Wednesday, May 17, 2017

“Joint Task Force Boracay”, binuo na

Posted by May 17, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for task force
“Seguridad ng bayan ng Malay”.

Dito sumentro ang pag-uusap sa ginanap na Malay Peace and Order Council (MPOC) meeting na pinangunahan ni Executive Assistant IV Rowen Aguirre, Executive Assistant V Ed Sancho at  Malay Local Government Operations Officer (MLGOO) II Mark Delos Reyes.

Balak ng MPOC na bumuo ng “Joint Task Force Boracay”para masiguro at ma-protektahan ang seguridad lalo na sa Boracay dahil na rin sa mga nakalipas ng travel warnings sa mga tourist destination sa bansa.

Layunin ng task force na maging maagap at handa ang Boracay at Malay sa anumang banta sa seguridad at para pagtibayin ang kaalaman ng publiko laban sa mga masasamang elemento.

Sa naturang pagpupulong ipinatawag ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang 17 Punong Barangay, kawani ng Boracay PNP, Malay PNP,  Philippine Army, Philippine Navy, BFP, MTRO o Malay Transportation Regulation Office at DOT-Boracay.

Dito, ipinaliwanag nila kung ano ang kahalagahan ng bubuoing “Task Force”na siyang tututok pagdating sa seguridad kung saan sa huli ay nakumbinsi naman ang mga ito na ipasa ang resolution.

Nagbigay naman ng mensahe si Delos Reyes na maging vigilante sa mga Barangay at maging sa mga force multipliers para hindi mangyari sa Malay ang nangyari sa Bohol.

Samantala, nakatakdang mag-deploy ng karagdagang  36 na Police Personnel ang Malay PNP bilang bahagi ng pagpapalakas ng pwersa ng kapulisan.

Marine life sa Boracay, gumaganda na ang kalagayan – BFI

Posted May 17, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for marine life
Masasabing gumaganda na ang sitwasyon ng marine environment ng Boracay pagkatapos na sinuri ng mga divers ang reef areas sa ginagawang coral rehabilitation project ng Boracay Foundation Incorporated O BFI nitong mga nakalipas na taon.


Sa underwater evaluation, lumalago na at dumami ang bilang ng mga buhay na korales dahil sa isinagawang “reefurbishment” program ng noo’y Boracay Beach Management Program o (BBMP) sa ilalim ng Coastal Resource Management Project ng BFI.

Nabatid na layunin ng proyektong ito na mapabuti at madagdagan ang marine life sa karagatan ng Boracay na napinsala ng dahil sa mga kalamidad tulad ng bagyo at iresponsableng  pag-angkla ng mga bangka.

Kung maalala, nagsagawa ng transplantation ng coral fragments ang mga volunteers na nakolekta mula sa nasira at na-dislodged na mga korales kung saan ang mga piraso nito ay palalakihin muna sa isang coral nursery sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan bago ito ililipat sa ilalim ng dagat.

Samantala, mangunguna naman ang BFI sa underwater cleanup na gaganapin sa Mayo a kinse bilang bahagi sa papalapit na ika- 20 anibersaryo ng foundation.