YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, November 21, 2014

Sewage Treatment Plant ng BIWC, muling napag-usapan sa BRTF

Posted November 21, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa ipinatawag na pagpupulong kahapon ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) sa kanilang tanggapan.

Muling tinalakay ang pagkakaroon ng Sewage Treatment Plant (STP) ng Boracay Island Water Company (BIWC) sa Barangay Manoc-Manoc Boracay.

Dito, muling nilinaw at tiniyak ng BIWC na sinusunod nila ang pinakamataas na pamantayan ng DENR kasama na ang pagkuha ng lahat ng permit lalo na ng Environmental Compliance Certificate.

Samantala, nabatid na patuloy na sa ngayong umuusad ang Sewer Network Project ng BIWC na nagkakahalaga ng P298 million, kung saan inaasahang matatapos sa loob ng tatlong taon.

Matatandaan naman na nag-umpisa ang operasyon ng contractor na Anden Construction sa Sitio Tulubhan at Sitio Bantud at kasalukuyang nasa 10% pa lamang ang nalatagan ng linya sa kabuuang area ng Barangay Manoc-manoc.

Layunin umano ng proyekto na ang lahat ng maruming tubig mula sa mga kabahayan at establisyemento ng nasabing barangay ay direktang mapupunta sa STP para sa gagawing treatment bago ito ibalik sa dagat.

Ang STP ay isang mahalagang pasilidad para mapangalagaan ang kapaligiran lalo na sa pagdami ng mga naninirahan sa isla at lumulubong dami ng turista na nagbabakasyon taun-taon.

MPDO humingi ng paumanhin sa mga tinamaan ng road setback sa Boracay

Posted November 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay       

Humihingi ngayon ng paumanhin si mismong Municipal Planning Officer Alma Beliherdo sa mga tinamaan ng road setback sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos nilang simulang bigyan ng notice ang mga kabilang sa mga lumabag sa road ordinance o Municipal Ordinance No.2000-131 nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Beliherdo sinusunod lang nila ang ang utos ng Local Government Unit ng Malay para sa kapakanan ng isla ng Boracay.

Sinabi pa nito sa mga kabilang sa road setback na mag-comply nalang sila para agad na maisaayos ang widening project ng LGU Malay.

Nabatid na nakapagbigay na rin sila ng unang notice at pangalawang notice sa mga bahay at establisyemento na kasama sa setback na ngayon ay nag-uumpisa na ring magbaklas.

Napag-alaman na ito ay ordinansang nag-uutos na dapat magkaroon ng anim na metrong road set back mula sa sentro o gitna ng kalsada ang anumang temporary o permanent structures.

Supplemental budget ng LGU Malay muli pang tatalakayin sa SP Aklan

Posted November 21, 2014                                
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Related Searches for budget clip artPinag-aaralan pa sa ngayon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang Supplemental budget ng LGU Malay para sa mga bagong proyekto.

Sa ginanap na 40th SP Regular Session, napagkasunduan ng mataas na konseho na e-defer muna ang nasabing resolusyon para sa karagdagang pag-aaral.

Nabatid sa Ordinance No. 002, Series of 2014, nilagdaan sa SB Malay ang P91, 690,075.06 supplemental budget ng Malay bilang pondo pondo para sa iba’t-ibang mga proyektong pam-imprastraktura sa bayan.

Kabilang din sa proyekto na paglalaanan ng pondo ay ang mga kalsadahin sa mainland Malay at Boracay na hindi saklaw ng national road na hawak ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Popondohan din ng LGU ang mga development projects ng ilang barangay sa Malay pati na ang ibat-ibang programa at serbisyo ng local government.

Thursday, November 20, 2014

Sari-sari store sa Boracay nilooban ng magnanakaw, gadgets at pera tinangay

Posted November 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinangay ng hindi nakilalang magnanakaw ang gadgets at pera mula sa isang sari-sari store sa Sitio. Hagdan Brgy. Yapak, Boracay kaninang madaling araw.

Sa report ng Boracay PNP nagreklamo sa kanilang tanggapan ang biktimang si Elena Adito 48-anyos ng Sipalay City, Negros Occidental at presenteng nakatira sa nasabing lugar.

Ayon sa biktima nagising nalang umano siyang nawawala na ang kanyang tablet at dalawang cellphone, dalawang silver necklace kasama na ang perang nagkakahalaga ng P3,000 na nakalagay sa kanilang sari-sari store.

Nabatid na sa isinagawang embistigasyon ng Boracay PNP maaaring nangyari umano ang pagnanakaw kaninang alas-2 hanggang alas-5 ng madaling araw.

Ayon naman sa kinakasama ng biktima isinara umano nila ang kanilang sari-sari store bandang alas-2 ng madaling araw saka natulog ang mga ito sa kanilang kwarto.

Pinaniniwalaan naman ng mga ito na posibleng ginamit ng suspek bilang daanan ang pintuan ng kanilang kusina patungo sa lugar kung saan nakalagay ang mga ninakaw nito.

Napag-alaman na nauna na ring nagsumbong sa Boracay PNP Station ang nasabing biktima kung saan nanakawan na rin umano ang mga ito.

Samantala, blangko parin ang mga pulis na matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagnanakaw habang patuloy parin ang kanilang ginagawang pag-iimbestiga sa ngayon.

Paggamit ng fireworks display sa Boracay dagdag atraksyon na sa mga turista

Posted November 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi lang ang magandang beach area ng Boracay at ang fire dancer ang inaabangan ng mga turista tuwing pagsapit ng gabi kung hindi pati ang mga naggagandahang fireworks display.

Kadalasan ay ginagamit ang fireworks display sa beach wedding na talaga namang nakakaagaw atensyon sa mga dumaraang turista sa beach front area dahil sa ganda nito.

Bagamat hindi basta-basta ang pagkakaroon nito sa Boracay dahil sa kailangan pa ito ng permit mula sa LGU Malay at kailangang masunod ang mga ordinansa tungkol dito.

Nabatid na maging ang Department of Tourism (DOT) Boracay ay masaya sa kaliwat kanang fireworks display attraction sa mga turista lalo na’t kung wala silang nilalabag na batas.

Sa kabilang banda mahigpit padin ang ordinansa tungkol sa paggamit at pagbinta ng firecrackers, fireworks at iba pang pyrotechnic device sa bayan ng Malay lalo na sa isla ng Boracay kung saan may itinakdang penalidad sa hindi susunod ng tama sa paggamit nito.

Samantala, ang pagpapaputok ng firecrackers sa puting buhangin ng Boracay ay higit na ipinagbabawal kung saan kailangan lamang itong gamitin sa karagatan na may layong 200 meters mula sa white beach gamit ang kahit anong floating device.