YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, August 29, 2014

Ilang traysikel, inempound ng mga MAP dahil sa illegal terminal

Posted August 29, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Ilang traysikel drayber ang pansamantalang naunsyami ang biyahe ngayong araw.

Inempound kasi ng mga taga MAP o Municipal Auxiliary Police ang kanilang traysikel at pansamantalang naka-impound sa Balabag Plaza dahil sa pagpila sa mga lugarkung saan hindi sila dapat pumila.

Ibig sabihin, illegal umano ang kanilang terminal.

Magugunitang ilan sa mga opisyal sa Boracay ang nanindigang sapat at hindi kulang ang mga traysikel sa Boracay at sa halip nakapila lamang para maghintay ng mga turista.

Ito rin ang itinuturong dahilan ng publiko kung bakit maraming mga commuters, estudyante at mga empleyado dito ang madalas nale-late at hindi nakakasakay.

Samantala, nabatid na umalma naman ang mga nasabing traysikel drayber matapos dalhin ng mga MAP ang kanilang traysikel sa Balabag Plaza.

MAP, todo-bantay sa mga pekeng permit to transport sa Boracay

Posted August 29, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Todo-bantay ngayon sa mga pekeng permit to transport sa Boracay ang mga taga MAP o Municipal Auxiliary Police.

Ayon sa mga taga MAP, isang dayuhang nagmamay-ari umano ng isang motorsiklo sa isla ang kanilang nasampulan matapos matuklasang peke pala ang permit to transport nito.

Ayon pa sa impormasyon, ipinatawag at inimbistigahan na ng LGU Malay ang nasabing anomalya upang mapanagot ang sangkot o mga sangkot dito.

Samantala, sinabi kahapon ni MAP Deputy Chief Rodito Absalon Sr. na itatawid sa mainland Malay ang mga mahuhuling motorsiklo at babayaran ng may-ari ang lahat ng mga penalidad katumbas ng kanyang paglabag.

Traffic re-routing, puspusan nang pinaghahandaan para sa APEC Hosting ng Boracay

Posted August 29, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Puspusan nang pinaghahandaan ang Traffic Re-routing sa Boracay para sa 2015 APEC Hosting.

Ayon kay SB Member Rowen Aguirre, pinag-usapan nila ang paghahanda at proyekto ng mga taga Provincial Engineer’s Office at Department of Public Works and Highways para sa susunod na taon bilang bahagi naman ng paghahanda sa  traffic re-routing.

May mga proposal o panukala na umano kasi sila para sa traffic re-routing sa isla kung kaya’t kailangan din nilang mapag-aralang mabuti ang mga plano naman ng mga nasabing ahensya na maaaring makatulong sa paghahanda sa re-routing.

Samantala, sinabi pa ni Aguirre na hindi sila magpapakampanti, kungdi magpapatuloy sa paghahanda para sa APEC Hosting sa isla.

Dumalo din sa pagpupulong kahapon ang mga taga Boracay Island Water Company, Boracay PNP, Jetty Port Officials at iba pa.

Thursday, August 28, 2014

Aklanong pulis na hinirang sa Country’s Outstanding Policemen in Service, kinilala ng SP Aklan

Posted August 28, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tataas na naman ang moral ng mga pulis sa Aklan.

Isa na naman kasing myembro ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang hinirang bilang isa sa mga Country’s Outstanding Policemen in Service (COPS) ng pamahalaan.

Ito’y sa katauhan ni Police Officer 3 Michael Dalisay Pontoy, 37, ng Antipolo, Ibajay, Aklan, na nanguna sa outstanding policemen for non-commissioned officers’ category.

Kaugnay nito kinilala ng Sangguniang Panlalawigan at binigyang parangal sa ginanap na 29th SP Regular Session ang pagsusumikap at debosyon ni Pontoy sa kanyang tungkulin bilang pulis.

Maliban sa kanyang siyam na government eligibilities at iba pang award, nanguna si Pontoy sa 154 na nominado sa COPS dahil na rin sa kanyang magandang record sa serbisyo.

Samantala, ang mga kandidato para sa COPS ay sinala batay sa kanilang galing sa pagsugpo ng krimen, mga parangal at rekomendasyon mula sa PNP.

Ang COPS ay proyekto ng Metrobank Foundation, Inc., Rotary Club of New Manila East at sa pakikibahagi ng Philippine National Police (PNP) and PSBank.

LTO, wala pang na-deputize para tumulong sa kampanya laban sa modified muffler

Posted August 28, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Wala pa umanong na-deputize ang LTO para tumulong sa kampanya laban sa modified muffler.

Ito ang sinabi kahapon ni LTO o Land Transportation Office Kalibo District Officer 3 Elsa Castaños tungkol sa matagal nang problema sa mga maiingay na motorsiklo. sa Boracay.

Ayon kay Castaños, kulang pa umano kasi sila sa tao ngayon lalo pa’t ni-recall ang lahat ng Deputation ID ng mga deputized agents.

Kailangan umano kasi na dapat may sapat na kaalaman ang isang deputized agent sa pagpapatupad ng batas ng Land Transportation Office.

Samantala, nabatid na nakaranas ang mismong mga taga Municipal Auxiliary Police sa Boracay ng pangha-harass mula sa ilang lumalabag na motorista dahil sa hindi umano sila deputized ng LTO.