YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 05, 2014

HRP Boracay, nanawagan ng pakikiisa para sa APEC Hosting ng Boracay

Posted September 5, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Nanawagan ngayon ng pakiisa ang Holy Rosary Parish (HRP) Boracay para sa darating na APEC 2015.

Ayon kay Holy Rosary Parish Boracay Team Moderator Fr. Arnold Crisostomo, hindi lamang mga pinuno mula sa iba’t-ibang bansang kasapi ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) ang darating sa isla kungdi maging mga negosyante na maaaring makatulong sa bansa.

Kaya’t sinabi pa ni Crisostomo na dapat ayusin ang isla sa pamamagitan ng pagsisimula sa sarili at sa paligid upang makita ng mga bisita na malinis at hindi lamang maganda ang Boracay kungdi may pagkakaisa.

Samantala, nanawagan din si Fr. Nonoy Crisostomo na makiisa ang lahat sa pamahalaan para sa ikakatagumpay ng APEC 2015 sa isla.

Nabatid na puspusang paghahanda na rin ang ginawa ngayon maging ng LGU Malay upang maayos ang samu’t-saring problema sa isla bago pa man ganapin ang APEC Summit.

Aklan Provincial Government, iginiit na naaayon sa batas ang pagtaas ng buwis sa probinsya

Posted September 5, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

May nakatakdang rally sa probinsya ng Aklan ngayong Setyembre hinggil sa pagtaas ng bayarin sa buwis.

Subalit, iginiit ng Aklan Provincial Government na naaayon sa batas ang pagtaas nito.

Ayon kay Provincial Assistant Administrator Gerick Templonuevo, ang  35% ng real property tax proceeds ay mapupunta sa mga proyekto ng probinsya, kung saan  40% din nito ay para sa munisipalidad at 25% naman sa mga barangay.

Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa mga real properties base sa isinasaad ng bagong Base Market Values ay mapupunta sa Special Education Fund (SEF).

Una namang ipinaliwanag ni Provincial Assessor Kokoy Soguilon na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code ng Republic Act No. 7160, dapat magkaroon ng General Tax Revision of Real Properties ang lokal na pamahalaan kada tatlong taon.

Samantala, ayon sa mga grupong salungat sa ipinasa ng Provincial Assessor Office at inaprobahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan na Tax Ordinance No. 001 series of 2014, “Excessive, unjust, unconscionable and confiscatory in nature” ang pagtataas ng 135 percent sa tax ng mga Class A na munisipalidad.

Ang aprobadong bagong schedule ng Base Market Values of Real Properties para sa 17 municipalities ay magiging epektibo sa Enero 2015.

Elevation Project, inihahanda na para sa Boracay National High School

Posted September 5, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

May program of works na ang Municipal Engineering Office ng lokal na pamahalaan ng Malay para tugunan ang matagal ng problema ng pagbaha sa loob ng Boracay National High School.

Ito ang i-prenesenta ni Engineer Friney Sim sa mga guro ,magulang at kay SB Member Natalie Cawaling-Paderes sa ginanap na pulong ng School Governing Council ng nabanggit na paaralan.

Sa kabuuang P 850,000 na pondo mula sa SEF o Special Education Fund na inaprobahan ng Local School Board , P 500,000 o kalahating milyon ay mapupunta sa elevation ng mga binabahang bahagi ng paaralan.

Ang P 200,000 ay para sa drainage at P 150,000 naman ay para sa rewiring ng mga sirang linya ng kuryente.

Ikinagalak ni BNHS Principal II Jose Niro Nillasca ang nasabing update lalo pa at pondo pa ito noong nakaraang taon na matagal na ring nilang hinahanap para maipatupad.

Samantala ,pinasiguro naman ni Chairman on Committee on Education at SB Member Natalie Cawaling-Paderes  na pinoproseso na ang lahat ng nakabinbin na proyekto para maibsan ang mga suliranin ng Boracay National High School.

PHITEX, nakatakdang magdaos ng marketing event Boracay

Posted September 5, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Untitled-1Nakatakdang magdaos ng marketing event ang Philippine Travel Exchange (PHITEX) sa isla ng Boracay bukas, araw ng Sabado.

Bahagi ito ng kanilang taunang tour activities na binuo ng Tourism Promotions Board ng DOT, kung saan ipinapakilala nila sa mga partisipante ang mga pangunahing atraksyon at destinasyon sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng consumer promotions at travel trade business meetings.

Sa pamamagitan ng press release ng Aklan Provincial Tourism Office, sinabi ni DOT 6 Regional Director Helen Catalbas na ang isla ng Boracay ang isa sa sikat at pinili ng mahigit 30 buyers na pagdausan ng nasabing aktibidad.

Nabatid na mag-iikot din sa isla ng Boracay ang mga participating buyers para sa iba’t-ibang aktibidad katulad ng island hopping at water sports acitivities.

Korean national, ikinustodiya sa BTAC matapos mag-iskandalo sa isang resort sa Boracay

Posted September 4, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pansamantalang ikinustodiya sa Boracay PNP Station ang isang Korean national matapos na umano’y mag-iskandalo sa isang resort sa Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, pumasok di umano ang lasing na turista na nakilala kay Damon Joshua Zeke sa nasabing resort at nagsisigaw.

Sumbong ng sekyu, nagtaka din umano ang ilang staff doon sapagkat hindi naman guest ang nasabing koreano at dahil sa nag-iiskandalo na ito ay minarapat nilang palabasin.

Subalit, nagalit di umano ang turista at patuloy na nagwawala, kung saan natumba ito sa sahig na nagresulta naman ng ilang injury sa kanyang ilong at pagkasugat ng kanyang bibig.