YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, January 29, 2015

Mga kunsumedor ng AKELCO, nairita sa extended power interruption ng NGCP

Posted January 29, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nairita sa extended power interruption ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines ang mga kunsumedor ng AKELCO.

Inabot kasi ng pasado alas 8:00 kagabi ang hanggang alas 5:00 ng hapon lang dapat na power advisory ng AKELCO o Aklan Electric Cooperative kung saan apektado ang buong munisipalidad ng Malay kasama ang isla ng Boracay, munisipalidad ng Nabas, at Buruanga.

Lalo pang nairita at uminit ang ulo ng publiko dahil sa wala umanong sumasagot sa telepono ng Boracay Substation ng AKELCO sa kung anong oras babalik ang suplay ng kuryente.

Dahil dito, sinabi ni AKELCO Assistant General Manager for Engineering Engr. Joel Martinez sa kanyang text message sa himpilang ito na nag-extend pala ang NGCP ng kanilang operasyon nang hanggang pasado alas 7:00 ng gabi.

Napilitan tuloy na bumili ng krudo para sa kanilang generator ang ilang resort sa Boracay dahil sa hindi inaasahang schedule ng power interruption.

Apektado rin maging ang ilang boarding house sa isla dahil sa kawalan ng suplay ng tubig dahil din sa power advisory maging ang ilang laundry services at klinika.

Nabatid na naglabas ng power advisory kahapon ang AKELCO upang bigyang daan ang Petro Wind Energy Plant sa Nabas, Aklan subali’t hindi nila nasunod ang oras ng advisory.

Security breach sa Kalibo International Airport, patuloy paring iniimbistigahan

Posted January 29, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Patuloy paring iniimbistigahan ng mga otoridad ang nangyaring security breach sa Kalibo International Airport nitong nakaraang linggo.

Ayon kay CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines Kalibo Manager Cynthia Aspera, nagtutulungan narin ngayon ang mga kapulisan at airline security sa airport upang hindi na maulit ang nangyari.

Lalo din umanong hinigpitan ang seguridad sa paliparan kung kaya’t umapela ito sa mga pasahero ng kooperasyon.

Samantala, kinumpirma din ni Aspera na nakabalik na sa kanyang pamilya ang babaeng pasahero na sinasabing sumakay ng eroplano ng Philippine Airline o PAL patungong South Korea na walang anumang travel documents.

Nabatid na pawang mga turista mula sa Boracay ang mga pasahero ng eroplanong direct flight PR490 mula Kalibo Airport patungong Incheon, South Korea.

Dahil dito, naging palaisipan sa mga otoridad kung papaanong nalusutan ng 30 anyos na babae ang security, immigration, at airport ground personnel sa entrance at boarding gates.

Samantala, nabatid na pinasakay din ng Korean immigration airport authorities sa eroplano ng PAL pabalik ang babae na Patnongon, Antique at sinasabing may problema sa pag-iisip.

Pinoy, binuhat at binalibag sa kalsada ng Russian national

Posted January 29, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bali ang isang paa ng pinoy matapos umanong binuhat at binalibag ito ng Russian national sa kalsada.

Sumbong ng biktimang si Condrado Dela Cruz, 31 anyos ng Diniwid, Balabag Boracay sa Boracay PNP Station, dakong alas onse kagabi nang bibili di umano sana ito ng beer sa isang tindahan sa lugar nang sa hindi malamang dahilan ay bigla umano siyang nilapitan ng hindi nakilalang Russian national at sinuntok sa kaliwang pisngi.

Hindi pa umano nakontento ang turista at binuhat pa siya nito saka binalibag sa sementong kalsada doon.

Kasalukuyan namang nagpapagamot ang biktima sa Boracay Hospital dahil sa mga tinamong sugat sa katawan.

Samantala, patuloy naman na iniimbestigahan ng mga pulis ang kaso.

Dagdag na pampasaherong sasakyan sa Boracay hiniling ng BLTMPC sa SB Malay

Posted January 29, 2015
Ni Jay-ar M.  Arante, YES FM Boracay

Humiling sa Sangguniang Bayan ng Malay ang Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) ng karagdagang unit para sa isla.

Sa ginanap na 4th regular SB Session ng Malay nitong Martes, mismong si BLTMPC Chairman Joel Gelito ang lumapit sa mga konsehales para ipaabot ang kanyang kahilingan.

Nais umano nito na matugunan ang kakulangan ng kanilang unit na bumibiyahe ngayon sa Boracay katulad ng multicav.

Aniya, nakikita umano nito na tila kinukulang ang nasabing sasakyan sa tuwing mayroong dumadating na cruiseship kasama na ang paghahanda sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Boracay.

Samantala, sinabi pa nito na mayroon na umano ngayong 18 unit ng multicav ang naka-standby sa kanilang pangangalaga na may permit mula sa Land Transportation Office (LTFRB).

Nabatid na nais nito na magdagdag ng 60 unit ng nasabing sasakayan sa Boracay ngunit 18 lang ang inaprobahan ng nasabing tanggapan.

Bilang tugon naman ng Konseho ng Malay pinaboran nila ito ngunit kailangan pa itong dumaan sa maayos na pag-aaral sa pangunguna ni SB Leal Gelito bilang Chairman ng Committee on Transportation bago tuluyang makapag-operate sa Boracay.

Wednesday, January 28, 2015

Aksidente sa side walk ng Boracay, aaksyunan ng LGU Malay

Posted January 28, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Bad news na maituturing ang mga turistang nadadapa sa side walk ng Boracay.

Subali’t good news naman kapag naisakatuparan ang aksyong gagawin ng LGU Malay.

Plano kasi ngayong isama ng LGU Malay sa kanilang program of works para sa nalalapit na APEC o Asia-Pacific Economic Cooperation ang pagpapapintura sa gutter ng side walk bilang tugon sa mga aksidenteng dulot ng kawalan naman ng ilaw sa kinakalawang nang street light.

Ito ang sinabi ni Malay Engr’s Office OIC-Engr.Arnold Solano nang ilapit ng himpilang ito ang tungkol sa mga turistang nadadapa sa madilim na side walk.

Pero bago ito, muling naungkat ang problema sa drainage project ng dating PTA o Philippine Tourism Authority na TIEZA ngayon o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Hindi parin umano kasi ito nai-tu-turn over sa kanila ng TIEZA dahil marami pang sira at problema.

Samantala, sinabi pa ni Solano na maaaring sa susunod na buwan ng Pebrero na rin mapapapinturahan ang gutter ng side walk kapag naaprobahan sa budget ng TIEZA.

Nabatid na marami na rin ang naaksidenteng motorsiklo sa gabi ang isinisisi din sa madilim na side walk ng Boracay.