YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, February 25, 2015

Paglalagay ng buoya sa mga mooring areas, ipinaalala ng MAP-Boracay

Posted February 25, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for remindersIpinaalala ngayon ng MAP o Municipal Auxiliary Police-Boracay ang paglalagay ng buoya sa mga designated mooring areas sa Boracay.

Kaugnay ito sa reklamo ng ilang establisemyento sa beach front ng station 3 sa mga bangkang nakaparada doon sa dalampasigan.

Maliban kasi sa mistula naging over crowded na umano ang lugar, nagrereklamo din ang kanilang mga guest dahil hindi na rin ang mga ito basta mapag-swimming dahil sa dami ng mga bangka.

Ayon sa mga taga MAP-Boracay, nakasaad naman sa ordinansa ang tungkol sa paglalagay ng bouya o palutang sa mga mooring areas upang maiwasan ang anumang sakunang maaaring idulot ng mga dumadaong na bangka.

Tinukoy naman sa Municipal Ordinance No. 157, Series of 2002 na ang pagitan ng Cagban at Lorenzo South, Din-iwid at, Fridays Resort area ang siyang mga designated mooring areas para sa mga motorboats at sea crafts na hindi lalagpas sa 18 tonelada.

Mga nag-uumpukang komisyoner at bangka sa Station 3 Boracay, inireklamo

Posted February 25, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for station 3 manoc-manoc boracay“Sobrang crowded na”

Ito ang reklamo ng ilang establisyemento at maging ng mga turista sa Station 3 Manoc-Manoc Boracay kaugnay ng umano’y mga nauumpukang komisyoner at bangka doon.

Ayon sa isang “concerned citizen” sa lugar, pati sila ay nahihirapan na rin sa dami ng mga komisyoner at bangka, kung saan sinabi din nitong mistulang “divisoria” na ang nasabing lugar.

Katunayan, isa sa kanilang mga guest din umano ang nagreklamo dahil sa hindi na ang mga ito makakapag-swimming sa takot na baka masagi ng mga nakaparadang bangka sa dalampasigan.

Samantala, sinubukan naman ng himpilang ito na kunan ng pahayag ang Chairman sa komitiba ng Tourism Industry, Trade, Economic Enterprise & Cooperatives na si SB Member Jupiter Aelred Gallenero subalit hindi pa nito sinasagot ang mga tawag.

Umaasa naman ang mga nagrereklamong establisyemento na maaaksyunan ang kanilang problema.

Pag-operate ng Yellow Submarine sa Boracay sumailalim sa committee hearing

Posted February 25, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sumailim na sa Committee hearing ang hiling para sa SB endorsement ni Mr. Sangwon Hyun na mag-operate ng Yellow Submarine sa isla ng Boracay.

Sa ginanap na 8th Regular SB Session kahapon, tinalakay ni SB member at Chairman ng Committee on Tourism Jupiter Gallenero ang nasabing usapin kung saan nagkaroon umano sila ng committee hearing tungkol dito.

Ayon pa kay Gallenero nakapagbigay na umano sa kanila ng dokumento si Hyun na isa sa mga requirements sakaling matuloy ang nasabing operasyon.

Nakasaad din umano dito na hindi ito sa buong isla ng Boracay mag-ooperate kung hindi mayroon lang umano itong area kung saan ilalagay ang Submarine.

Kaugnay nito magkakaroon naman ng pagsusuri si Lifeguard commander Mike Labatiao at ang Environmental Coastal officers sa Boracay kung saan maaaring ilagay ang Submarine sakaling ito’y maaprobahan.

Sinabi pa ni Gallenero na aantayin nalang nito ang report mula kay Labatiao upang muling matalakay sa 2nd reading sa susunod na SB Session ng Malay.

Drayber ng motorsiklo, sugatan matapos banggain ang isang tricycle

Posted February 25, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugatan ang driver ng motorsiklo matapos nitong banggain ang isang tricycle sa Balabag Boracay kagabi.

Ayon sa blotter report ng mga pulis, nasa ilalim ng nakalalasing na inumin ang driver ng motorsiklo kaya’t nawalan ito ng balanse habang papaliko sa access road papuntang Boracay PNP Station at bumangga sa isang tricycle na papuntang D’ Mall.

Kaagad isinugod sa pagamutan ang drayber ng motorsiklo dahil sa tinamo nitong sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan dulot ng insidente.

Samantala, sa presento ng Boracay PNP, nagkasundo ang magkabilang panig na hindi na magsasampa ng kaso lalo pa’t wala namang gaanong pinsala ang kanilang mga sasakyan.

Tuesday, February 24, 2015

Mahigit 70 pulis, sumailalim sa Top Cop Seminar sa Boracay

Posted February 24, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Photo Credit to PNP Western Visayas
Malaking bagay para sa isla ng Boracay ang magkaroon ng mga Tourist-Oriented Police.
Kaya naman nitong araw, muling inilarga ng Department of Tourism at Philippine National Police ang Top Cop o Tourism Awareness for Tourist-Oriented Police for Community Order and Protection Seminar.

Nilahukan ito ng mahigit 70 pulis mula sa Boracay Tourist Assistance Center, Malay PNP at Maritime Command.

Sa pagsisimula ng seminar kanina, sinabi ni Rene Cortum ng DOT Region 6 na isang milking pot sa rehiyon ang isla ng Boracay dahil sa masigla nitong industriya ng turismo.

Photo Credit to PNP Western Visayas
Dahil dito, lalo pa umanong lumalaki ang responsibilidad ng mga kapulisan na pangalagaan ang seguridad ng mga turista sa isla.
Samantala, ikinatuwa naman ng Department of Tourism ang naging tugon ng mga kapulisan sa Malay at Boracay sa nasabing seminar.

Ilan naman sa mga nakatakdang ibahagi sa tatlong araw na seminar ang Tourist Behavior Patterns, Basic Investigation Procedures, at Ways in Handling Tourist Related Cases.