YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, October 01, 2014

Boracay, isang environmentally critical area - EMB

Posted October 1, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Iginiit kahapon ng mga taga EMB o Environmental Management Bureau na isang environmentally critical area ang isla ng Boracay.

Kasabay ito ng paglilinaw kahapon tungkol sa usapin sa CLUP o Comprehensive land Use Plan, klasipikasyon ng lupa, at tax declaration na dapat isaalang-alang sa pag-isyu ng ECC o Environmental Compliance Certificate.

Kaya naman sa ginanap na pagpupulog kahapon, nagkasundo ang LGU Malay, EMB, at mga stakeholders na magtulungan at isaalang-alang ang mga batas para sa kapaligiran.

Kasabay din ito ng mabusising pag-uusap kahapon tungkol sa mga requirements at pag-iisyu ng ECC na ibinigay ng EMB.

Samantala, sa kabila ng pagiging environmentally critical umano ng Boracay, masaya namang nilinaw ng EMB na malinis at nananatiling pasado sa standard ang tubig sa isla.

Ilang establisemyento at residente sa back beach sa Sitio Bolabog, nasermunan dahil sa mga nakakalat na basura

Posted October 1, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Patuloy ang kampanya ng LGU Malay para sa kalinisan ng Boracay partikular ang dalampasigan nito.

Kasabay nito, halos kaliwat-kanan din ang mga beach cleanup ng bawat barangay lalo na ng Barangay Balabag kasama ang ilang grupong nagmamalasakit sa isla.

Subali’t labis namang ikinadismaya ng taga Balabag Council ang mga nakakalat na bote ng alak, upos ng sigarilyo at mga plastic sa dalampasigan ng Sitio Bolabog.

Nasermunan tuloy ang ilang establisemyento at residente doon dahil sa tila walang pakialam ang mga ito sa kalinisan ng nasabing lugar.

Maliban dito, may mga nagtayo na rin umano doon ng tambayan na siyang itinuturong dahilan ng pagkalat ng basura.

Samantala, minarapat paring paalalahanan ng taga Balabag Council ang mga nasabing residente na maging responsable at malinis sa paligid.

Nabatid na maraming grupo ang nagsasagawa o nangunguna sa mga beach cleanup sa isla bilang pagpapakita ng pagmamalasakit sa kapaligiran katulad ng Balabag Bikers at Quick Force Boracay.

16 na kalahok sa “Mutya it Kalibo Ati-Atihan 2015”, ipinakilala na ng KASAFI

Posted October 1, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ipinakilala na ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. (KASAFI) ang 16 na mga naggagandahang kalahok para sa “Mutya it Kalibo Ati-Atihan 2015”.

Ayon kay KASAFI Chairman Albert Meñez, sinala ang 16 na kalahok mula sa 35 na mga sumali para sa korona ng nasabing patimpalak.

Anya, isinagawa ang screening noong September 27 sa KASAFI Office, kung saan pinagbasehan ang criteria na dapat Filipino citizen, 15 to 24 years old at may taas na 5’4 at Aklanon ang mga magulang.

Ipinagmalaki din ni Meñez na ang ‘Mutya it Kalibo Ati-Atihan” ay isa na ngayon sa mga maituturing na prestihiyosong beauty event sa Western Visayas.

Samantala, ang mananalo naman umano sa nasabing aktibidad ay makakatanggap ng hindi lamang cash prizes kundi mga hindi birong gantimpala.

Nabatid na ang 16 na mga kandidata ay nakatakdang rumampa sa January 9, 2015 sa Gov. Augusto B. Legaspi Sports and Cultural Center sa Kalibo, Aklan.

2 empleyado ng isang resort sa Boracay, nagreklamo sa BTAC matapos tanggalin sa trabaho ng kanilang amo

Posted October 1, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakatakdang magharap sa Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan ang dalawang empleyado ng isang resort at kanilang Dutch national na amo sa Boracay.

Ito’y matapos na idulog ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang kaso sa nasabing ahensya nang magreklamo ang dalawang empleyado dahil sa pagkakatanggal umano sa kanila sa trabaho sa hindi sapat na rason.

Ayon sa blotter report ng BTAC, nag-ugat ang pagkakatanggal sa kanila matapos na magreklamo ang isa sa kanilang mga guest na nawalan ito ng 500 US Dollars.

Dulot ng insidente, nagpatawag di umano ng pagpupulong ang kanilang amo at sinasabing silang dalawa ang responsible sa pagkawala ng pera ng kanilang guest.

Samantala, iginiit naman ng dalawang empleyado na isang “illegal termination” ang ginawa sa kanila.

Resolusyon para sa pagkilala sa Boracay Action Group inaprobahan na sa SB Malay

Posted October 01, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaprobahan na sa huli at ikalawag pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Malay ang resolusyon bilang pagkilala sa Boracay Action Group (BAG).

Sa ginanap na 29th regular session ng Malay kahapon, dito tinalakay ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre ang nasabing resolusyon.

Ito’y para kilalanin ang nakuhang parangal ng BAG mula sa Philippine National Police (PNP) bilang Best Performing NGO sa isla ng Boracay.

Nabatid na ang BAG ay isang epektibong NGO sa isla dahil sa kanilang ipinapakitang tulong at suporta sa lahat ng programa ng PNP sa Boracay.

Matatandaan na ang Boracay Action Group ay ginawaran bilang outstanding NGO of the Year 2013 na pinarangalan nitong taon.

Samantala, nakakuha din ng award mula sa Police Regional Office 6 ang BAG bilang supportive NGO for the year 2013.