YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, January 25, 2019

SB Malay nadiskubreng may mga turistang nagmamay-ari ng Etrike sa Boracay

Posted January 24, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: 1 person, sitting and indoorMalaking katanungan sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pagka-diskubre na marami palang turista ang nagmamay-ari ng e-trike na pumapasada sa isla ng Boracay.

Sa record ng Sangguniang Bayan, may anim na units ng TOJO E-trike ang nakapangalan sa isang Korean National maliban sa iba pang units na Koreans din ang may-ari.

Sa pagtatanong ni SB Member Frolibar Bautista, bakit nangyayari ang ganito samantalang malinaw sa ordinansa na dapat ay hindi lalagpas sa dalawang unit ang naka-pangalan sa isang franchise.

Napag-alaman na ang mga units na nakapangalan sa turista ay naibenta na ng mga franchise holder sa Boracay.

Nauna ng ipinatawag ang anim na E-trike provider dahil may mga balita silang narinig na may sobra sa dalawa ang nakapangalan sa listahan nila.

Paglilinaw pa ni SB Bautista, na ang franchise ay hindi pwedeng ilipat sa ibang tao.

Kaya naman tinatanong ngayon nito sa mga E-trike Provider kung sino itong mga nagmamay-ari na sobra sa dalawa at mayroon pa umanong umabot sa dalawampu ang units.

Samantala, nilinaw din mismo ni Cesar Oczon, Head ng Malay Transportation Office na hanggang dalawa unit lang ang pwedeng bilhin at i-operate.

Sinabi ni Oczon na narinig din umano nila ang naturang alegasyon sa dalampung E-trike na gustong i-operate sa isla pero minominitor na nila ito ngayon.

Aniya, sa kanilang record nahihirapan umano ang bumuli ng franchise at sa ngayon nga ay hindi pa umano ito napro-proseso.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na E-trike o Electronic Tricycle supplier ang isla kung saan ito ang GerWeiss Motors, Tojo Motors, Prozza, KOR E-trike, Modello Global Solutions, BEMAC, at Motor Ace.

COMELEC pinayuhan ang mga politiko sa Malay na huwag bigyan ng rason na muling magluksa ang Boracay

Posted January 23, 2019

Image may contain: 5 people, indoorMalay, Aklan - Sumentro sa pagbibigay ng paalala at kahalagahan ng serbisyo sa tao ang ginawang “Peace Covenant Signing” ng PNP at COMELEC sa mga tumatakbong kandidato sa Malay para sa nalalapit na 2019 Midterm Election.

Sa isang mensahe, ayon kay COMELEC Aklan Election Supervisor Atty. Elizabeth Doronila, magsilbi sanang leksyon as lahat ang nangyaring pagpasara sa Boracay para pagbutihin ang pamamahala sa Malay.

“Huwag niyo ng bigyan ng rason na muling magluksa ang mga tao sa Boracay”,ito ang pahayag ni Doronila sabay paalala na gamitin ng wasto ang biyayang bigay ng isla.

Alam din dapat ng bawat isa kung ano ang layunin nila sa pagtakbo at nararapat na unahing pagsilbihan ang taumbayan bago ang personal na interes.

Bago nito ay nagkaroon muna ng unity walk bago nagsagawa ng misa si Rev. Fr. Harvey Fojas sa kabuuang 30 kandidato ng Malay.

Samantala, pinayuhan naman ni Malay PNP OIC PSupt. Antonio Dizon ang mga politiko na kumuha ng Certificate of Authority sa COMELEC bago armasan ang mga bodyguard para hindi hulihin ang mga ito dahil sa nagpapatuloy na gun ban.

Ang “Peace Covenant Signing” ay aktibidad bago ang eleksyon na inisyatibo ng PNP katuwang ang COMELEC, PPCRV, Media, at ilang civil society group para maatim ang malinis, payapa, at patas na halalan.

#YesTheBestBoracayNEWS


Monday, January 14, 2019

Bagong taripa sa singil sa tubig ngayong 2019, inilabas ng BIWC

Posted January 14, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST NEWS DEPARTMENT

May bago ngayong inilabas na taripa ang Boracay Island Water Company (BIWC) para sa taong 2019 na inaprobahan ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Sa kalatas na ipinalabas ng BIWC, epektibo Enero a-uno, ang Residential A na ang konsumo ay 11-20 cubic meters ay magbabayad ng P105.99/cubic meter mula sa dating P89.76 habang ang 21-50 cubic meters ay nasa P156.18/cubic meter mula sa dating P132.18

Tumaas din ang singil sa Commercial A o 11-50/cubic meters ang konsumo ay nasa P167.33/cubic meter na ang rate mula sa dating P141.71/cubic meter, habang ang commercial establishment na gumagamit ng 51-100/cubic meters na tubig ay P195.25/cubic meter ang babayaran kumpara sa dating P165.35

Samantala sa Commercial B naman kung mayroon kang 11-50 cubic meters ay sisingilin ng P153.39 mula sa dating P129.90 at kung nakapag-kunsomo naman ng 51-100 cubic meters ay magbabayad ng P 181.23 mula sa dating P 153.52 at kung sumubra sa 100 cubic meters ay nasa P 209.18 ang rate mula sa dating P177.15

Tumaas din ang singil sa Sewer maliban sa Residential B kung saan naka-base naman lahat ang singil sa volume ng tubig na kino-konsumo.

