Friday, May 22, 2015

Mga nabiktima umano ng babaeng miyembro ng ‘budol-budol’sa Boracay, naglabasan

Posted May 22, 2015
Ni Bert Dalida Yes FM Boracay

Nakatakdang isailalim ngayong araw sa inquest proceedings ang babaeng miyembro umano ng ‘budol-budol’ na nahuli matapos magnakaw sa isla ng Boracay kahapon.

Subali’t bago nito, nabatid na naglabasan din kahapon ang ilan sa mga nabiktima ng suspek na si Geralyn Mamar, 29 anyos ng Lapaz, Iloilo.

Base sa police report ng Boracay PNP, positibong kinilala ng sales lady na si Shinalo Supetran ang suspek na siyang pumunta sa kanilang stall at nagpakilalang inutusan ng kanilang amo upang kolektahin ang pera.

Dahil dito, nakuha umano ng suspek ang P12, 000.00 na income sa kanilang tindahan.

Kasunod nito, isang service crew na si Risel Espolong naman ang sumunod na nagpa-blotter sa Boracay PNP laban kay Geralyn.

Kuwento ni Risel, nagpakilala umano sa kanya ang suspek na magkaibigan sila ng may-ari ng kanilang stall, at inutusan siya nitong bumili ng gulaman sa kalapit na stall.

Nagulat na lamang umano siya nang wala na ang P5, 000.00 nilang benta pagbalik niya pagkatapos bumili ng maiinom.

Samantala, nabatid na inamin din ng suspek sa Boracay PNP na siya rin ang nagnakaw ng pera ng isang babae sa Sitio Balinghai, at itinapon niya ang wallet nito sa Cagban Manoc-manoc, na narekober naman ng mga kapulisan.

No comments:

Post a Comment