YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, April 04, 2014

Panukalang bagong schedule ng Base Market Values, mainit na tinalakay sa public hearing kanina

Posted April 4, 2014 as of 12:00nn
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mainit ang panahon ngayon sa isla ng Boracay.

Subali’t lalo pa itong uminit dahil sa public hearing na nagaganap ngayon kaugnay sa Proposed New Schedule of Base Market Values for 2015 General Revision.

Sa nasabing public hearing, kinuwestiyon ng mga real property owners ang itinaas ng kanilang babayarang buwis sa taong 2015.

Umaabot kasi sa 200 hanggang 300 porsiyento ang kanilang babayaran, kapag naaprobahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang nasabing Base Market Values.

Kaugnay nito, umapela si Boracay Foundation Inc. (BFI) President Jony Salme at ang iba pang real property owners na i-staggard o bayaran ng paunti-unti ang kanilang buwis dahil sa napakabigat nito sa kanilang panig.

Nangako naman ang SP na kanilang pag-aaralang mabuti at ikokonsidera ang hinaing ng mga nasabing tax payers.

Nabatid na umabot sa 200 hanggang 300 porsiyento ang buwis na babayaran ng mga real property owners sa Boracay at Malay, dahil pansamantalang isinantabi ng pamahalaang probinsyal sa loob ng siyam na taon ang General Revision ng Base Market Values, sanhi ng mga nagdaang kalamidad sa Aklan.

Ni-reschedule na Public Hearing kaugnay sa Base Market Values para sa isla ng Boracay at Malay, bukas na

Posted April 3, 2014 as of 6:00pm
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bukas na ang ni-reschedule na Public Hearing kaugnay sa Base Market Values.

Ito’y matapos aprobahan ng SP Aklan ang hirit ng mga stake holders at mga tax payers sa isla ng Boracay at bayan ng Malay na magkaroon ulit ng Public Hearing hinggil sa Base Market Values.

Matatandaang humirit ng isa pang public hearing ang mga nasabing stake holders at mga tax payers, matapos mabatid na hindi umabot sa 50 porsiyento ang dumalo sa naunang public hearing nitong nakaraang buwan.

Kaugay nito, inaasahang mas marami nang stake holders at mga tax payers ang makapagpapaabot ng kanilang hinaing tungkol sa isinusulong na bagong ordinansa sa bayarin ng buwis.

PHO-Aklan, nagbabala laban sa heat stroke ngayong Semana Santa

Posted April 4, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Huwag kalilimutang magdala ng payong at bote ng tubig upang maiwasan ang heat stroke habang namamasyal o bumibisita sa simbahan.

Ito ang paalala ng Provincial Health Office (PHO) Aklan sa publiko upang maiwasan ang heat stroke, dahil sa dami ng mga taong inaasahang dadagsa sa mga simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma.

Sinabi ni Provincial Health Officer II, Dr. Victor Sta. Maria, ng PHO Aklan.

Kailangan din itong gawin sa ganitong panahon ng bakasyon, kung saan karaniwang nagtutungo sa mga beach ang mga tao para magbilad sa init ng araw.

Samantala, payo din ng DOH na gumamit ng sun block bilang proteksiyon sa ultraviolet rays ng araw.

Ayon kay Sta. Maria, nangyayari ang heat stroke kapag ang katawan ng tao ay nakabilad ng mahabang oras sa matinding init ng araw.

Ang sintomas umano nito ay pagka-uhaw, pagkahilo, pagsusuka, masakit na ulo at low blood pressure.

Ang heat stroke ay maaaring mauwi sa pagkahimatay o seizure, na posibleng matuloy sa comatose kung hindi agad nalapatan ng lunas.

Matatandaan na nitong linggo lang ay isang Chinese National ang inatake ng heat stroke sa Boracay habang naglalakad sa front beach ng isla.

Lalaki na umawat sa mga lasing na nanggugulo sa pumpboat papuntang Cagban Jetty Port, binugbog

Posted April 4, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bugbog sarado ang inabot ng isang lalaki matapos na umano’y pagbawalan ang mga nakasakay na lasing sa pump boat na itigil ang panggugulo ng mga ito sa mga kasamahan sa loob ng motor banca.

Ayon sa report ng Boracay PNP, e-tinurn-over ng Security Guard ng Cagban Jetty Port ang dalawa sa mga suspek kung saan isa rito ay menor-de-edad.

Lumalabas sa imbestigasyon na papunta ang nasabing motor banca sa Cagban Jetty Port mga alas sais kagabi nang sumakay ang nasa limang mga lasing na lalaki at nanggugulo sa iba pang mga sakay nitong pasahero doon kasama na ang mga turista na magbabakasyon sa Boracay.

Dahil dito, pinagsabihan di umano ng 54 anyos na lalaki na nakilala kay “Buenaventura” ang mga suspek na itigil ang mga ginagawa nitong pambabastos sa iba pang mga pasahero at pag-iingay sa loob.

Subalit nang dumaong na umano ang nasabing motor banca sa Cagban Jetty Port ay doon na pinagtulungan ng mga suspek na bugbugin ang biktima.

Samantala, patuloy naman sa ngayong pinaghahanap ang iba pang mga kasamahan ng mga nahuling lalaki upang mapanagot sa nasabing pambubugbog.

2 Malaysian national, nabiktima ng snatching sa Boracay

Posted April 4, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Police BlotterHumingi ng tulong sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang magkaibigang Malaysian national matapos na mabiktima ng snatching sa Boracay.

Ayon sa report ng Boracay PNP, naglalakad sa Balabag Boracay ang mga biktima na sina Hui Ling Lee, 26- anyos at Tan Cheong Yee, 48- anyos ng Johor Malaysia bandang alas singko kanina ng madaling araw nang biglang ambangan ng hindi kilalang suspek at hinablot ang dala-dalang bag ni Lee.

Ayon pa sa report, agad umanong humarurot ang nasabing lalaki at sumakay sa isang motorsiklo upang agad na makatakas.

Natangay naman ng suspek ang ilan sa mga importanteng gamit ng biktima, tulad ng Samsung Galaxy Note III at pera na nagkakahalaga ng 400 US Dollar.

Samantala, nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa nasabing kaso.