Tuesday, May 19, 2015

Dalawang motorsiklo, nagsalpukan sa Barangay Manoc-manoc, tatlong katao, sugatan

Posted May 19, 2015                                                                                                             
Ni Bert Dalida YES FM Boracay


Isang tunog ng lagapak ang gumising sa mga residente ng Sitio Ambolong, Barangay Manoc-manoc kaninang madaling araw.

Ayon kasi sa police report ng Boracay PNP, dalawang motorsiklo ang nagsalpukan doon na ikinasugat ng tatlong katao.

Nakilala ang mga biktima na sina German Visca, 19 anyos, driver ng SYM 125 motorcycle, at ang angkas nitong si Jobert Gregorio, 27 anyos, pawang residente ng Sitio Din-iwid, Barangay Balabag.

Sugatan din ang driver ng Rouser 135 motorcycle na si Elmer Vaay, 27 anyos ng Barangay Manoc-manoc.

Base sa imbistigasyon, mula sa Barangay Manoc-manoc papunta sa direksyon ng Barangay Balabag ang dalawa nang umagaw sa kanilang linya si Vaay sa pababang bahagi ng Sitio Ambolong.

Resulta, nagkabanggaan at sumemplang sa kalsada ang dalawang motorsiklo at nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan ang mga biktima.

Kaagad naman ang mga itong isinugod sa ospital habang pansamantalang ikinostodiya sa Boracay PNP station ang kani-kanilang motorsiklo para sa karampatang disposisyon.

No comments:

Post a Comment