YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 03, 2015

BFI, hangad ang paglago ng industriya ng turismo sa isla sa 2015

Posted January 1, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hangad ngayon ng BFI o Boracay Incorporated ang paglago ng industriya ng turismo sa isla sa 2015.

Kaugnay nito, hiling ni BFI President Jony Salme maging sa lahat ng mga stakeholders sa isla na sabayan ang paglagong tourism industry sa pamamagitan ng pangangalaga sa ating kalikasan.

Particular na tinukoy ni Salme ang pangangalaga sa marine life at natural resources ng isla.

Maliban dito, dapat din umanong ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Malay upang makamit ang pag-unlad ng Boracay.

Samantala, naniniwala naman umano si Salme na mapapanatili ang magandang industriya ng turismo sa isla sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lahat.

Biktima ng paputok sa Aklan umabot sa lima

Posted January 1, 2015
Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Umabot sa lima ang naitalang biktima ng paputok ng Aklan Provincial Health Office (PHO) sa pagsalubong ng bagong taon kagabi.

Tatlo rito ang nabiktima ng kwitis na mula sa bayan ng New Washington at Bayan ng Kalibo at isa naman ang nabiktima ng piccolo at isa rin sa kamara.

Bagamat mababa ang bilang kumpara noong nakaraang taon hindi parin kampanti rito ang PHO dahil sa nais nila na magkaroon ng zero casualty ang probinsya pagdating sa mga nabibiktima ng paputok.

Nabatid na simula kagabi at kaninang madaling araw ay itong lima lang na biktima ang dinala sa Provincial Hospital dahil sa mga tinamong sugat sa ibat-ibang parti ng kanilang katawan.

Nanininawala naman ang mga health officials at otoridad na ang patuloy nilang kumpanya laban sa pagbabawal ng paggamit ng paputok ang dahilan ng mababang bilang nito.

Sa kabilang banda kasabay ng pagpasok ng 2015 kaninang hating gabi ay kasabay din ng pagbuhos ng malakas na ulan kung saan mangilan ngilan lang din ang nagpaputok.

Ngunit kahit maulan, masaya parin at mapayapang sinalubong ng mga Aklanon ang pagpasok ng bagong taon sa kani-kanilang tahanan.

Last minute shoppers sa Aklan, dagsa pa rin; matinding traffic, naranasan

Posted December 31, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kahit hapon na ay parami ng parami pa rin ang pagdagsa ng mga mamimili sa mga mall at palenke sa Aklan.

Kaya naman ang resulta, matinding traffic ang naranasan ng publiko lalo na ng mga motorista.

Kaugnay nito, todo bantay naman ang isinasagawa ng mga otoridad dito kabilang na ang mga tragic enforcers at PNP.

Dinagdagan na rin ang numero ng mga pulis na mahigpit na magbabantay sa mga matataong lugar.

Samantala, inihayag naman ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na nakahanda na ang kanilang pwersa upang bantayan ang mga magpapaputok bilang bahagi ng pagsalubong sa bagong taon mamayang gabi.

Thursday, January 01, 2015

Mga bumibili ng New Year Fruits sa Boracay, dagsaan na

Posted December 31, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dagsaan na ngayon ang mga bumibili ng mga New Year Fruits sa Boracay.

Maaga pa lang kanina, kapansin-pansin na ang mga pumipili ng mga prutas na bilog sa D’Talipapa Boracay.

Ayon sa isang customer ng isang stall doon, isang tradisyon na ang pagbili at pagdisplay ng mga nasabing prutas sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sinabi nito na 12 prutas na bilog at iba-iba ang kaniyang binili dahil kumakatawan umano ito sa 12 buwan ng taon.

Kampante din ito sa kanyang pagbili ng mga prutas dahil hindi naman umano tumaas ang presyo ng mga ito.

Samantala, sinasabing ‘affordable’ ang mga ibinibentang prutas ngayon katulad halimbawa ng junior apple na umaabot sa 12-15 pesos ang isa, Ponkan na 7-15 pesos ang piraso, at big orange-30 pesos ang piraso.

Patok din sa mga mamimili ang Kyat-kyat na umaabot sa 80 pesos per bundle, ubas na 300 pesos ang kilo.

Samantala, sa mga nagnanais humabol sa pagkumpleto ng kanilang mga prutas na bilog, maaaring tumungo lamang sa mga nagtitinda sa mga bangketa sa isla.

Domestic flight na eroplano ng AirAsia, sumadsad sa Kalibo International Airport

Posted December 31, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naantala ang operasyon ng Kalibo International Airport matapos sumadsad sa runway ang Manila-Kalibo domestic flight na eroplano ng AirAsia.

Kaagad namang sumaklolo sa lugar ang Bureau of Fire Protection at kapulisan.

Sumaklolo din ang mga airport ground crew sa runway at inilikas ang mga pasahero gamit ang evacuation slide.

Ayon sa report, lumampas ang gulong ng eroplano sa gilid ng runway at bumaon sa putikan dahilan ng pagsadsad nito sa dulo ng runway.

Maliban sa tinitingnang posibilidad na miscalculation ng piloto, tinitingnan din ang dahilan ng aksidente ang malakas na buhos ng ulan at hangin sa Aklan dahil sa bagyong Seniang.

Samantala, wala namang nasaktan sa naganap na insidente.