nito, tanging hiling ngayon ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan na pagbigyan sila na ma-establisa ito para sa kapakanan ng mga out of school youth at Malaynon na hindi kayang paaralin ang mga anak sa Kalibo.

Dagdag pa ng ilang konsehal na mas convenient, malapit at masusubaybayan pa ng mga magulang ang kanilang mga anak sakaling may kolehiyo na dito.

Samantala, para maresolba ang isyu ay nag-rekomenda ang pamunuan ng ASU-Ibajay na isama sa susunod na dayalogo ang CHED, NEDA at ilang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa edukasyon.

Magugunitang target na ma-establisa ng LGU-Malay ang ASU Malay-Campus sa Barangay Balusbos ngayong taon.

Monday, February 18, 2019

Traysikel, posibleng hanggang katapusan nalang ng Marso —Acting Mayor Sualog

Posted February 18, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Posibleng hanggang katapusan nalang ng Marso ang lahat ng traysikel na namamasada sa isla ng Boracay.

Ito ang pahayag ni Malay Acting Mayor Abram Sualog sa panayam sa kanya nitong Sabado sa Boracay Good News.

Ani Sualog, “tentative date” ito habang hinihintay nilang ma-facilitate ang donation ng E-trike mula sa Department of Energy at pag-amyenda ng ordinansa sa specification ng E-trike lalo na sa seating capacity.

Bagamat pumasa umano ang E-trike ng DOE sa laki at lapad ay lima lang ang pwedeng isakay nito maliban sa driver taliwas sa 7-9 na seating capacity sa ordinansa.

Dagdag pa ni Sualog, na-delay ang implementasyon ng E-trike Program ng Malay dahil pinagbigyan muna nila ang ilang franchise holder na hindi pa naka-avail ng E-trike.

Ang 180 units na donasyon mula sa DOE ay ipapamahagi sa 250 na franchise holder na wala pang unit ng E-trike sa pamamagitan umano ng “raffle”.

Dahil non-transferable ang franchise, paliwanag ni Sualog, kapag pinalad na mabunot ay mapupunta ito sa naka-pangalan at hindi sa nakabili ng prangkisa.

Samantala, kung matutuloy ang phase-out ng trasyikel sa itinakdang petsa ay magkakaroon ng Deployment Plan ang Sangguniang Bayan ng Malay at DOE sa operasyon o fleet management ng mga units.

Saturday, February 16, 2019

MENRO-MALAY, binalaan ang publiko sa nakitang Blue Bottle Jellyfish sa Boracay


Posted February 14, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: one or more people and textBinalaan ngayon ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO)-Malay ang publiko lalo na ang mga nagbabakasyon na maging maingat sa namataang isang uri ng dikya o salabay sa baybayin ng Puka Beach sa Yapak.
Ang dikya na napadpad sa nabanggit na lugar ay isang “Blue Bottle Jellyfish” na ayon sa MENRO ay makamandag at delikadong hawakan.

Sa inilabas na advisory ng MDRRMO Malay, dahil sa “venomous” itong blue bottle jellyfish, ay maaaring pumatay ng ibang isda at posibleng makapinsla rin sa tao kahit na wala umano ito sa tubig.

Samantala, paalala ng MENRO-Malay na kung may napansing blue bottle jellyfish ay huwag itong hawakan bagkus ay ipaalam ito sa mga nagbabantay na Life Guards sa lugar.

Menor de edad inireklamo ng pagnanakaw

Posted February 16, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Inireklamo ng pagnanakaw ang isang menor de edad na lalaki matapos tangayin nito ang isang cellphone sa loob ng boarding house sa Sitio Lugutan Brgy. ManocManoc kahapon.

Kinilala ang nagrereklamong biktima na si Charina Magarzo, 23 anyos ng Carugdog, Lezo Aklan at pansamantalang nanunuluyan sa nabanggit na lugar.

Sa blotter entry ng Malay PNP, nagulat nalang umano ang biktima na nawawala na ang kanyang cellphone na nakalapag sa kanyang higaan.

Agad namang nagpatulong ang biktima sa kanyang mga kasamahan at doon napag-alaman sa nakasaksi ng pangyayari na nakita umano nito ang suspek na menor de edad na pumasok sa kwarto ng biktima.

Samantala, sa imbestigasyon ng pulisya napagalamang itinago ng suspek ang cellphone sa toilet bowl na siya namang ikinasira nito.

Itinurn-over naman ang menor de edad sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Malay PNP para sa karampatang disposisyon.

Friday, February 08, 2019

Papal Nuncio , bumisita sa isla ng Boracay


Posted January 7, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: 5 people, people smiling, people standing and outdoor Mainit na sinalubong ng mga taga Ati Community Village ang Apostolic Nuncio ng Pilipinas na si Most Rev. Gabriele G. Caccia, DD sa kaniyang pagbisita sa isla ng Boracay kaninang umaga.

Sa maikling programa na inihanda ng mga katutubo ay nag-alay ito ng dasal at pangaral.

Sa mensahe ng Papal Nuncio, nais nitong magka-isa ang lahat dahil aniya ito ang paraan tungo sa magandang pagsasama at paglaganap ng kabutihan.

Bago nito ay pinaunlakan ng nuncio ang imbitasyon ni Bishop Jose Corazon Tala-oc na basbasan ang St. John the Baptist Cathedral ng Kalibo bago tumulak ng Boracay.

Ikinagalak din ng mga madre at kaparian ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish ng Boracay ang kaniyang pagbisita kaya naghanda rin sila ng misa sa simbahan.

Pagkatapos ng misa ay tumulak ang Papal Nuncio sa grotto ng pamosong Boracay Rock para mag-alay ng dasal sa imahe ng Birheng Maria.

#YesTheBestBoracayNEWS