YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, May 15, 2014

Mahigit isang libo dumalo para sa rehearsal ng Longest Massage Chain attempt ng Boracay

Posted May 15, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Isinagawa ngayong araw ang pagsasanay ng mga partisipante para sa gagawing aktibidad bukas kung saan susubukin ng Boracay na masungkit at makapagtala ng bagong record para sa Guinness World Record for the Longest Massage Chain.

Pumalo sa mahigit isang libo ang dumating para isaulo ang masahe na sabay-sabay na gagawin bukas para sa unang araw ng selebrasyon ng Boracay Day.

Maliban sa mga masahista, ilang organisasyon din ang nakiisa para maisakatuparan ang target na dami ng sasali bukas.

Hawak ngayon ng Thailand ang record na 1,223 kung saan 1,500 naman ang target na maabot ng Boracay para sa bagong record.


Maliban sa mga volunteers, may darating din na mga masahista mula Iloilo at Capiz para sumuporta.

Magsisimula ang registration alas singko y medya ng umaga na bibilangin ang mga sasali sa pamamagitan ng digital counter ng paisa-isa para matiyak ang dami na kalahok.

Sa ganap na alas-otso ng umaga,opisyal na gagawin ang aktibidad na masusing babantayan ng mga taga-Guinness World of Records.

Para matiyak na malampasan ang record ng Thailand ,nanawagan naman si Municipal Tourism Chief Operation Officer Felix Delos Santos na kung maari ay mag-imbita pa ng mga volunteers para magtagumpay ang attempt na ito.

Dry run para sa World Record Breaking Attempt ng Boracay sa Longest Massage chain ngayong umaga na

Posted May 15, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang dry run ang isasagawa ngayong umaga para sa World Record Breaking Attempt ng Boracay para sa Longest Massage chain bukas.

Ayon kay Malay Tourism Officer Felix G. Delos Santos, alas-7 ngayong umaga magsisimula ang nasabing dry run sa beach front ng station 2 Boracay.

Ito umano’y bilang paghahanda sa kanilang pag-attempt ng record sa Guinness bilang (Longest Massage Chain) kung saan hawak ito ng bansang Thailand.

Kabilang dito ang mga therapist at masahista para suportahan ang adhikain na ito para maisulong ang pagkakaroon ng Boracay Signature Massage na sila din ang makikinabang.

Nabatid na kailangang dugtong-dugtong na magmamasahi ang mga masahista sa kapwa nila masahista para makabuo ng isang linya at dito pagbabasehan ang dami ng bilang ng lumahok.

Bibigyan rin ang mga masahista ng oil na gagamitin para sa pagmasahi na handog ng isang malaking kumpanya sa bansa.

Ang nasabing programang ito ay bahagi ng tatlong araw na Boracay Day na magsisimula bukas hanggang sa araw ng Sabado.

Samantala, target ng Municipal Tourism ang isang libo at limang daang partisipante para dito upang makamit ang tagumpay na maipasok sa Guinness ang Longest Massage Chain ng Boracay.

Wednesday, May 14, 2014

Mga E-Trike Drivers sa Boracay, pinaalalahanan hinggil sa unloading ng mga pasahero

Posted May 14, 2014 as of 6:00pm
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinaalalahanan ngayon ni E-Trike Program In Charge Dante Pagsugiron ang mga E-Trike Drivers hinggil sa unloading o pagbaba ng mga pasahero ng E-Trike.

Ito’y kaugnay sa ilang mga concerns na ipinaabot ng mga vehicle drivers at taong nakapuna sa pagbaba ng mga pasahero.

Ilan umano kasi sa mga pasahero ay basta nalang bumababa kahit na may paparating na sasakyan kaya minsan nagrereklamo ang ilang vehicle drivers na posibleng magdulot ito ng disgrasya.

Ang E-Trike kasi ay may babaan na pwedeng sa kaliwa at sa kanan ka dumaan.

Dahil dito, sinabi ni Pagsugiron na nasa E-Trike driver na rin umano mismo ang responsibilidad na magpaalala sa pasahero kung saan dapat dumaan at bumaba.

Samantala, nagpapasalamat naman si Pagsuguiron na naiparating sa kanya ang nasabing concern.

Anya, maghahanap na rin sya ng mga solusyon at mga maaaring hakbang upang maresolba ang nasabing problema.

Dalawang babae sa Boracay, nag-away dahil sa nawawalang cellphone charger

Posted May 14, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dalawang babae sa Boracay ang nag-away kagabi dahil sa nawawalang cellphone charger.

Sa report ng Boracay PNP, nagsimula ang away ng dalawa matapos umanong akusahan ng suspek na si “Elma” ang nagreklamong si “Lydia”.

Kinuha umano kasi ng huli ang cellphone charger ng suspek na si Lydia.

Dahil dito, nagkaroon ng mainit na argumento sa pagitan ng dalawa na nauwi naman sa komosyon.

Samantala, nang magharap naman sa himpilan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ay nagkasundo naman ang mga itong ayusin ang gusot sa pagitan nilang dalawa.

Presyo ng mga school supplies sa Aklan, imo-monitor ng DTI

Posted May 14, 2014
Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Naka-alerto na ngayon sa presyo ng mga school supplies ang Department of Trade and Industry (DTI) Aklan dalawang linggo bago ang pasukan.

Ayon sa tanggapan ng DTI, mag-mo-monitor sila sa mga tindahan na nagbibinta ng school supplies para masiguro na walang over pricing.

Muli umano silang magkakalat ng mga posters na nakalagay ang mga gabay sa pamimili ng school supplies sa mga pamilihan at may nakalagay na suggested retail price (SRP) katulad ng kanilang ginawa noong nakaraang taon.

Iginiit naman ng nasabing ahensya na kailangang hindi lang mga presyo ng mga produkto ang isaalang-alang ng mga mamimili, kundi pagtuunan din ng pansin ang kalidad ng kanilang binibili para maka iwas sa kapahamakan ang mag-aaral.

Samantala, muling paalala ng DTI na tumawag lamang sila sa numerong 268-5280 sakaling mayroon silang mga reklmo tungkol sa kanilang mga nabiling school supplies.

Inaasahan naman nilang dadagsain na ang mga pamilihan ng mga mamimili ng gamit sa eskwela sa susunod na linggo para sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo-tres.