YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, January 06, 2012

Ilang poste ng streetlights sa Boracay, hindi nanaman umiilaw

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Matapos ang Pasko at pormal nang pailawin ang mga Streetlights sa Boracay makaraang batikusin ito ng publiko dahil matagal bago mapa-ilaw.

Ilang araw palang ang nakakalipas, sa ngayon may ilang poste ng street lights na ito ang hindi nanaman umiilaw.

Kung saan, may bahagi ng street lights na ito partikular sa Station 1 ay hindi nanaman gumagana ngayon sa kabila ng ginawang pagkukumpuni dito nitong nagdaang buwan ng Disyembre.

Subalit sa panayam kay Island Administrator Glenn SacapaƱo kaugnay sa usaping ito, sinabi nito na ipagbibigay alam niya ang bagay na ito sa Engineering Department ng LGU Malay para maayos habang maaga pa.

Samantala, aminado naman ang naturang administrador na may ilang bahagi talaga ng streetlights na ito ang hindi pa napapa-ilaw, at tinukoy nito na ang sa harap ng Don Ciriaco Tirol Hospital  ay hindi pa naman talaga iyon napapa-ilaw sapagkat may dapat pang-ayusin.

Ngunit sa kawalan ng ilaw ng ilang poste, may mga panahon ding buong araw umiilaw ang mga streetlights na ito kahit nakatirik na ang araw.

Matatandaang, bago ang Pasko ay pinailaw na ang street lights na ito, at naglaan na rin ng pondo ang lokal na pamahalaan ng Malay para sa buwanang bayarin sa kuryente.

Seguridad sa Boracay Ati-atihan, pinaplantsa na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa dalawang araw nalang, Ati-atihan na rin sa Boracay.

Dahil dito, ngayong hapon ay nakatakdang plantsahin ang lahat ng detalye kaugnay sa pagdiriwang, partikular na seguridad ng publiko na makikibahagi sa naturang selebrasyon.

Bagamat okasyon ito ng simbahan at may mga plano na rin ukol dito, pag-uusapan pa rin mamaya ang ruta ng parade o “sadsad” ng mga tribu at ang mga lugar na madadaanan nito.

Kasama din sa magpaplano para sa selebrasyon mamaya na ipinatawag ng tanggapan ng Alkalde ng bayang ito si Fr. Magloire “Adlay “ Placer, Kura Paroko ng Holy Rosary Parish Church, ang hepe ng Boracay Pulis, opisyal ng Philippine Army, at mga Non-Government Organizations na katuwang ng awtoridad para masiguro ang kaligtasan ng mga makikisaya.

Samantala, dahil sa pagdiriwang na ito ay magiging mabigat na naman ang trapik sa isla partikular sa mainroad dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita na makibahagi sa okasyon, kung kaya’t isa ito sa mga tatalakayin sa pulong na gagawin mamaya.

Mga artista at iba pang personalidad sa Aklan, tampok sa coronation Night ng “Mutya ag Lakan it Kalibo Ati-atihan 2012”

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang magiging makulay mamayang gabi ang gaganaping Coronation Night ng Mutya ag Lakan it Kalibo Ati-atihan 2012.

Dahil maliban sa labing-anim na magagandang kandidata ng Aklan at labing-anim na makikisig at matitipunong kalahok sa Lakan, bibigyang kulay din ang koranasyon ng ilang artista, na makikibahagi ng nasabing patimpalak.

Maghaharana sa mga kandidata ang singer na si Kris Lawrence, at kabilang din si Bella Padilla na talent ng isang higanteng TV Network sa mga hurado ng pageant, kasama na sikat na fashion designer ng 0bansa Renee Salud, at ang ilan pang opisyal ng probinsiya kasama ang maybahay ni Malay Mayor John Yap na si Abigail Humady-Yap.

Mga disenyo naman ni Renee Salud ang ipaparada ng mga kandidata sa long gown competition ngayong gabi.

