YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 14, 2013

Boracay, di dapat mabahala sa mga sakit na nakukuha sa tubig ngayong tag-ulan

Ni Kate Panaligan at Malbert Dalida, YES FM at Easy Rock Boracay

Hindi umano dapat mabahala ang publiko sa Boracay kaugnay sa mga sakit na nakukuha sa tubig ngayong tag-ulan.

Ayon kay Malay Sanitation Inspector III Babylyn Frondoza, ang Boracay Tubig at Boracay Island Water Company na siyang pinagkukunang tubig ng mga taga Boracay ay regular namang nagsasagawa ng check-up.

Maliban dito, kampante rin umano sila kahit pa ngayong tag-ulan, dahil hindi rin gumagamit ng tubig mula sa mga balon o deep well ang mga residente sa isla.

Magkaganoon pa man, nanatili umano silang vigilante para sa mga taga-Mainland Malay dahil karamihan sa mga ito doon ay sa mga balon pa rin kumukuha ng tubig.

Ang diarrhea, cholera, typhoid fever, amebiasis, ay ang mga sakit na kadalasang nakukuha mula sa tubig tuwing tag-ulan.

Proyektong korales ng BFI sa isla, naging maganda ang resulta

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Gumaganda na ang tubo ng mga reef corals sa isla ng Boracay.

Ito ang may pagmamalaking inihayag kahapon ni Boracay Foundation Incorporated President Dionisio Salme, kaugnay sa dalawang taon na nilang proyekto.

Kung saan kaagapay umano nila sa pangangalaga at mahigpit na pagmomonitor ay ang mga taga bantay dagat, BFI Marine Biologist, LGU Malay at ang Municipal Agriculture’s Office o MAO.

Ayon pa kay Salme, upang lalong dumami ang mga korales ay may tinatawag silang nursery kung saan doon nila ito itinatanim.

Kung tumubo na ay kanila itong nililipat at ipapalit sa mga korales na nasira na.

Maging ang mga boatman umano ay nabigyan din ng instruksyon kung saan nila pwedeng ihagis ang kanilang mga angkla upang hindi matamaan at masira ang mga korales.

Bukod dito, dalawang linggo na aniya ang nakaraan nang pumunta ang grupo ng LGU at Marine Biologist ng BFI sa UP MSI o Marine Science Institute, para magkaroon ng sapat na kaalaman ukol sa pagpapalago ng mga korales na ito sa isla.

Nabatid na ang positibong resulta ng proyekto ng BFI ay taliwas naman sa hindi magandang nangyayari ngayon sa iba pang coral reef project sa isla.

Comelec Aklan, naging abala sa huling araw ng pangtanggap ng statement of expenditures ng mga tumakbong kandidato

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Naging abala kahapon ang Comelec Aklan sa pagtanggap ng mga isinumiting statement of expenditures ng mga kumandidato nitong nakaraang midterm elections.

Ayon kay Kalibo Acting Comelec Chairman Getulio M. Esto, marami umano sa mga kandidatong ito ang nagsumite ng kanilang statement of expenditures o kabuuang mga ginastos noong panahon ng pangangampanya.

Ngunit hindi rin umano naging madali para sa mga kandidato ang anim na pirasong papel na kanilang pipil-apan, dahil maaari itong maimbalido at hindi rin tanggapin ng Comelec.

Dagdag pa na kailangan din nilang humabol sa pila, dahil sarado na ang order ng Comelec sa ibinigay nilang tatlumpung araw.

Dahil dito, mumultahan umano at maaaring hindi makakaupo sa pwesto ang sinumang kandidatong hindi sumunod sa nasabing batas.

Nabatid na sa darating na Hunyo a-trenta naman gaganapin ang oath taking ng mga nanalong kandidato at sisimulang manunungkulan sa mga mamamayan sa Hulyo a uno.

Thursday, June 13, 2013

Boracay Water, kinilala sa kauna-unahang Boracay Day


Kinilala kamakailan ng Munisipalidad ng Malay ang Boracay Water, ang namamahala sa tubig at nagamit na tubig sa Boracay, sa nagdaang Inaugural Day ng Boracay, para sa mahalagang kontribusyon ng kumpanya sa pagtataguyod ng pagpapanatili ng kapaligiran ng nasabing Isla, lalo na sa pagiging kampeon nito sa larangang ng tubig at nagamit na tubig sa Boracay Beach Management Program (BBMP) ng Malay. Isa ang Boracay Water sa apat na pribadong mga kumpanyang kinilala sa nasabing selebrasyon, kasama ang San Miguel Corporation, Boracay Foundation, Inc., at ang Petron Foundation Inc.
 
Ang BBMP ay inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Malay noong taong 2010 upang pagsama-samahin ang lahat ng Environment Champions na magtutulong-tulong upang planuhin at isakatuparan ang mga proyektong magpapanatili ng ganda ng Isla ng Boracay. Ang Boracay Water ay isa din sa mga pinaka-aktibong taga-suporta ng mga aktibidad na kaugnay ng kauna-unahang Boracay Day sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng tubig sa mga kasapi ng Flores De Mayo sa Boracay at sa pagsuporta sa Pot Session Program, isang aktibidad na naglalayong makapag-prodyus ng mga binhi na maaring magamit para sa rehabilitasyon ng Nabaoy Watershed.
 
Ang Boracay Water ay isa sa tatling subsidiaries ng Manila Water, ang konsesyunaryo sa tubig ng Silangang bahagi ng Metro Manila, na nabuo noong taong 2009 sa pamamagitan ng isang joint venture agreement kasama ang Tourism Infrastructure Authority and Enterprise Zone Authority or TIEZA (noon ay Philippine Tourism Authority) upang mamahala ng tubig at nagamit na tubig sa Isla ng Boracay, Malay, Aklan, partikular na sa tatlong mga barangay nito na Manoc-Manoc, Balabag, at Yapak.

Aklan Governor Carlito Marquez, nagpatawag ng special meeting para sa Task Force Bantay Boracay

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay 

Isang special meeting para sa Task Force Bantay Boracay ang ipinatawag ngayon ni Aklan Governor Carlito Marquez.

Ito ang kinumpirma mismo ni Task Force Bantay Boracay member Liberty Wacan mula sa kanilang provincial office.

Nabatid na nakatakdang pag-usapan sa nasabing pagpupulong ay ang update report ng Philippine Coastguard kaugnay sa Maritime Industry o MARINA Authority Laws and Rules, implementasyon ng “One Entry-One Exit Policy”, at iligal na pagkakarga ng pasahero sa Station 1 at 3 ng mga bangkang bumibiyahe papuntang Romblon.

Tampok din sa pagpupulong mamaya ay update report ng BIWC o Boracay Island Water Company, at ang mainit na usapin kaugnay sa demolition ng mga illegal structures sa 25+5-meter buffer zone ng Boracay.

Kasalukuyang ginaganap ang special meeting sa Provincial Governor’s Office sa bayan ng Kalibo, Aklan na nag-umpisa kaninang alas-2:00 ng hapon.

Ilan sa mga miyembro ng nasabing Task Force ay ang Provincial Tourism Council, MARINA regional office, CENRO DENR, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, LGU Malay at iba pa.