YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, July 04, 2014

Dahil sa mga baradong drainage system, ilang kalsada sa Boracay, binaha

Posted July 4, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Binaha ang ilang kalsada sa isla ng Boracay dahil sa mga baradong drainage system.

Walang tigil kasi ang pagbuhos ng ulan kagabi hanggang kaninang madaling araw.

Partikular na nakaranas ng pagbaha ay ang sa harap ng Boracay Hospital kung saan ilang motorsiklo rin ang tumirik dahil sa kalahati na ng gulong ang inabot ng tubig baha.

Maging ang kahabaan ng main road ng Brgy. Manoc-manoc hanggang Balabag area ay nakaranas ng pagbaha na naging perwisyo naman para sa ilang motorista lalo na sa mga turista.

Kabilang din sa mga binaha ay ang access road papuntang Police Station kung saan halos wala nang madaaan ang mga tao.

Inaayos kasi ang nasabing access road kung kaya’t tinambakan ito ng lupa.

Ang problema, hindi naman makadaloy ang tubig sa kanal.

Samantala, magugunita namang sinimulan ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority ang flood control project sa Boracay subali’t hindi parin ito natatapos.

Bakasyunistang nagpapa-massage sa Boracay, sinakal ng lalaki

Posted July 4, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay                           

Dumulog sa himpilan ng Boracay PNP Station ang bakasyunistang si Wilmy Sangat, 22 anyos ng Apdo, Hampic, Antique matapos na umano’y sinakal ng isang lalaki.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, nag-papamassage umano ang biktima sa Balabag Boracay nang nilapitan ni Alvin Venecio at walang probokasyong sinakal at pinaikot ang kanyang leeg.

Nasaktan umano ang nasabing bakasyunista sa ginawa ng lalaki, kung kaya’t minarapat nitong magreklamo sa pulis.

Samantala, habang nasa himpilan naman ng Boracay PNP station ay nagkasundo ang dalawang panig na sa barangay nalang ayusin ang nasabing kaso.

Estudyante sa Balabag, isinugod sa ospital matapos mabangga ng flywood na karga ng topdown

Posted July 4, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang sampung taong gulang na estudyante ang nahagip ng flywood na karga sa isang topdown sa Brgy. Balabag isla ng Boracay kahapon ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Boracay PNP, kinilala ang biktimang si Sitie Hanifa ng Sitio. Ambulong Brgy. Manoc-manoc habang ang driver ng topdown ay kinilalang si Roel Trocio, 30-anyos ng Toledo, Cebu, City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang naglalakad umano itong biktima sa labas ng kaniyang paaralan sa Balabag Elementary School ay doon siya nahagip ng fly wood na karga sa naturang topdown.

Dahil dito nawalan ng control ang biktima saka natumba sa bahagi ng semento sa kalsada kung saan nagtamo ito ng malubhang sugat sa kaniyang paa dahilan para agad naman siyang isugod sa Boracay Hospital para sa karampatang medikasyon.

Nabatid naman na nagkaroon ng agreement ang biktima na ang driver umano ng topdown ang siyang gagastos sa lahat ng kaniyang medical expenses.

Ang nasabing motorsiklo ay under naman ngayon sa kustudiya ng ng Boracay Police Station.

Vice Gov. Gabrielle Calizo-Quimpo, pinabulaanan ang mga akusasyon ni SP Mayor kahapon

Posted July 3, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinabulaanan ni Aklan Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo ang mga akusasyon ni Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Rodson Mayor.

Sa ginanap na 22nd Regular Session ng SP Aklan kahapon, sinabi ni Mayor na nagkaroon ng “betrayal of public trust” at nilabag ng bise gobernador ang 30 days period na hindi dapat ma-interrupt ng anumang aksyon ang mga referrals ng committee meetings/hearings, public hearings, period of debates, amendments at iba pang mga dokumento na sakop ng batas ng DILG.

Subalit, sinagot naman ito ng mga dokumentong hawak ng bise gobernador bilang patunay na wala umano itong nilalabag na batas.

Samantala, nabatid naman sa privilege speech ni Mayor na nais nitong paalisin sa pwesto si Quimpo upang maibalik umano sa mga Aklanon ang kumpyansa sa gobyerno.

Sa ngayon ay hindi pa matiyak kung sasampahan ng kaso ni SP Member Mayor ang bise gobernador.

Thursday, July 03, 2014

Dalawang lalaki, tinambangan ng tatlong security guard sa Boracay

Posted July 3, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dalawang lalaki ang tinambangan ng tatlong hindi kilalang security guard sa isla ng Boracay kahapon ng alas-5 ng madaling araw.

Basi sa report ng Boracay PNP, kinilala ang mga biktimang sina Ricky Salvacion, 18-anyos ng Capilijan, Ibajay, Aklan at Kelvin Espiritu 24-anyos ng Brgy. Unat ng nasabi ring bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na papauwi umano ang mga biktima mula sa isang Bar kung saan sila uminom ng biglang may tatlong hindi kilalang security guard ang lumapit sa kanila.
Nabatid rin na sa walang karason-rason ay pinagsusuntok ang mga ito kung saan ang biktimang si Espiritu ay nawalan ng malay dahil sa lakas ng natamo nitong suntok habang ang isa pa ay nagtamo rin ng sugat sa kaniyang bibig.

Nagawa namang rumispundi ng mga pulis sa lugar ng insidente ngunit bigo ang mga itong matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek na security guard.