YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, December 11, 2015

Mga hindi gumaganang x-ray machine sa Caticlan Jetty Port pinuna sa SB Malay

Posted December 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for x-ray machine caticlan jetty portHindi nakaligtas sa Sangguniang Bayan ng Malay ang dalawang x-ray machine o luggage machine na hindi gumagana sa Caticlan Jetty Port.

Nitong Martes sa ika-44th Regular SB Session ng Malay isa sa mga pinag-usapan ang seguridad sa naturang pantalan lalo na ngayong unti-unti ng dumadagsa ang mga tao sa Boracay.

Dahil dito pinuna ng mga konsehales kung bakit matagal ng hindi gumagana ang naturang machine kabilang na ang kawalan ng K-9 Unit sa entrance ng Jetty Port.

Ayon naman kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port hindi pa umano dumadating ang naturang piyesa para muling maayos ang x-ray machine.

Tiniyak din nito na hahabulin nila sa super peak season ang pagsasaayos nito upang maipatupad ang mabilis at mahigpit na seguridad sa nasabing pantalan.

Nabatid na nais ng Sangguniang Bayan ng Malay na maipatupad ang mahigpit na seguridad sa Boracay dahil sa umiiral na banta ng terorismo sa ibat-ibang tourist destination sa buong mundo.

Kauna-unahang Miss Earth Malay 2015 kokoronahan na ngayong gabi

Posted December 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Labin-pitong kandidata ang maglalaban-laban para tanghaling kauna-unahang Miss Earth Malay 2015 mamayang alas-7 ng gabi sa Malay covered court.

Nabatid na katuwang mismo ng Environmental Office ng Malay ang Carousel Productions na may hawak ng Miss Earth Philippines kung saan ang kokoronahan mamayang gabi ay awtomatikong pasok sa Miss Earth Philippines 2016.

Maliban dito makakatanggap naman ng cash ang mananalo pati na ang brgy. kung saan nagmula ang kandidata.

Samantala, may mananalo din ng Miss Earth Water; Miss Earth Eco-Tourism; Miss Earth Air at Miss Earth Fire.

Kaugnay nito malalaking pangalan sa mundo ng pagandahan at negosyo sa bansa ang magiging hurado sa isasagawang patimpalak mamayang gabi kung saan haharanahin naman ng artista ang labin pitong kandidata.

Ang Miss Earth Malay 2015 ay kauna-unahang patimpalak sa pagandahan at talento ng LGU Malay sa pangunguna ng Environmental Office kung saan ang mananalo ay tatanghalin din bilang Ambassador for the Malay Environment.

Barracks ng construction worker sa Boracay, pinaulanan ng bala

Posted December 11, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Isang barracks ng mga construction worker ang pinaulan ng bala ng baril kagabi sa Sitio Cagban, Brgy. Manoc-manoc, Boracay,Malay, Aklan.

Reklamo ng biktimang si Nelson Jabonite 45-anyos ng Tabuk Suba, Jaro, Iloilo City at isa sa nakatira sa barracks sa Boracay PNP, natutulog umano siya sa loob nito ng bigla niyang marinig ang putok ng baril na tumama sa kanilang bubungan at sinundan pa ng isang putok na tumama naman sakaliwang braso nito.

Dahil dito mabilis namang naisugod ang biktima sa isang pagamutan sa Boracay para mabigyan ng karampatang medikasyon ang kanyang braso na tinamaan ng bala.

Sa ngayon patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis hinggil sa nangyaring pag-papaulan ng bala sa naturang barracks.

Thursday, December 10, 2015

BFP-Boracay, muling nag-paalala sa publiko kontra sunog ngayong Holiday Season

Posted December 10, 2015
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for mga paputokMuling nagpaalala sa mga residente sa Boracay ang Bureau of Fire Protection Unit (BFPU) ngayong Holiday Season laban sa paggamit ng mga paputok.

Ayon kay FO3 Cirilo Geroche III ng BFPU Boracay, mag-iikot umano sila sa buong isla para mamigay ng mga poster na nag-lalaman ng mga paalala sa kasagsagan ng Yuletide Season.

Maliban dito tema umano ngayon ng kanilang Oplan Paalala ay “Iwas Sunog, Iwas Paputok” kung saan hinihikayat din nila ang publiko na huwag gumamit ng ano mang klase ng paputok para malayo sa disgrasya.

Dagdag pa ng BFP, iwasan ding magsusunog ng gulong dahil masama ang epekto nito sa kalusugan ng mga makakalanghap lalo na sa lugar kung saan maraming nakatirang tao.

Operasyon ng mga bangka sa Caticlan Jetty Port pinag-aralan sa SB Malay

Posted December 10, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for mga bangka sa BoracayPinatawag nitong Martes sa Sangguniang Bayan ng Malay ang mga kinauukulan sa Caticlan Jetty Port kasama ang Philippine Coastguard, CBTMPC at Malay Transportation Office.

Ito ay para talakayin ang tungkol sa ipinapatupad na manifesto at life jacket sa mga bangka na mahigpit na ipinag-uutos ni Philippine Coastguard Caticlan Lt. Idison Diaz simula ng ito ay manungkulan ilang linggo palang ang nakakaraan.

Sa pinag-usapan sa SB Session nitong Martes hindi na sa loob ng bangka magsusulat ng kanilang mga pangalan sa manifesto ang pasahero kundi ay maglalagay na mismo ng lamesa sa may sakayan ng mga bangka kung saan sila magsusulat bago sumakay.

Maliban dito nais naman ni CBTMPC Chairman Godofredo Sadiasa na bubuksan umano pansamantala ang reclamation area sa Caticlan para puweding daungan ng mga bangka upang maging mabilis ang operasyon.

Nabatid na ilan lamang ito sa mga nais mangyari ng Sangguniang Bayan ng Malay dahil sa patuloy na reklamo ng mga pasahero tungkol sa mabagal na operasyon ng mga bangka dulot ng bagong implementasyon.