YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, February 06, 2015

Jetty Port Administration at ilang concern agencies sa Boracay ipapatawag ng SB Malay

Posted February 6, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tila dismayado ang ilang SB Officials ng Malay sa ginawang preperasyon ng mga concern agencies sa pagdaong ng MS Celebrity Century sa Boracay nitong Martes.

Ito’y matapos sabihin nina SB Member Leal Gelito at SB Jupiter Gallenero sa privilege speech sa SB Session nitong Martes na may hindi sila nagustuhan sa nangyaring operasyon sa Cagban Jetty Port ng dumaong ang nasabing barko.

Nabatid kasi na nagkaroon ng mahabang pila ng mga pasahero sa nasabing pantalan dahil isinara ang ilang daungan ng bangka para bigyang daan ang mga pasaherong sakay ng cruiseship.

Dahil dito ipapatawag nila sa Session ngayong Martes ang Jetty Port Administration kasama ang Philippine Coastguard, CBTMPC at ilan pang concern agencies na siyang may hawak ng operasyon sa nasabing pantalan nang dumating ang MS Celebrity Century.

Samantala, ayon naman kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, handa siyang dumalo sa nasabing Session para ipaliwanag kung ano man ang kanilang naging pagkakamali.

Barge na magkakarga ng heavy equipments sa Puka beach sa Barangay Yapak, inereklamo ng mga residente

Posted February 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Inereklamo ng mga residente sa Barangay Yapak ang isang barge na magkakarga ng heavy equipments sa Puka beach kahapon ng umaga.

Maliban sa mga residente, ipinagtaka rin ng mga turista sa lugar ang presensya ng nasabing barge.

Kaagad nakarating sa atensyon ng PCG o Philippine Coastguard Boracay Substation ang scenario kung kaya’t nauwi sa penalidad ang pagkakarga nito ng heavy equipments.

Nabatid sa report ng PCG Boracay na lumabag sa 1 Entry-1 Exit Policy o Provincial Ordinance No.05-032 ang barge na Kristine Marie na hinihila naman ng tug boat Betheva-II.

May anim na crew ang tug boat at 3 crew naman ang barge.

Ayon pa sa PCG Boracay, maaaring suma-side line ang nasabing barge sa pamamagitan ng pagkakarga ng kung ano, at patago ang operasyon.

Subali’t kaagad silang pinahinto ng PCG kahapon at ipinagkatiwala sa jetty port administration dahil sa kanilang paglabag sa provincial ordinance.

DOLE Aklan, kinumpirmang may balak na pagtaas sa sahod ng mga empleyado sa Boracay

Posted February 5, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mababawasan na ang hirap ng mga empleyado sa pagba-budget sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan ang balak di umanong pagtaas ng sahod ng mga empleyado dito.

Ayon kay DOLE Aklan Officer-in-Charge Arlyn Siaotong, napag-usapan ito sa isang aktibidad ng Industry Tripartite Council nitong nakaraang buwan ng Enero.

Anya, bagamat hindi pa napag-uusapan kung kailan ipapatupad, sinabi nitong nasa plano na ito ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Samantala, inaasahan namang marami pang mga programa at plano ang DOLE Aklan upang matulungan ang mga empleyado sa probinsya.

Kaugnay nito ikinatuwa naman ng mga empleyado lalo na sa isla ng Boracay ang nasabing balita.

Drug den sa Ibajay, Aklan, ni-raid ng mga pulis; 2, arestado habang 2 nakatakas

Posted February 5, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Arestado ang dalawa, subalit nakatakas naman ang dalawang mga suspek sa isanagawang raid ng mga pulis sa isang drug den sa Laguinbanua, Ibajay, Aklan.

Ayon kay PO1 Vincent Ferrer ng Ibajay PNP Station, madaling araw nang sinalakay ng mga pulis ang bahay ng isang empleyado ng munisipyo sa nasabing bayan na umano’y nagsisilbing drug den sa lugar.

Subalit, kaagad umanong nakatunog ang dalawa sa mga suspek na sina Florencio Samar, 58 anyos, empleyado sa LGU Ibajay at kapitbahay nitong si Aaron Solidum, 56 anyos.

Samantala, ani Ferrer naaresto naman ng mga operatiba sina Arnaldo Suñer at Allan delos Santos.

Samantala, na-rekober sa lugar mga malalaking plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu at marijuana, drug paraphernalia at isang libong piso na marked money.

Isinagawa naman ang nasabing operasyon sa pakikipagtulungan ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG), Provincial Mobile Group at Ibajay PNP station.

PCG Boracay, blangko sa report kaugnay sa pagkalunod ng Korean tourist nitong Lunes

Posted February 5, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Blangko sa report kaugnay sa pagkalunod ng isang Korean tourist ang PCG Boracay.

Ayon PCG o Philippine Coastguard Boracay Substation nitong hapon, wala silang natanggap na impormasyon kaugnay sa nasabing insidente nitong Lunes ng umaga.

Subali’t base sa report ng MAP o Municipal Auxiliary Police Boracay, nailigtas ng tatlong paddle board instructor ang Korean tourist matapos tangayin ng malakas na alon sa layong 300 metro mula sa dalampasigan ng station 2.

Base pa sa report ng MAP, hindi gaanong marunong lumangoy at napalayo sa kanyang floater ang 26 anyos na turista na napag-alamang buntis pa, dahilan ng kanyang pagkalunod.

Samantala, kaagad namang binigyan ng pangunang lunas ang biktima.