Tuesday, March 17, 2015

BIWC iniimbistigahan pa ang pagbulwak ng tubig mula sa kanilang sewer

Posted March 17, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nag-aabang parin ngayon ang mga residente sa Sitio Bolabog, Barangay Balabag sa paliwanag ng BIWC o Boracay Island Water Company.

Kaugnay ito sa pagbulwak ng tubig mula sa kanilang sewer kagabi na labis namang ikinadismaya ng mga residenteng malapit sa kalsada.

Nabatid na nagalit, nainis at hindi na umano nakatulog ang ilan sa mga residente doon matapos umalingasaw ang mabahong amoy na dala ng tubig mula sa sewer.

Sa inis naman ng iba, napilitan ang mga itong tumawag ng pulis na kaagad namang dumating sa lugar.

Nabatid din na dalawang beses bumulwak ang mabahong tubig mula sa sewer na nagdulot ng pagbaha sa kalsada.

Pumasok din ang tubig sa ilang mababang bakuran doon.

Ilang sandali pa, dumating din ang mga taga Boracay Solid Waste Action Team (BSWAT) at kaagad nagsagawa ng inspeksyon.

Ikinadismaya din ng mga ito ang eksenang naabutan.

Makalipas ang halos kalahating oras, dumating ang taga BIWC at inisprehan ng gamot ang binahang lugar upang mawala ang mabahong amoy.

Samantala, sinubukan naman ng himpilang ito na kunan ng pahayag ang pamunuan ng BIWC, subali’t tumanggi muna silang magsalita, dahil patuloy din umano nila itong iniimbistigahan.

No comments:

Post a Comment