Nabatid na ang paglabas ng bagong taripa ay base sa approval ng TIEZA Board of Directors sa bisa ng Resolution No. 4-12-18 na may petsang Desyembre 4, 2018 bilang rekomendasyon ng TIEZA Regulatory Office kung saan mayroong upward adjustment na 18.08%.

Friday, November 23, 2018

Transportation Office naglabas ng Tricyle at E-Trike complaint hotline


Posted November 22, 2018
Inna Carol L. Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS DEPARTMENT

Dahil sa paulit-ulit na reklamo na natatanggap mula sa mga commuters, naglabas ngayon ang Malay Tranportation and Regulation Office ng Tricycle and E-trike complaint hotline.

Sa panayam kay Senior Land Transportation Officer Cesar Oczon, ang utos ay nagmula kay Acting Mayor Abram Sualog dahil sa pagpili umano ng pasasakayin na pasahero ng ilang mga drivers sa isla ng Boracay.

Base kasi sa mga complaint record nilang natanggap mula sa mga pasahero, noong sarado pa ang isla, ang mga tricycle drivers ang lumalapit para mag-alok ng sakay pero ng simulang magbukas ito ay bumalik ulit sa dating gawi ang mga drivers.

Ang karamihan sa reklamo ay mas inuuna ang mga foreign tourist kesa mga residente at manggagawa.

Ayon kay Oczon, naalarma si Sualog at upang mas maaksyunan at madaling mahuli itong mga pasaway na drivers, minadali nila ang paggawa ng LGU Malay Transportation Assistance FB Page at Hotline na 0999-946-7551 upang dito na nila ipadala ang kanilang mga reklamo.

Aniya, kung sino man ang mahuhuli at mapatunayang hindi nagpapasakay ng pasahero papatawan ito ng penalidad na nagkakahalaga ng P2, 500.

Inabisuhan naman nito ang mga magpo-post sa Assistance Page na maging responsible at makipagtulungan upang masawati ang ganitong pag-uugali.

Kaugnay nito, inimbitahan ni Oczon ang mga drivers na dumalo sa gaganaping Driver Operators Seminar for LGU Accreditation sa susunod na Linggo, Novermber 28-29, 2018 para maayos ang sistema sa pagserbisyo sa mga pasahero.

Wednesday, November 14, 2018

Pangulong Duterte, pormal ng ipinamahagi ang Certificates Of Land Ownership Award sa mga katutubong Ati sa Boracay

Posted November 9, 2018
Inna Carol L. Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS DEPARTMENT

(c) Ernesto Bandiola
Pormal nang ipinamahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anim na titulo para sa mga katutubong Ati sa isla ng Boracay kagabi.

Ang Certificates Of Land Ownership Award o CLOA na may kabuuang sukat na 3.2 hectares ng lupa sa area ng Sitio Angol ay pakikinabangan ng 44 miyembro ng Ati Tribe.

Ang CLOA ayon sa pangulo ay magpapatunay na sa kanila na itong lupain na magiging daan para may pagkukunan sila ng kanilang pang araw-araw na pangkabuhayan.

Mismong si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones at Pangulong Duterte ang umanunsyo na kasama sa ibibigay na lupain ang mga garden tools at equipments na gagamitin nila sa pagtatanim ng mga gulay na siyang magiging pangkabuhayan nila.

Sa mensahe ng Pangulo, pinayuhan nito ang mga katutubong Ati na pagyamanin ang lupa na ibinigay ng gobyerno para mapakanibangan ng kanilang mga susunod na saling lahi.

Nais ng pangulo na maabutan ito ng kanilang mga apo at bahala na umano ang mga ito kung ibebenta nila ito pagdating ng panahon.

Samantala, nagbabala naman ito sa ibang claimants ng lupain na sakop ng programa ng DAR at CARP na huwag ng humarang pa dahil ang lahat ng lupain umano sa Boracay ay pag-aari ng gobyerno.

Lubos naman ang pasasalamat ng Ati Community sa Pangulo dahil nabigyan sila ng opurtunidad na mabigyan ng lupa at sa mensahe nila ay humiling ang mga katutubo na sana ay hindi ito magdulot ng ano mang problema sa kanila.

Ayon sa DAR, may karagdagan pang 14 na ektarya sa Balabag ang planong ipamigay naman sa mga tumandok o mga pamilyang original na naninirahan sa isla.