YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, November 13, 2014

Spa attendant, nagreklamo sa BTAC matapos umanong hinipuan ng Arabong guest

Posted November 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa BTAC ang Spa Attendant ng isang resort sa Balabag Boracay matapos na umano’y hinipo ng guest na Arabo.

Sumbong ng 25 anyos na nakilalang si “Lyn”, kinausap ito kaninang madaling araw ng arabong si “Binheja Abdullah” sa dispatching area.

Inalok umano ito ng spa attendant kung nais nyang magpa-spa at mabilis namang sumagot ng “yes” ang arabo.

Subalit, ilang sandali pa nang muling bumalik ito sa dispatching area kung saan naka-duty ang spa attendant ay malisyoso umanong hinawakan ng turista ang kanyang balikat at hinimas ang kanyang kamay.

Dahil sa takot, tumungo sa himpilan ng BTAC ang spa attendant at ipina-record ang pangyayari.

Lasing na lalaki, isinugod sa ospital matapos maaksidente sa sinasakyang motorsiklo kagabi

Posted November 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Huwag nang magmaneho kapag naka-inom ng alak”

Ito ang paulit-ulit na paalala ng mga otoridad sa mga motorista subalit ayon sa BTAC, may iilan pa rin talagang pasaway.

 Alas otso kagabi isang 25 anyos na lalaki na nakilalang si Randy Sacapaño ang sumimplang sa kanyang minamanehong motorsiklo habang binabaybay ang kahabaan ng Balabag Boracay.

Ayon sa blotter report, ipinahayag ng ina ng biktima na nakipag-inuman umano ito sa kanyang mga kaibigan bago umalis ng kanilang bahay.

Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na aksidenteng nadulas ang sinasakyang motorsiklo ng biktima sa kalsada at tumama sa gutter, kung saan nahulog ito sa motorsiklo.

Samantala, nagtamo ng fatal head injuries si Sacapaño dahilan upang ilipat ito sa isang ospital sa bayan ng Kalibo para sa kaukulang medikasyon.

Wednesday, November 12, 2014

Seguridad ng Miss Earth 2014 Candidate sa Boracay, mahigpit na ipinatupad ng Boracay PNP

Posted November 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mahigpit ang ipinatupad na seguridad ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) para sa mga kandidata ng Miss Earth 2014 sa isla ng Boracay.

Mag aalas-8 kaninang umaga ng dumating sa Cagban Jetty Port ang 28 kandidata mula sa ibat-ibang bansa.

Mula naman sa Cagban ay binakuran sila ng Boracay PNP hanggang sa makarating ang mga ito sa kanilang tinutuluyang resort sa Station 1.

Matapos ito ay agad na nagtungo ang mga kandidata sa beach front station 2 para sa kanilang pictorial na sinundan naman ng courtesy call ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF).

Samantala, mamayang gabi ay magkakaroon naman sila ng dinner party na inorganisa ng Boracay Holiday Resort.

Sa kabilang banda nakahanda narin ang mga taga Boracay PNP para sa gaganaping coastal clean-up ng Miss Earth Beauties bukas ng umaga simula Station 2 hanggang Station 1.

Susundan naman ito ng Resort Wear Attire Competition na gaganapin sa Casa Pilar Beach Resort Station 3 bukas ng alas-7 ng gabi.

Nabatid na ang isla ng Boracay ay isa sa tatlong lugar sa bansa na pinili para magkaroon ng environmental activity ang 28 kandidata mula sa 90 official candidate ng Miss Earth na kung saan hinati ito sa tatlong grupo.

Miss Earth 2014 Candidates sa Boracay mainit na tinanggap ng LGU Malay

Posted November 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mainit na tinanggap ng LGU Malay ang mga kandidata ng Miss Earth 2014.

Sa courtesy call ng Miss Earth Candidates nitong hapon sa BRTF o Boracay Redevelopment Task Force sa Balabag Action Center, masayang sinalubong ng mga empleyado ng munisipyo ang sampung naggagandahang kandidata.

Napaakyat din sa 3rd floor ng Action Center ang iba pang empleyado upang makapagpalitrato sa mga matatangkad na dilag.

Napamangha naman sa mga nasabing kandidata maging ang mag-asawang Boracay Island Administrator Glenn at Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño.

Samantala, nabatid na hinati sa dalawang grupo ang mga nasabing kandidata, kung saan sampu ang nag-courtesy call sa BRTF habang sa ibang aktibidad naman ilan pa.

Ikinatuwa naman ng LGU Malay ang pagbisita ng mga kandidata.

Ilang kandidata ng Ms. Earth, nag-courtesy call sa BRTF

Posted November 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nag-courtesy call kaninang tanghali ang ilang kandidata ng Ms. Earth 2014 sa Boracay Redevelopment Task Force (BRTF).

Nabatid na isa ang isla ng Boracay sa mga tinungo ng mga kandidata para e-promote ang Coral REEfurbishment Program ng Boracay Foundation Inc. (BFI) sa isla.

Ayon naman kay Boracay Beach Management Program (BBMP) Project Officer at Marine Biologist Al Lumagod, ang BFI at Ms. Earth Foundation ay mayroon nang partnership tungkol sa nasabing proyekto upang madagdagan ang mga corals sa isla ng Boracay.

Ang Coral REEFfurbishment Project ay bahagi ng proyekto ng Coastal Resource Management Program at sa ilalim rin ng Boracay Beach Management Program na inilunsad noong March 14, 2014.

Samantala, magkakaroon naman ng coastal clean-up ang mga kandidata bukas ng umaga.