YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, April 16, 2014

Ordinansa kaugnay sa “no parties at loud music” sa Boracay ngayong Semana Santa inilabas na ng LGU Malay

Posted April 15, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inilabas na ng Mayor’s office nang Malay ang ordinansa kaugnay sa pagbabawal ng “parties at loud music” sa Boracay ngayong Semana Santa.

Ito’y base sa nakasaad na Executive Order No. 010 series of 2014 kung saan nagdedeklara ng non-issuance of permit para sa pagkakaroon ng anumang okasyon o aktibidad sa Boracay ngayong Biyernes Santo, sang-ayon sa SB resolution No, 015, Series of 2009.

Ang bise-alkalde ng Malay na si Welbec Gelito at ngayo’y acting mayor ang siyang pormal na nag-uutos sa lahat ng Municipal Departments na ipagbawal ang pagbibigay ng anumang permit sa mga establishment owners para sa anumang okasyon sa nasabing araw.

Ang nasabing ordinansa ay epektibong ipapatupad simula alas-6 ng umaga ngayong Biyernes Santo hanggang alas-6 din ng umaga ng Sabado de Gloria.

Dahil dito mag-momonitor naman ang Malay Auxiliary Police (MAP) sa pakikipagtulungan ng lahat ng law enforcement agencies sa isla ng Boracay para bigyan ng aksyon kung sino man ang hindi tumupad sa nasabing ordinansa.

Samantala, nakasaad rin sa Section 3 ng Municipal Ordinance No. 276, Series of 2009 ang kaukulang penalidad kaugnay sa nasabing kautusan.

Suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Aklan, makakaranas ng load shedding

Posted April 15, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Mahilig ka bang manood ng pelikula, tele-nobela, o kaya’y cartoons sa TV?

Naka schedule na ba ang pagbi-videoke nyo ng tropa ngayong bakasyon?

Kung ganon, huwag ka sanang madidismaya sakaling bigla na lamang mag-brown out o mawalan ng suplay ng kuryente sa inyong lugar.

Makakaranas kasi ng load shedding sa suplay ng kuryente ang ilang lugar sa Aklan simula ngayong araw hanggang sa araw ng Lunes, April 21.

Base sa advisory ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO).

Nakakaranas ng over loading ang Panit-an Substation Transformer ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines, dahil sa umano’y paunti-unting pagbalik sa normal ng demand sa suplay ng kuryente ng probinsya lalo na sa isla ng Boracay, dulot naman ng kanilang 138 kV transmission line restoration project.

Kaugnay nito, aasahan umano ang biglang power interruption lalo na sa gabi, kung saan mataas ang demand sa kuryente.

Nilinaw naman ng AKELCO na maaaring matuloy o hindi ang schedule ng load shedding depende sa alokasyon ng NGCP.

Samantala, pasok naman ang Boracay Substation sa mga lugar sa Aklan na makakaranas ng load shedding, katulad ng Altavas, Lezo, Madalag, Nabas, Kalibo, at maging ang ilang bahagi ng Antique.

Boracay Action Group, nasa full alert status na para sa Holy Week

Posted April 15, 2014 
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nasa full alert status na para sa Holy Week ang mga taga BAG o Boracay Action Group.

Sa ginanap na Joint Flag Raising Ceremony kahapon, isa-isang nagpahayag ng kanilang kahandaan para sa kaligtasan ng mga turista ang taga Boracay PNP, Philippine Coastguard, Maritime Police, Philippine Army Task Group Boracay, Boracay Fire Protection Unit, Municipal Auxiliary Police.

Ayon kay Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo, naka heightened alert na rin sila subali’t muling nanawagan ng suporta mula sa iba pang miyembro ng BAG.

Nagpahayag din ng buong suporta sa law enforcement sa isla si Captain Harrison Toquero ng Task Group Boracay, habang personnel deployment at fire truck visibility naman maliban pa sa fire safety inspection ang ipinangako ni Boracay Bureau of Fire Protection Unit Inspector Joseph Cadag.

Samantala, sinabi naman ni Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla na nakahanda na rin ang kanilang passenger assistance center sa Caticlan at Cagban Jetty Port, habang security augmentation sa Ro-Ro Terminals naman ang ipinangako ni Police Inspector Azarcon ng Maritime Police.

Nagpasalamat naman ang LGU Malay sa pamamagitan ni SB Member Rowen Aguiree sa kahandaan ng mga nasabing ahensya para sa pagdagsa ng mga turista ngayong Semana Santa. 

Tuesday, April 15, 2014

Malay SB Member, nag-Holy Week break na!

Posted April 15, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Wala munang session ngayong araw ng Martes ang Sangguniang Bayan o SB Malay.

Ayon kay SB Malay Secretary Concordia Alcantara, dahil sa “Holy Tuesday” na ay hindi na rin nagkaroon ng session ang mga konseho para sa pagninilay-nilay ngayong Semana Santa.

“Holy Week Break” na rin umano kasi ng mga konseho kaya’t maaga na rin ang mga itong nagbakasyon.

Samantala, sinabi naman nito na muling magbabalik trabaho ang mga SB members sa April 22.

Ang Semana Santa ay isa sa pinakamahalagang relihiyosong debosyon para sa mga Pilipino at kilala rin sa tawag na Mahal na Araw.

Ito rin ay upang alalahanin ang mga paghihirap at ang pagkamatay ni Hesus para sa sangkatauhan.

Turkish national sa Boracay, kalaboso matapos manggulo

Posted April 15, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Himas-rehas ngayon dahil sa panggugulo ang isang Turkistan sa Boracay matapos ireklamo ng isang caretaker.

Ayos sa report ng Boracay PNP, sinira ng Turkish national na si Umit Turker ang bintanang salamin ng bahay sa loteng pinagtatrabahuan ng nagreklamong caretaker.

Lumalabas din sa imbestigasyon na bandang alas dos kahapon ng madaling araw ay nagsisigaw umano itong turista sa labas ng bahay at maliban sa pambabato ng bintana ay sinipa din umano nito ang main door ng bahay.

At nang makapasok na rin ito sa loob ng nasabing bahay ay kinuha nito ang isang shoe rack at pinaghahampas sa sahig.

Samantala, hindi naman malinaw sa ngayon ang dahilan ng Turkistan kung bakit nagawa nitong manira ng gamit.