YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, April 10, 2014

Suplay ng tubig sa Boracay ngayong summer “no worry” ayon sa BIWC

Posted April 10, 2014 as of 6:00pm
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“No worry” umano ang suplay ng tubig sa isla ng Boracay ngayong panahon ng summer.

Ito ang pinasiguro ni Boracay Water Customer Representative Officer Acs Aldaba ng Boracay Island Water Company o BIWC kaugnay sa inaasahang pagtaas ng demand sa water supply sa Boracay ngayong summer.

Aniya, matagal na rin umano nila itong napaghandaan dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng maraming turista sa isla lalo na sa Semana Santa.

Nangako naman ito na 24/7 o tuloy-tuloy ang kanilang pagbibigay ng suplay ng tubig sa Boracay.

Kung sakali naman umanong magkaroon ng power interruption sa isla ay mayroon na rin silang nakahandang generator para hindi maantala ang pagbibigay ng tubig sa mga establisyemento at sa mga kabahayan.

Ang BIWC ay siyang pangunahing kompanya na nagsusuplay ng tubig sa isla ng Boracay at kinokonektahan ng mga sewer line ng mga business establishment at mga bahay sa Boracay.

Hungarian national sa Boracay, inereklamo sa BTAC matapos manggulo at hamunin ng suntukan ang isang Australiano

Posted April 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inireklamo sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang isang Hungarian national matapos na umano’y manggulo at hamunin ng suntukan ang isang Australiano.

Ayon sa report ng Boracay PNP, nagwawalis di umano ang asawa ng Australianong si Richard Hennekam, nang nilapitan at galit na kinompronta ng Hungarian national na si Daniel Melczer.

Sinabihan sya umano nito kung natanggap nila ang sulat mula sa may-ari ng kanilang tinutuluyang apartment na nagsasabing alisin na ang kanilang aso doon dahil sa marami na umano ang nakagat nito.

Dahil sa takot, tumakbo umano ang asawa ng Australiano na si Jocelyn Hennekam papunta sa kanilang kwarto at isinara ang gate sa kanilang veranda habang hinahabol naman ni Melczer.

Dahil sa ingay na narinig, lumabas ang Australiano at doon na ito pinaghahamon ng suntukan ng Hungarian national.

Kaagad namang inilayo ang nasabing Hungarian ng kasintahan nito sa lugar para hindi na lumala ang sitwasyon.

Samantala, minarapat namang ipinaubaya ng Boracay PNP sa Brgy. Justice System ng Manoc-manoc Boracay ang nasabing kaso.

Mayor John Yap, ok sakaling tawaging "Fire Dance capital of the Philippines" ang isla ng Boracay

Posted April 10, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Ok kay Mayor John Yap sakaling tawaging "Fire Dance Capital of the Philippines" ang isla ng Boracay.

Reaksyon ito ng alkalde kaugnay sa mga fire dancers na talagang nakakatawag- pansin sa mga turistang dumadaan sa beach front pag gabi.

Kapansin-pansin kasi ang paghanga ng mga turista sa nasabing panggabing atraksyon, na kadalasang nagpapalitrato sa mga fire dancers bilang souvenir.

Magkaganon paman, muling ipinaalala ni John Yap ang mga regulasyon kaugnay sa pangangalaga sa puting buhangin ng isla, na siya namang dinadayo ng mga turista sa Boracay.

Samantala, kasabay ng paalala, tiniyak naman ng alkalde ang seguridad ng mga turista ngayong summer season sa Boracay.

Maaalalang ikinabahala din ng Department of Tourism (DOT) ang umano’y banta sa kalusugan ng ginagamit na gas ng mga fire dancers.

Problema sa tubig ng mga residente ng Sitio Tabon Caticlan, malapit nang masulusyunan

Posted April 10, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malapit na umanong masulusyunan ang problema sa tubig ng mga residente ng Sitio Tabon Brgy. Caticlan, Malay, Aklan.

Sa SB Session ng Malay nitong Martes kung saan muling tinalakay ang nasabing problema, sinabi ni SB Member Rowen Aguirre nagpahiwatig na ang BIWC o Boracay Island Water na handa silang tumulong sa mga residente ng nasabing lugar.

Ngunit sinabi ni Boracay Water Customer Service Officer Acs Aldaba na kailangan pa umano nilang makipag-ugnayan sa TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority tungkol dito.

Under o sa ilalim umano kasi sila ng pamumuno ng TIEZA, at sa Boracay lamang nakasentro ang kanilang serbisyo.

Nabatid na kung sakaling pumayag ang TIEZA sa kahilingan ng BIWC ay maaari nang maumpisahan ang proseso para dito.

Matatandaang nagpasaklolo ang mga residente ng Sitio. Tabon sa Sanguniang Bayan ng Malay dahil sa mahigit isang buwan nang walang suplay ng tubig ang kanilang lugar.

Sa ngayon patuloy paring umaasa ang mga residente ng nasabing lugar na muling may lumabas na tubig sa kanilang mga gripo at maibsan ang kanilang hirap sa pag-iigib ng tubig sa mga kalapit na lugar.

Maiingay na musika sa Boracay, ipagbabawal ng SB Malay ngayong Semana Santa

Posted April 10, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ipagbabawal ng Sangguniang Bayan ng Malay ang maiingay na musika sa Boracay ngayong Semana Santa.

Sa Other matters sa Malay SB Session kahapon, sinabi ni SB Member Rowen Aguirre na maaari nilang e-re-adopt ang nagdaang resolusyon para dito.

Ganito rin umano ang ginagawa ng mga nagdaang administrasyon kung saan pansamantalang ipinatigil ang lahat ng mga nagpapatugtog ng musika sa isla ng Boracay.

Nabatid na maaari nilang ipatupad ito sa araw ng Biyernes Santo simula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng hapon.

Bagamat isang araw lang itong ipagbabawal nais naman ng SB Malay na makiisa ang lahat ng mga establisyemento sa isla ng Boracay para sa pag-gunita ng Holy Week.

Samantala, magbibigay naman ang abiso ang LGU Malay tungkol dito para sa lahat ng mga business establishment sa Boracay lalo na sa mayroong malalakas na tugtugin kagaya ng tambol at ibat-ibang music instrument na nakakaagaw atensyon sa paggunita ng Semana Santa.