Friday, July 29, 2016

Maliliit na negosyante sa Western Visayas inilapit sa mga buyer sa Boracay

Posted July 29, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay  

Sagana sa ibat-ibang produkto ang Western Visayas.

Ito ang pinatunayan ng maliliit na negosyante sa ginanap na Trade Fair ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan kahapon sa La Carmela De Boracay.

Layun nito na mailapit ang mga ito lalo na ang mga taga Aklan na sakop ng Micro Small and Medium Enterprises (MSMs) sa mga buyer sa isla ng Boracay.

Pinangunahan naman mismo ni Ma. Carmen Ituralde, DTI OIC Prov'l Director ang naturang aktibidad kung saan mahigit dalawangpung MSMs ang dumalo rito mula sa Aklan, Antique, Guimaras at Negros Island.

Maliban dito dinaluhan din ito ng mga stakeholders sa Boracay, restaurant manager at mga malalaking negosyante sa isla kung saan ipinakita sa kanila ang ibat-ibang produkto na kagaya ng frozen products, pasalubong, accessories, lamp shades, organic product at iba pang produkto na nababagay sa turismo ng Boracay.

Ikinatuwa naman ng mga taga Boracay na may mga ganitong produkto na makikita mismo sa probinsya at kalapit na lugar na puwedi nilang maging supplier.

Samantala, nagpasalamat naman si Ituralde sa mga dumalo at naniniwala ito na mabibigyan ng pagkakataon ang mga MSMs na tangkilikin sa Boracay ang kanilang mga negosyo na pangunahing pinagkukunan ng kanilang hanap buhay.

No comments:

Post a Comment