YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, March 21, 2016

SB Malay nag-paalala sa "No Party on Good Friday" ngayong Kwarisma

Posted March 21, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muli na naman ngayong nag-paalala ang LGU Malay partikular ang tanggapan ng Sangguniang Bayan ng Malay sa resolusyon na "No Party on Good Friday" ngayong Semana Santa.

Ayon kay Malay SB Secretary Concordia Alcantara, bawal ang pagpapatugtog ng musika o maiingay na aktibidad sa Biyernes Santo.

Base sa inilabas na SB Resolution No. 015 Series of 2009, epektibo itong ipapatupad simula ala-6:00 ng umaga sa Biyernes hanggang alas-6:00 ng umaga ng Sabado de Gloria o Black Saturday.

Kaugnay nito, inulit naman ng LGU Malay ang panagawang hindi sila maglalabas o mag-iisyu ng permit para sa anumang aktibidad na nakakalikha ng ingay sa panahon ng pagninilay ngayong Biyernes Santo.

Sa kabila nito, aktibo parin sa aktibidad ang isla hanggang sa Huwebes Santo kung saan inaasahan ang libo-libong turistang magbabakasyon sa Boracay.

Samantala, pinayuhan naman ng mga kinauukulan ang mga magbabakasyon na alalahanin parin ang sakripisyo ng Panginon ngayong Holy week sa kabila ng kanilang kasiyahan sa long weekend vacation.

Ordinansa sa mga nag-aalaga ng mga aso sa Probinsya ng Aklan, aprobado na

Posted March 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for ordinansa sa mga asoInaprobahan na ang ordinansa para sa mga nag-aalaga ng aso sa Probinsya ng Aklan sa ginanap na 9 th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan nitong Miyerkules.

Itoy alinsunod sa ipinasang ordinansa na ang mga sponsor ay sina Hon. Emmanuel Soviet Russia Dela Cruz, Hon. Nelson Santamaria at ang Co-sponsor nitong si Hon. Ramon Gelito at Hon. Lilian Tirol.

Samantala ang nasabing ordinansa ay pinamagatan “ An ordinance Prescribing Rules, Regulation, And Control Measures In The Movement of Domesticated Animals Particularly Dogs And Strictly Banning The Staying/Roaming of The Same In Streets And All Other Public Places In The Province of Aklan  And Penalizing Owners Thereof For Its Violation.

Kaugnay nito nakapaloob dito ang mga patakaran para sa mga may-ari ng aso at ang kanilang magiging penalidad sakaling sila ay may nilabag na kautusan sa ordinansa kabilang na ang pagpapabaya sa mga aso na pagala-gala.

Wanted sa kasong pagpatay sa Batangas, arestado sa Boracay

Posted March 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for wantedHindi na nakapumiglas pa ang isang lalaking wanted sa kasong pagpatay sa Batangas matapos itong mahuli sa Cagban Jetty Port Brgy. Manoc-manoc, Boracay, Malay, Aklan kahapon.

Nahuli ang suspek na si Alvin Casanova 33-anyos isang driver at nakatira sa Sitio Bantud ng nasabing Brgy. ng pinagsamang pwersa ng Numancia PNP, Sta. Terisita MPS, Batangas PPO at ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nabatid na ang suspek ay may Criminal Case No. 27-2010 na may bisa ng Presiding judge na si Juanita Areta 4th Judicial Region Branch 85 Taal, Batangas noong Pebrero 9, 2011.

Samantala, wala namang inilaang piyansa para sa suspek, na ngayon ay pansamantalang naka-kustuditya sa Numancia PNP habang nakatakdang i-turn over sa nasabing korte.

Dating Supervisor ng isang resort sa Boracay, huli sa kasong Estafa

Posted March 21, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for estafaHuli sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis ang isang dating Supervisor ng isang resort sa station 2 Balabag, Boracay.

Sa report ng Boracay PNP, nakilala ang nag-rereklamong si Ruben Fuentes 47-anyos, Manager ng resort habang ang suspek ay nakilala namang si Glorylyn Capangpangan 27-anyos ng Talaytay, Argao, Cebu.

Nabatid sa report na ginagamit ng suspek ang pangalan ng kanilang kumpanya para sa pag-tanggap ng online booking at walang pahintulot mula sa naturang resort, kung saan ang iba umanong guest ay nagbayad na ng partial na ngayon ay inirereklamo ang kanilang kumpanya.

Samantala, nakuha naman sa suspek ang pera na nakolekta nito mula sa mga guest sa isinagawang entrapment operation sa isang restaurant sa Balabag, Boracay.

Sa ngayon ang suspek ay pansamantalang naka-kustudiya sa lock-up cell ng Boracay PNP para sa kaukulang disposisyon.

Apatnapung libong turista inaasahan ngayong Holy Week sa Boracay

Posted March 21, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for boracay holy weekTinatayang apatnapung libong turista ang inaasahang magbabakasyon ngayong Holy Week sa isla ng Boracay simula ngayong Lunes.

Ayon kay DOT Boracay Sub-Office Tourism Assistant Kristoffer Leo Velete, nagkaroon umano sila ng meeting kamakailan kasama ang mga security groups sa isla, stakeholders at LGU Malay.

Sinabi nito na malaki ang kanilang inaasahang buhos ng turista dahil sa mga karagdagang flights ngayon sa Caticlan Airport gayon din sa Kalibo International Airport.

Samantala, inaasahang mapupuno na naman ng maraming tao ang buong beach area ng Boracay sa kabila ng pagbabawal ng mga party o mga tugtog sa araw ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.