Wednesday, January 20, 2016

Pagkuha ng Police Clearance ng mga taga Boracay sa Malay PNP hiniling na ibalik isla

Posted January 20, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for police clearanceHiniling kahapon ni SB Member Leal Gelito sa ginanap na SB Session ng Malay na kung maaari ay ilipat muna pansamantala ang pagkuha ng Police Clearance sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos silang makatanggap ng reklamo sa mga manggagawa na nahihirapang tumawid mula sa Boracay para lamang kumuha ng nasabing clearance na hindi agad na-proproseso ng isang araw.

Dahil dito, nagkasundo naman ang Konseho na magpadala ng sulat sa Malay PNP kung saan nakasaad umano rito na kung maaari ay maglagay sila pansamantala ng Satellite Office sa Boracay ng sa gayon ay hindi na mahirap sa mga kukuha nito ang tumawid pa sa mainland.

Nabatid na ang pagkuha ng Police Clearance ay kasabay ng mga renewal ng mga business permit ngayong bagong taon.

Samantala napag-alaman na dating nasa Boracay PNP kumukuha ng police clearance ang mga empleyado sa isla ngunit inilipat na ito ngayong 2016 sa Malay PNP matapos magpalabas ng kautusan ang Philippine National Police Headquarters na ang Boracay PNP ay hindi under sa Municipal Police at ito ay isang mobile station na nakatuun lamang sa mga turista.

No comments:

Post a Comment