YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, May 11, 2012

Paki-usap para sa proteksiyon ng Bulabog Beach sa Boracay, ikinasa

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Let us save Bulabog for Boracay!”

Ito ngayon ang sigaw ng mga residente at ng Sea Sports Association na pinangungunahan ni Nenette Graf kasabay ng inilunsad nitong online signing sa petition letter para sa kanilang pagsusumamo o panalangin.

Sa petition letter ni Graf, nakasaad ang kanilang pakiusap para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Tourism (DOT), at Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores, lokal na pamahalaan ng Malay at iba pang ahensiyang may kinalaman sa sinusulong na proyektong Circumferential Road sa Boracay.

Sa kasalukuyan ay daan-daang lagda na ang nakalap nila sa ipinaglaban na proteksiyon ang Bulabog Beach na pinangangambahang maaaring gawaing bahagi ng proyekto.

Ayon kay Graf sa panayam dito nitong umaga, ang nais lamang nila sana ay huwag nang gawing kalsada ang beach sa likod na bahagi ng isla at sundin na lamang kung ano ang dating napagkasunduan na nila, na ang highway ay idaan na lang sa lugar na tinukoy na dati, na hindi na kailangang sirain pa ang 120 meter na beach sa Bulabog.

Bagamat ang lupa o property na dating nang natukoy na dadaanan ng proyekto ay pribado at pag-aari ng apat na inbidwal, naniniwala si Graf hindi naman umano siguro ganun kahirap kausapin ang nga taong ito katulad sa ginawa nila dati.

Samantala sa kasalukuyan, aminado si Graf na hindi pa sila nakakapag-usap ng Miraflores ukol sa bagay na ito, para hilinging kung maaari ay ilipat ng daan ang natitirang bahagi ng proyektong  circumferential road, at huwag nang gawaing highway ang 120 meter na White Beach sa Boracay sa Bulabog.

Ang paninindigang ito di umano ayon kay Graf ay laban ng bawat Boracaynon gayong ang Bulabog Beach ay kilala bilang World Best Kite at Wind Surfing spot at dagdag atraksiyon para sa turismo ng Boracay. 

Direct Flights mula China at Taiwan sa Kalibo International Airport, tuloy pa rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng tensiyong namamagitan sa China at Pilipinas sa ngayon, nananatiling normal pa rin ang biyahe ng International Flights mula sa Shanghai, China papuntang Kalibo International Airport (KIA).

Ito ang nilinaw ni Kalibo International Airport KIA Administrator Percy Malonesio sa panayam dito nitong umaga.

Bagamat may ilang paliparan umano sa bansa ang nakatangap ng abiso na kinansela na ang mga flights ng mga sasakyang panghimpapawid na nagmula sa Shanghai, China, siya bilang administrador ng KIA, ay wala pa umanong natatanggap na komunikasyon ng pagkasela ng mga direct flights mula China, gayong ang nangyayari umano kapag mayroong ginagawang pagbabago sa petsa o oras man ng paglapag sa paliparan dito, lalo na ang mga international flights ay ipinapa-alam aniya sa kaniya.

Pero sa pagkakataong ito ay wala pa silang black and white o dokumentong pinanghahawakan na nagsasabing apektado ang flights ng mga ito lalo na ng mga turistang papunta ng Boracay.

Maging ang direct flights mula sa Taipei, Taiwan ay hindi rin umano ikinansela.

Ang  direct flights mula Taiwan at China sa KIA ay halos araw-araw ayon kay Malonesio, at sa ngayon ay tuloy pa rin ang paglapag, hanggat wala umano siyang abiso na natatanggap mula sa airline company.

Bookings ng mga Chinese National sa Boracay, ang iba nakansela na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kinumpirma ni Boracay Foundation Incorporated (BFI) President Dionesio Jony Salme na may mga resort na sa Boracay ang nabatid nitong mayroon mga Chinese national na nagkansela ng kanilang ng bookings para magbakasyon sana sa isla.

Katunay, sa kanilang resort umano ay may mga guests na noong nagdaan linggo pa nagkansela, at ang rason aniya ng mga ito ay dahil sa siguridad ng mga turista ito dahil sa patuloy na pakikipag-girian ng Pilipinas at China sa Panatag o Scarborough Shoal.