Samantala, matapos ang kompetisyon, lulusubin naman ng mga nagwagi sa Mutya at Lakan it Kalibo Ati-atihan 2012 ang isla ng Boracay, dahil kasama sa mga matatanggap nilang premyo sa patimpalak maliban sa pera, at mga prudukto ng sponsors ay magkakaroon din ang mga ito ng akomodasyon para sa bakasyon sa Boracay.

Ang Coronation Night ng Mutya at Lakan it Kalibo Ati-atihan 2012 ay pormal na mapapanuod mamayang las syete ng gabi sa bayan ng Kalibo sa ABL Sports Complex.

Matatandaang, nitong nagdaang a-diyes ng Disyembre ginanap dito sa Boracay ang Swim Suit Competition, samantala sa bayan ng Kalibo naman isinagawa ang Talent Night noong ika dalawangput tatlo ng nasabing buwan.

Thursday, January 05, 2012

Licensing at Assessment Department ng Malay, nagbigay ng paalala


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagbigay-paalala ngayon ang Licensing at Assessment Department ng Malay, na para mapadali at hindi sumablay ang pagahahanda sa mga kakailanganin sa pag-renew ng business permit, dapat unahin aniya ang pagkuha ng Health Certificate ng mga empleyado sa mga establishimiyento lalo kung ang mga ito ay konektado o nagtatrabaho sa restaurant.

Sapagakat ayon kay Alicia Manlabao, Local Treasury Operation Officer II at In-charges sa Assessment at Licensing Department ng Malay,  ito aniya ang pinakahirap kunin dahil limitado lamang din ang kayang bigyan ng certificate ng Health Center sa isang araw ng kanilang operasyon.

Maliban aniya dito, naka-iskedyul umano ang pagkuha nito, kaya para mas madali ang pagpoproseso ay mainam na unahin ito.

Samantala, dahil sa matagal na ring isyu at marami ang nagtatanong kung kailangan pa bang kumuha ng Heath Certificate ang mga empleyadong hindi naman nagtatrabaho sa restaurant, nilinaw ni Manlabao na kailangan pa ring lahat ay kumuha at hinahanap ito sa assessment bilang requirement sa pagkuha o pagre-renew ng mga business permits, kahit hindi food handler ang isang indibidwal.

Ang paaalala na ito ni Manlabao ay may kaugnayan sa inaasahang pahirapan na naman ang pagkuha at paghahanda sa requirement para sa business permit ngayong buwan.

Pagpoproseso at pagre-renew ng business permits, simula na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Anumang oras ay pwede nang makapag-apply o mag-renew ng Business Permits, basta’t kumpleto na umano ang mga requirement na hinihingi sa pagpoproseso.

Ito ang inihayag ni Alicia Manlabao, Local Treasury Operation Officer II at In charges sa Assessment at Licensing Department ng Malay.

Aniya, nagsisimula na silang tumanggap basta ang mga kakailanganing dokumento ay handa na rin, lalo na kung hawak na ang total gross sale ng magre-renew.

Ayon kay Manlabao, hanggang Enero 20, 2012 ang itinakda sa pagpoproseso batay sa nakasaad sa Revenue Ordinance.

Pero maaari naman aniyang ipagpaliban ang deadline, iyon ay kung nakita at magpasa ng resolution ang Sangguniang Bayan ng Malay para sa extension.

Ngunit magkaganon man, dahil sa itinakda na ang January 20 at nasa batas ito, kahit may extension pa ay magbabayad pa rin umano ng penalidad at surcharges ang mga hindi nakahabol sa takdang petsa.

Samantala, gayong inaasahang na dadagsa ang magre-renew at kukuha ng permit, nag-paalala si Manlabao na mas mainam kung agahan ang pag-proseso.

Kaugnay nito, inihayag din ng opisyal na maaari naman mag-proseso ng permit sa Action Center sa isla, subalit kung masyadong abala doon ay maari din umanong gawin ang pagpoproseso sa mainland.