YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 27, 2014

DOLE Aklan, magkakaroon ng Industry-Wide Assessment sa Boracay

Posted September 27, 2017
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakatakdang magkaroon ng Industry-Wide Assessment sa Boracay ang Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan.

Ito ang ipinaabot na mensahe ni DOLE Aklan Provincial Head Vidiolo Salvacion, kung saan gaganapin umano ito sa September 30, 2014 sa isang hotel sa isla.

Anya, ang pagsasagawa ng assessment ay mag-iimbita sa iba’t-ibang establisyemento sa Boracay na may sampung empleyado pataas.

Kasama din umano sa iimbetahan dito ang mga may-ari ng establisyemento.

Samantala, ang Industry-Wide Assessment ng DOLE ay naglalayong ipaalam  sa industriya  ang  kanilang  mga  responsibilidad  sa mga manggagawa, pati na rin ang pagpapaalala  sa  buo  at  boluntaryong  pagsunod  sa  lahat ng  batas  pang-mangagawa, kasama  na ang kanilang  kaligtasan at kalusugan  at iba pang  usapin.

Kasabay  rito, pag-uusapan din ang isyung teknikal sa mga kompanya upang  matiyak  ang kanilang maayos at  kompletong  pagtalima  sa  labor laws.

Paglipat ng mga school activities sa weekend, inalmahan ng ilang guro sa Aklan

Posted September 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inalmahan ng ilang guro sa probinsya ang paglipat ng mga school activities ng Department of Education (DepEd) Aklan sa weekend.

Nabatid na hinihiling ng mga guro na ilipat sa weekdays ang mga aktibidad ng paaralan katulad ng sports events, scouting at iba pang extracurricular activities.

Ngunit hindi dito pabor si Aklan Schools Division Superintendent Jesse M. Gomez, dahil kung ilalagay umano ang nasabing mga aktibidad sa weekend ay makakabawas ito sa tinatawag na “contact days” o face-to face-instructions.

Nabatid na nagpatawag naman ng committee hearing si Sangguniang Panlalawigan (SP) member Plaridel Morania at chairman ng committee on education, culture and science and technology tungkol dito matapos malaman ang hinaing ng mga guro.

Ayon pa kay Gomez kung isasagawa ang extracurricular activities sa weekdays ay kinakilangan pa nilang magsagawa ng make-up classes sa weekends.

Aniya, dapat hindi bababa sa 180 non-negotiable contact days bawat division sa loob ng isang school year para mapanatili at mapabuti ang kalidad ng edukasyon.

Sa ngayon tinitimbang pa ito ng Division office ng Aklan at ng Sangguniang Panlalawigan para sa ikakabuti ng mga guro at ng mga mag-aaral.

Friday, September 26, 2014

TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid, nakatakdang makipag-usap sa Task Force Boracay para sa APEC

Posted September 26, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakatakdang makipag-usap sa Task Force Boracay para sa APEC hosting si TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid.

Ito ang kinumpirma ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño kasabay ng pagsusumite nila ng petisyon ng LGU Malay para sa TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Ayon kay Sacapaño, dito rin pag-uusapan ang mga proyektong kailangang tapusin bago sumapit ang 2015 APEC Hosting ng Boracay katulad ng drainage at mga street lights.

Samantala, nabatid na darating sa susunod na araw ng Sabado, ikaapat ng Oktubre si Lapid matapos imbitahan ng BFI o Boracay Foundation Incorporated.

Kasama rin sa darating para sa nasabing pagpupulong si mismong Aklan Governor Florencio Joeben Miraflores at Malay Mayor John Yap.

Magugunita namang ikinadismaya ng LGU Malay at BFI ang kanilang natuklasan sa drainage ng TIEZA matapos nila itong pagtulungang i-de-clog kasama ang ilang volunteers nitong mga nakaraang linggo.

Mahigit 3 libong kabataan sa Boracay, nabakunahan kontra Measles-Rubella at Oral Polio

Posted September 26, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mahigit tatlong libong kabataan ang nabakunahan ng Municipal Health Office (MHO) Malay kontra sa Measles-Rubella at Oral Polio sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos na ilunsad ng Department of Health (DOH) ang Mass Immunization sa buong bansa nitong buwan ng Setyembre para mapangalagan ang mga kabataan kontra measles o tigdas.

Sa isinagawang immunization ng MHO sinuyud ng mga ito ang bawat baranggay at sitio sa Boracay simula noong unang araw ng Setyembre hanggang nitong araw ng Miyerkules kung saan nakapagbakuna sila ng 3, 617 na mga kabataan.

Nabatid na maraming mga magulang sa isla ang pinabakunahan ang kanilang mga anak na may edad siyam na buwan hanggang 59 na buwan para sa Measles Rubella (MR) vaccine.

Samantalang ang Oral Polio Vaccine (OPV) ay ibinigay sa mga bagong anak na sanggol hanggang 59 buwan ang edad.

Napag-alaman na may iilang lugar pa sa Boracay ang binalikan ng mga nurse ng MHO kahapon para sa mga hindi pa nabakunahan kontra sa paglaganap ng nasabing sakit.

Dahil sa pagpapatugtog ng malakas, 2 lalaki sa Boracay sugatan matapos hampasin ng kahoy

Posted September 26, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugat sa noo habang bali naman ang kanang braso ng dalawang kalalakihan sa Boracay matapos na hampasin ng kahoy.

Ito’y dahil sa pagpapatugtog umano ng malakas habang natutulog na ang suspek sa bahay nito sa Brgy. Yapak Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, alas dyes ng gabi habang nag-iinuman ang mga biktima na sina Darwin Vista, 30 anyos at Lude John Amigan, 24 anyos nang pagsabihan ng suspek na hinaan ang kanilang radyo.

Subalit, ilang sandali pa nang iihi umano sana ang dalawang biktima malapit sa kanilang sasakyan ay nagulat ang mga ito nang biglang may humampas sa kanila ng kahoy.

Dagdag pa ng mga nagrereklamo, tinungo din umano ng suspek na nakilala sa blotter report na si Bonimar Taunan, 38 anyos ang kanilang mesa at pinagsisipa ang mga upuan doon gayundin ang pagsasalita ng mga hindi maganda.

Samantala, pansamantala namang ikinustodiya sa Boracay PNP ang suspek.