Maliban dito, sa impormasyon na nakuha mula sa isang malaking resort sa Front Beach ng Station 2 (Boracay Regency), kahapon di umano ay nagkasela na rin sa online bookings ang ilang Chinese nationals na magbabakasyon pa sana sa Boracay sa susunod na mga araw.

Nabatid kay Bb. Athena Dorin ng nasabing resort na batay di umano sa mga Travel Agencies na nakaka-usap nila, gusto pa rin sanang ituloy ng mga Chinese ang kanilang pagpunta sa isla.

Ngunit dahil sa ayaw, silang payagan o paalisin ng Chinese Government kung kaya’t nagkansela na lang ni kani-kanilang bookings.

Gayon pa man, nabatid mula dito na hindi naman lahat ng nakapagpa-book na ay nagkasela.

Samantala, sa obserbasyon di umano nila sa mga Chinese na naririto sa Boracay, wala naman aniya silang nakitang pag-aalala sa mga ito, at sa halip at tila normal naman ang kanilang sitwasyon sa pamamalagi isla.

Pero sa impormasyon, sa kasalukuyan ay wala pa namang naitala o napapabalitang may guest na naririto ngayon   na nag-alsa balutan dahil sa takot o pangamba kaugnay sa ika-kasang rally laban sa pamahalaan ng China. 

Pagkabaha sa gastos ng mga magulang sa bagong K-12 curriculum, pinawi ng DepEd Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pinawi ni Dr. Jesse Gomez, Aklan Division Superintendent ng Department of Education (DepEd), ang pagkakabahala ng mga magulang ng mag-aaral kasabay ng pagpapatupad ng bagong Curriculum na K-12 program sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 4.

Naniniwala at batid umano ni Gomez na nababahala ang mga magulang sa programang ito dahil madadagdagan ang taon na igugugol ng mga estudyante sa paaralan at nanganaghulugan din ito nang gastos sa bahagi ng mga magulang.

Subalit ayon sa opisyal, para mapawi ang pag-alala ng mga ito, ipinapaintindi ni Gomez sa mga magulang na sa kasalukuyan unamo ay isinusulong na nang mga mambabatas upang ganap na maging batas at gawin na lamang na tatlong taon ang kolehiyo.

Ito ay dahil sa siniksik na umano sa Senior High School pa lang ang mga aralin, kaya pagdating sa kolehiyo ay pawang mga pang-professional education o Major Subject na aniya ang ituturo doon at wala na halos ang General Education o minor subjects.

Mula doon, kapag na-aprubahan na, mas makakatipid pa nga  umano sa gastos ng isang taon sa koliheyo  ang mga magulang. 

Thursday, May 10, 2012

Tabon Port, sinisimulan nang ayusin para sa Habagat Season


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nasimulan nang ayusin ang kalsada papasok sa Tabon port mula sa National High way.

Katunayan, ayon kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa, sa ngayon ay ginagawa na ang “widening” o pagpapalapad sa kalsada at pagkonkreto doon, bilang paghahanda sa nalalapit na Habagat Season.

Dahil sa nitong mga nagdaang buwan ay sa Tabon Port ang ruta ng bangka nang lumakas ang hangin at alon, ramdam sa lugar na ito ang usad pagong na daloy ng trapiko dahil sa halos hindi na magkasya ang mga tourist bus sa kalsada kapag nagkakasalubong at sabay-sabay.

Maliban dito, simula sa Lunes ay ayusin na rin aniya ang pampulikong palikuran sa Tabon Port upang maihiwalay ang para sa lalaki at babae.

Dagdag na ni Sadiasa, bukas ay aayusin na rin aniya ang mga shade o passenger holding area.

Samantala, dahil sa wala pang-pondo para maglagay ng kongkretong pantalan na magsisilbing daungan ng bangka sa Tabon Port, nagdisisyon ayon kay Sadiasa ang Alkalde na ang nakalutang na tulay para maging daungan ng bangka o pontoon parin muna sa ngayon ang gagamitin doon.

Pero mas lalaparan na aniya ito kumpara sa dati at gagawing mas doble pa lapad para maging kumbenyente para sa mga pasahero.