YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, November 24, 2011

Insidente ng pagkalunod sa Boracay, nagkataon lang. --- Life Guard

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagkataon lang na nasa life guard station para sa pananghalian ang mga dineploy na life guard nang nagyari ang huling naitalang pagkalunod sa Boracay, nitong lunes kaya hindi agad ito napansin o nakita ng mga rescuer.

Ito ang paliwanag ni Commodore Miguel Mike Labatiao ng Life Guard Boracay kaugnay sa insidente ng sunod-sunod na pagkalunod ng turista sa isla.

Gayun pa man, nilinaw nito na ang mga rescuer na ito ay nagbabantay naman sa baybayin ng isla, pero may pagakakataon talagang hindi maiiwasan ang mga katulad na aksidente.

Inihayag din ng huli na nagkaroon sila ng emergency meeting kung saan pinag-usapan ang tungkol sa nasabing isyu, lalo na sa pagpapatupad nila ng mahigpit na pagbabantay sa baybayin.

Sinabi din nito na para masigurong maipapatupad nga ito ay magpapatulong rin sila sa mga security guards para bantayan ang mga bisita ng kanilang resort, dahil madalas namang sa front beach din naka-guwardiya ang mga ito.

Samantala, sinagot din ni Labatiao ang madalas na tanong ng publiko, kung bakit madalas walang tao sa life guard tower, at aminado na rin siya dito.

Aniya, totoo ang ganitong obserbasyon, dahil ang mga life guard, minsan, ay nasa ilalim ng tower at naka-silong, dahil sa tindi ng init kaya sa lilim sila tumatambay.

Dahil dito ay pinag-aaralan na nila sa ngayon na lagyan na lang ng bubong ang tower.

Samantala, kung mapapansin ay sunud-sunod na pagkalunod na ang nangyayari dito sa isla.

Ayon kay Labatiao, napuna niya na nangyayari ito dahil sa walang nakalagay na babala, lasing ang biktima o napabayaan ang bata ng kanilang magulang.

Sa kabilang banda, mariin naman nitong itinanggi na napabayaan na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang life guard dahil nakatuon na sa Municipal Auxiliary Police (MAP) ang atensiyon ng LGU, kung kaya’t tila hindi na sila aktibo ngayon.

Aniya, hindi ito totoo, kasabay ng pagbibitiw ng hamon sa mga kritiko ng life guard na silipin din sila sa Life Guard Station para mabatid kung papano nila isinasagawa ang kanilang operasyon.

No comments:

Post a Comment