YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 14, 2015

Mga nagpo-proseso ng police clearance sa Boracay, parami na nang parami

Posted January 14, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagsimula na ang pagproseso ng renewal ng business permit sa Malay at Boracay.

Kaugnay nito, parami nang parami na rin ang mga empleyadong nagpo-proseso ng police clearance.

Katunayan, kapansin-pansin ang mahabang pila ng mga trabahador na nagpapakuha ng litrato para naman sa kanilang bio data na siya namang kailangan para sa police clearance.

Ayon kay ‘Jun’ ng isang Photo Printing Service sa D’mall, nitong January 3, 2015 pa nagsimula ang pagdatingan ng kanilang mga customer na nagpapalitrato para sa renewal ng business permit.

Kaya naman ang 40 regular na bilang ng kanilang customer, umaabot na ngayon sa mahigit 100.

Samantala, kaugnay nito, nabatid na nagsimula na rin ang pagdami ng mga empleyadong pumupunta sa himpilan ng Boracay PNP para magproseso ng police clearance.

Paalala naman ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa kahapon sa mga magre-renew ng business permit na agahan ang pagproseso nito upang hindi matagalan.

Tuesday, January 13, 2015

Pagkasunog ng bus ng Island Star sa Nabas, Aklan nitong Sabado, itinuturing na aksidente lang

Posted January 13, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Aksidente lang ang pagkasunog ng bus ng Island Star sa Nabas, Aklan nitong Sabado.

Ito ang sinabi ni F03 Rommel Ignacio ng Bureau of Fire Ibajay kasabay ng kanilang imbistigasyon sa insidente.

Ayon kay Ignacio, nakarinig umano ng putok mula sa likurang bahagi ng bus ang mga pasahero na sinundan naman ng usok.

Base pa sa kanilang imbistigasyon kasama ang SOCO o Scene of the Crime Operatives Boracay, pumutok ang air bag ng sasakyan at nag-ignite o sumindi sa electrical connection ng sasakyan.

Mabuti na lamang umano at nakalabas kaagad ang mga pasahero nito bago tuluyang nasunog, kung kaya’t walang napaulat na nasugatan sa insidente.

Nabatid na papuntang Kalibo ang bus ng Island Star, lulan ang 27 pasaherong turista mula sa Boracay nang masunog sa Libertad, Nabas nitong Sabado.

Grupo ng Taiwanese at Pinoy, nagrambol sa isang bar sa Boracay

Posted January 13, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dinala sa himpilan ng Boracay PNP ang isang grupo ng Taiwanese at pinoy matapos magrambol sa isang bar sa Boracay kaninang madaling araw.

Ayon sa report, mismong ang bouncer ng nasabing bar ang nagreklamo sa mga pulis dahil sa eskandalong idinulot ng nagrambol na grupo.

Nagpanic kasi ang iba pang guest doon at maging ang mga residente sa lugar nang magsimula ang gulo sa pagitan ng grupo ni Po Hua Lin, Taiwanese national at grupo naman ni Orphovious Slae ng Talisay City Negros Occidental.

Nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan ang magkabilang grupo dulot ng rambol.

Samantala, nang sa himpilan naman ng BTAC ay nagkasundo ang mga itong sa pagitan na lamang nila aayusin ang gulo.

Listahan ng mga nanalo sa Boracay Ati-Atihan 2015 inilabas na ng Mtour

Posted January 13, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inilabas na ng Municipal Tourism Office (Mtour) Malay ang listahan ng mga nanalo sa Boracay Sto. Niño Ati-Atihan 2015.

Una dito ay ang Tribal Category kung saan nanalo rito ang Tribu Puka Shell, 1st place ang Boracay National High School at 2nd place naman ang Boracay National High School-Manoc-manoc extension.

Sa Balik-Ati Category nanalo naman rito ang Mabuhay Host, 1st place ang Tribu Puka Shell at ang 2nd place ay Pina-ungon Tribe.

Habang sa Individual Category nanalo rito si Trisha bilang Jungle Queen, 1st place si Scepter bilang Fire Queen at and 2nd place ay si Mr. Charles Gabinete.

Nabatid na sa isinagawang Kabataan’s Night nagwagi naman dito ang Techno New Generation, 1st place ang Class of Hiphop Sr.  at ang 2nd place ay Class of Hiphop Jr.

Samantala, sa Commercial Category nasungkit naman ng Kaniyogan ang Best in Uniform kung saan nanalo rin ang Bolabog Group bilang Biggest Group at ang nag-uwi ng  Most Jolliest Group ay ang Manggayad.

Napag-alaman naman na halos marami ngayon ang sumali sa Boracay Sto. Niño Ati-Atihan 2015 kumpara noong mga nakaraang taon.

Sangguniang Panlalawigan, umapela sa DENR ng agarang pag-classify ng tubig sa SOOC River sa Aklan

Posted January 12, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Matapos maalarma ng Coliform contamination sa tubig.

Umapela ngayon ang Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng agarang pag-classify ng tubig sa Sooc River na malapit sa open dump site na makikita sa Bakhaw Sur Kalibo.

Ito’y dahil sa matindi na umanong polusyon na naidudulot nito sa mga residente sa lugar at kalapit barangay.

Kaugnay nito, matagal na ring nagpatupad ng closure order” ang DENR tungkol sa nasabing open dump site.

Sa pagpupulong ng mataas na konseho, ipinaliwanag naman ni Kalibo Save The Mangroves Association (KASAMA) Chairman Atty. Allen Quimpo na nakasaad sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act ang pagbabawal na mag-operate pa ang isang dumpsite kapag nakakapekto na sa kalusugan ng mamamayan.

Nabatid na batay sa isinagawang pagsusuri ng DENR, napag-alamang highly pollutant na ang nasabing dumpsite, kung saan nakitaan ito ng coliform bacteria.