YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, June 12, 2014

British national, ninakawan ng mga gamit sa Boracay; 6 na construction worker iniimbestigahan

Posted June 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dumulog sa himpilan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) si Geoffrey Gee, 69 anyos, British national ng Stannington UK kasama ang asawang si Jonna Mae Gee.

Ito’y matapos na pinasok ng hindi nakilalang kawatan ang loob ng kanilang bahay at tinangay ang ilan sa kanilang mga mahahalagang gamit tulad ng computer monitor, wrist watch, leather jacket, hard drive at sapatos.

Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, umuwi bandang alas nuebe kagabi ang mag-asawa sa kanilang bahay sa So. Bolabog Balabag Boracay nang madiskubrehang nawawala ang kanilang mga gamit.

Base sa pagsisiyasat ng mga pulis, dumaan ang suspek sa glass wall ng nasabing bahay, kung saan nakita pa doon ang kanyang foot prints at ilang mga basag na salamin.

Samantala, iniimbestigahan din ngayon ang anim na mga construction worker matapos na ma-recover ang ilang mga nawawalang gamit malapit sa isang construction building sa lugar.

Bakasyunista sa Boracay, sinabunutan na, nawalan pa ng cellphone

Posted June 12, 2014
Ni Gloria Villas, YESFM Boracay

Sinabunutan na, nawalan pa ng cellphone.

Ito ang masaklap na karanasan ng isang babaeng turista sa isla ng Boracay kaninang madaling araw.

Nagreklamo sa Boracay PNP Station ang 26 anyos na babae matapos na biglang sinabunutan ng hindi nakilalang babae.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP Station ang biktima na si April Lyn Serva ng Caloocan City at nagbabakasyon dito sa isla.

Ayon sa biktima, ala una kanina ng madaling araw habang nasa loob sya ng isang bar sa Balabag Boracay nang lumapit ang isang hindi kilalang babae at bigla itong sinabunutan at sinuntok.

Isa umanong lalaking foreigner ang tumulong sa kanya, kung saan niyakap di umano ito at sinabukang pigilan ang nangyayaring komosyon.

Samantala, nang sakay na umano ng tricycle ang biktima habang papaalis sa lugar ay doon nya nalamang nawawala ang kanyang Samsung G41 na cellphone.

Nagpapatuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station hinggil sa nasabing insidente.

Suspek sa pamamaril sa Barangay Kapitan ng Unidos, Nabas, Aklan, arestado na

Posted June 12, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Arestado na ang suspek sa pamamaril sa Barangay Kapitan ng Unidos, Nabas, Aklan nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Nabas PNP Chief Inspector Arnolito Laguerta, nadakip ang suspek sa tulong ni Chief Inspector Al Lloren Bigay, hepe ng New Washington, (Aklan) police station.

Tumawag umano sa kanya si Bigay tungkol sa isang taga Nabas na nandoon sa New Washington, base na rin sa kanilang nakalap na community report.

Kaagad umanong pumunta si Laguerta sa New Washington kung saan positibong nakilala at nadakip ang suspek na si Johnson Culumbres.

Ayon pa kay Laguerta, ang suspek din umanong si Culumbres ang itinuturo ni Barangay Captain Dante Berondo na siyang nagpaputok ng baril sa bilyaran.

Magugunitang ikinasawi ng kapatid ng kapitan na si Ropel Berondo at ikinasugat ng iba pa ang nangyaring pamamaril na sinasabing nag-ugat sa kanilang away sa lupa.

Samantala, patuloy parin ang imbistigasyon ng Nabas PNP kaugnay sa umano’y pamangkin ng suspek na kasama nito sa krimen.

200 meter sit back sa mga bangka sa Bolabog Beach, ok sa BIHA

Posted June 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Ok sa mga taga BIHA ang 200 meter sit back para sa mga bangka sa Bolabog Beach.

Ayon kay BIHA o Boracay Island Hopping Association Chairman Rigoberto Gelito Jr., "ok lang" at “no comments”na sila sa nasabing sit back na naglalayong mapangalagaan ang mga sea grasss sa Bolabog Beach bilang bahagi ng Boracay Redevelopment.

Sa kabila ito na may kalayuan ang 200 meters na mooring area para sa mga bisita o turistang nais mag-boating o mag-island hopping.

Ayon kasi kay chairman Rigoberto, konsiderasyon sana ito sa oras ng operasyon ng kanilang mga bangka at mga bisita.

Samantala, maliban sa sit back, sinabi ni chairman Rigoberto na suportado din nila ang iba pang redevelopment program ng LGU Malay para sa isla.

Nabatid na inilatag ni Life Guard Supervisor Mike Labatiao sa Assembly Meeting ng BFI o Boracay Foundation Incorporated nitong nakaraang Sabado ang accomplishment report kaugnay sa nasabing sit back.

Nasa 90% na mga paaralan sa Malay, pasado para maging Evacuation Centers - DILG

Posted June 12, 2014
Ni Gloria Villas, YESFM Boracay

Pasado ang nasa 90 porsyento ng mga paaralan sa bayan ng Malay para maging Evacuation Centers.

Ito ang sinabi ni Malay Local Government Operations Officer (MLGOO) II Mark Delos Reyes kaugnay sa kanilang isinagawang inspection sa mga paaralan at iba pang gusali bilang preparasyon sa pagpasok ng Habagat Season sa bansa.

Ayon kay Delos Reyes, layunin umano nitong matiyak ang kaligtasan ng mga residente sakaling may dumating na malakas na bagyo.

Samantala, sinabi naman ng DILG Malay na patapos na rin ang kanilang isinasagawang mga evaluation sa iba pang mga gusali sa buong bayan ng Malay lalo na sa isla ng Boracay.

Kasama umano nilang nag-iinspekyon dito ang Philippine National Police (PNP), Local Government Units (LGUs) at National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nabatid na nagsimula ang nasabing inspeksyon nitong nakaraang linggo.