YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, March 19, 2015

Interim General Manager ng Malay Water District, ginisa sa SB Malay

Posted March 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for water districtGinisa sa Sangguniang Bayan ng Malay si Interim General Manager Rei Bernardo ng Malay Water District dahil sa problema sa tubig ng Sitio. Tabon Bukid sa Brgy. Caticlan.

Sa ika-11th SB Session ng Malay nitong Martes, inimbitahan si Bernardo para ipaliwanag sa kanila ang kawalan ng tubig sa nasabing lugar na matagal nang problema ng mga residente rito.

Ayon kay Bernardo may mga problema umano sa linya ng tubig at sa mismong pinagmumulan nito kung kayat hindi sila nakakapagbigay ng tubig sa mataas na area ng Tabon Bukid.

Magkaganun paman patuloy umano ang kanilang ginagawang hakbang para maibalik sa normal ang pagsuplay ng tubig sa nasabing lugar.

Dahil dito tila naiinip na ang konseho sa mabagal na aksyon ng Malay Water District sa malaking dagok na dumaranas ng mga residente sa lugar.

Samantala, nais ngayon ng SB Malay na makipag-ugnayan si Bernardo sa Boracay Island Water Company (BIWC) para pansamantalang mabigyan ng tubig ang Tabon Bukid habang inaayos pa ang problema.

Nabatid na handang magbigay ng suplay ng tubig ang BIWC ngunit inaantay pa rito ang pag-aproba ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kung saan konektado ang kanilang kumpanya.

Sa ngayon minamadali na ng Sangguniang Bayan ng Malay na mabigyan agad ng tubig ang Tabon dahil sa papalapit na Summer.

Lalo pa’t marami na rin umanong residente ang nagkakasakit dahil sa kawalan ng tubig na kung saan nais pa ng iba na mawalan ng pagkain kaysa mawalan ng tubig.

Pagpatay sa isang babae sa Boracay nitong Linggo, may suspek na

Posted March 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

May suspek na ang Boracay PNP Station sa pagpatay sa isang babae sa Sitio. Tulubhan Manoc-manoc Boracay nitong Linggo.

Sa embistigasyon ng mga pulis nakuha nila ang pangalan ng suspek sa mismong katrabaho nito kung saan residente umano ito ng Brgy. Malasibog, Esclante City Negros Occidental.

Sa kabilang banda natuntun din ng mga pulis ang barracks ng hindi na muna pinangalanang suspek kung saan nakuha ang kanyang jersey sports na puno ng dugo ng tao.

Bagamat atlarge pa ang nasabing suspek sinabi naman ni PO3 Avin Dela Cruz na magsasampa na sila ng kaso laban dito.

Matatandaang wala ng buhay ng matagpuan ang biktima na kinilalang si Dona Vivas mula Leyte at nagtratrabaho sa isla ng Boracay na puno ng saksak o multiple stab wounds sa katawan.

Ordinansa para masiguro ang magandang operasyon ng irigasyon sa Aklan, isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan

Posted March 18, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for irrigation systemIsinusulong ngayon ni Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Emmanuel Soviet Dela Cruz ang ordinansa na naglalayong ma-regulate ang mga irrigation services sa Aklan.

Ito’y upang masiguro ang magandang operasyon ng mga irigasyon sa probinsya.

Ayon kay Dela Cruz, sa pamamagitan umano nito magkakaroon ng mabilis na serbisyo at magandang irrigation systems ang Aklan.

Gayunpaman, isinangguni muna ito ng konseho sa komitiba ng Agriculture at Environment.

Samantala, magugunita naman na nag-aproba ang SP Aklan ng isang resolusyon kaugnay ng pag-adopt ng System Management Committee (SMO) sa Resolution No. 01, Series of 2014 on the policies of Aklan League of Federation of Irrigator’s Association, Inc. (ALFIA).

Wednesday, March 18, 2015

German national, pinagtulungang bugbugin ng 3 kalalakihan sa Boracay

Posted March 18, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for police blotterPatuloy pa ring iniimbestigahan ng mga pulis ang isang kaso ng pambubugbog di umano sa isang German national kaninang madaling araw sa Boracay.

Ayon sa blotter report ng BTAC, naglalakad ang 30 anyos na turistang si Guangtu Zuo kaninang madaling araw sa station 1 Balabag, Boracay nang bigla umano itong sugurin ng tatlong kalalakihan at pinagtulungang bugbugin.

Dagdag pa nito na tinangka pa umano nyang habulin ang mga hindi nakilalang suspek subalit mabilis din ang mga itong nakatakas papuntang Station 2.

Samantala, sa kabila ng tinamong sugat at pinsala sa katawan, tumungo parin ang turista sa presento ng pulis upang magsumbong.

Mga batang namamalimos sa Boracay pag gabi, talamak parin

Posted March 18, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for mendicancy clip artTalamak parin ang mga batang namamalimos sa Boracay.

Partikular na nagiging ‘eye sore’ sa gabi ang mga batang namamalimos sa vegetation area ng station 2.

Base sa mga nakalap naming reklamo at impormasyon, makukulit at nanghahabol pa ng mga turista ang mga bata kahit hatinggabi o madaling araw para lamang mamalimos.

Ang mas masaklap, sinasabing naroroon lamang sa madilim na lugar ang mga magulang ng mga bata at inuutusan silang manghingi sa mga dumadaan.

Dahil dito, ilan naman sa aming nakausap na concerned citizen ang nagpaabot ng pagkadismaya kung bakit mistulang hindi ito inaaksyunan ng DSWD o Department of Social Welfare and Development.

Nakakahiya umano kasi ito sa mga turista lalo pa’t isang ‘World Class Tourist Destination’ ang isla ng Boracay.

Samantala, magugunitang nagpaabot ng apela sa pamamagitan ng himpilang ito si USEC. Florencia Dorotan ng NAPC o National Anti-Poverty Commission sa DSWD na gawin ng puspusan ang kanilang trabaho upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga bata laban sa human trafficking at iba pang masasamang loob.

PS: Bukas po ang aming himpilan para sa mga kinauukulan na nais magbigay ng pahayag sa balitang ito.