YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, February 18, 2015

Ordinansang nagbabawal sa paggamit ng plastic sa Munisipalidad ng Malay, mistulang natunaw na

Posted February 18, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for ecological balanceResponsibilidad ng Lokal na Pamahalaan na makibahagi sa National Government sa pagpapaganatili ng tinatawag na ecological balance sa kanyang nasasakupan.

Dahil dito, nilikha ng Munisipalidad ng Malay ang Ordinance No.320 Series of 2012 na siyang nagbabawal sa paggamit ng plastic bags sa mga dry goods.

Maliban dito, bawal din ang mga Styrofoam o Styrophor, subali’t mistulang natunaw na rin ang ordinansang ito pagkalipas ng halos apat na taon.

Marami parin kasing tindahan sa Boracay at maging sa Mainland Malay ang lantarang gumagamit ng plastic para sa kanilang mga paninda partikular sa mga ibinibenta nilang dry goods.

Magugunita namang nitong March 2013 nang sinabi ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa na pina-hold muna ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa sa kabila ng pag-abruba na dito ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan.

Kanina, sinabi naman ni Sadiasa na muli niyang kokonsoltahin ang Sangguniang Bayan tungkol dito dahil wala pa umano silang natatanggap ng anumang abiso kaugnay sa implementasyon ng ordinansa.

Samantala, patuloy na umaasa ang SP Aklan na maging daan ang nasabing ordinansa sa pagiging plastic-free ng Boracay lalo pa’t ilang ulit na rin nila itong tinalakay sa konseho.

CBTMPC bumili ng pontoon para sa nararanasang Low Tide sa Cagban Jetty Port

Posted February 18, 2015
Ni Jay-ar M.  Arante, YES FM Boracay

Ngayong katapusan ng buwan ng Pebrero inaasahang darating ang inorder ng Caticlan Boracay Transportation Multi Purpose Cooperative (CBTMCP) na pontoon.

Ayon kay CBTMPC Chairman Godofredo Sadiasa, bumili sila ng 200 sq hectares na pontoon sa Store works kung saan ginagawa na umano ito sa ngayon.

Nagdesisyon umano siyang bumili nito dahil kailangan ito sa Cagban Jetty Port lalo na sa tuwing mararanasan ang Low Tide.

Nabatid na hindi makadaong sa mismong ducking area ang ilang bangka dahilan para magkaroon ng mabagal na operasyon sa tuwing mababaw ang tubig sa nasabing port.

Bagamat malapit na itong dumating kinakailangan pa umano nila itong ipag-paalam sa provincial government ng Aklan kung papayagan silang maglagay nito.

Samantala, patuloy na rin ngayon ang ginagawang pagpapalapad ng rampa sa Cagban Jetty Port bilang bahagi ng proyekto ng Aklan Provincial Government at ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Reclamation Project ng Pook Ecological Tourism Development Project, patuloy na pinag-aaralan

Posted February 17, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for study continuousPatuloy pa rin na pinag-aaralan ng pamahalaang probinsyal ng Aklan ang 10-Hectare Reclamation Project ng Pook Ecological Tourism Development Project.

Una rito, nabatid na pinagpulungan ng SP Aklan, PPDO Coordinator Engr. Roger Esto, Provincial Legal Officer Engr. Edelzon Magalit, Provincial Engineer Engr. John Kenneth Almabis, AKENRO at Jetty Port Administrator Nieven Maquirang ang nasabing usapin upang sa magandang pagsasagawa nito.

Nabatid na ang 10-Hectare Reclamation Project ng Pook Ecological Tourism Development Project ay ipinanukala ni dating Gov. Carlito Marquez , kung saan pinayagan ang dating gobernador ng SP Aklan na mag-sumite ng aplikasyon sa Philippine Reclamation Authority na mag-reclaim ng 10 hectares sa shoreline ng Barangay Pook sa bayan ng Kalibo.

Isa umano ito sa mga mekanismo ng Pook Ecological Tourism Development Project, na syang magiging alternatibong daanan papunta ng Boracay lalo na sa mga turistang nanggagaling sa Kalibo International Airport (KIA).

Samantala, ipinasa ang nasabing panukala sa pamamagitan ng Resolution No. 2012-299 sa 38th SP Regular Session noong November 7, 2012.

APEC National Organizing Council muling bumisita sa Boracay

Posted February 18, 2015
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Muling bumisita kahapon ang binuong National Organizing Council para sa nalalapit na APEC Ministerial Meeting na gagawin sa Boracay sa buwan ng Mayo.

Maliban kay Ambassador Marciano Paynor,Jr. ,sinalubong din ng 2015 APEC Malay Task Group  sa pangunguna ni Mayor John Yap ang mga kinatawan sa bawat komitiba na titingin sa mga resort na pagdarausan ng meeting.

Sa isinagawang dinner meeting kagabi, nagbigay ng ilang paalala si Ambassador Paynor.

Anya, hindi na bago sa mga delegado ang mga magagandang lugar sa buong mundo. Ang importante ay kung paano tayo magpamalas ng maayos na pagtanggap ng bisita bilang isang Pilipino.

Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Mayor John Yap at si SB Member at Focal Person Rowen Aguirre sa kooperasyon at suporta ng mga stakeholders at volunteers para sa paghahanda ng Boracay bilang isa sa mga host venue.

Maliban sa Boracay, kasama sa itinerary ng APEC-NOC ang pagpunta sa bayan ng Kalibo ngayong araw para sa gagawing Ocular Inspection sa Kalibo International Airport.

Tuesday, February 17, 2015

Fasting and abstinence, ipinaalala sa pagdiriwang ng Ash Wednesday bukas

Posted February 17, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay
                                               
Atensyon sa lahat ng mga Debotong Katoliko sa isla ng Boracay!

Ash Wednesday o Miyerkules ng abo na bukas.

Base sa pananampalatayang Katoliko, isang banal na araw ang Ash Wednesday na nagpaalalang magbabalik ang tao sa alabok kung siya nagmula sa pamamagitan ng pagpapapahid ng abo sa noo.

Ito rin ang palatandaan ng pakiisa sa paghihirap ng Panginoong Hesu-Kristo para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Kaugnay nito, ipinaalala ng HRP o Holy Rosary Parish Boracay sa lahat ng mga Katoliko sa isla ang tungkol sa fasting and abstinence o pag-aayuno at pagpipigil.

Ayon kay HRP Boracay Team Moderator Fr. Arnold Crisostomo, hinihingi sa nasabing selebrasyon na bawasan muna kahit isa ang kanilang pagkain at pigilan muna ang pagkain ng karne.

Inanyayahan naman ni Father Nonoy ang mga Katoliko sa isla na dumalo sa misa bukas ng alas 6:30 at alas 5:00 ng hapon sa HRP Church.

May tig-iisang misa din sa alas 6:30 bukas ng umaga sa Barangay Yapak at Manoc-manoc Chapel.

Paalala din ni Crisostomo na bigyang daan ang pagdarasal at pagninilay-nilay bukas at sa mga mahahalagang araw ng Kuwaresma.