Saturday, October 08, 2016

Problemang natatanggap sa nakaraan at kasalukuyang administrasyon, walang pinag-kaiba- Mayor Cawaling

Posted October 8, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


“Wala umanong pinag-kaiba ang problemang natatanggap sa nakaraang Administrasyon sa kasalukuyan”

Ito ang sinabi ni Malay Mayor Ceciron Cawaling sa himpilang ito kaugnay sa kanyang panayam sa unang isang daang araw na pag-upo bilang nagbabalik na alkalde ng bayan ng Malay.

Isinalaysay ni Mayor Cawaling ang mga pagbabagong gagawin niya sa mga proyektong kanyang ipagpapatuloy at sisimulan palang.

Isa umano sa kanyang pinagtutuunan ng pansin ngayon ay ang Solid Waste Management partikular na ang problema sa mga basura na siyang kinakaharap ngayon ng Boracay.

Nabatid kasi, na maraming natatanggap na reklamo ang Solid Waste Management dahil umano sa mga basurang hindi nahahakot at na si-segregate kung kaya’t nakatambak na lamang ito dahilan na bumabaho.

Ayon kay Cawaling, gagawin niyang centralized ang MRF kung saan dapat umano i-segregate ang lahat ng mga basura ng sa gayon ay maging maayos at hindi narin mahirapan ang mga basurero sa paghakot nito.

Habang inaantay pa umano ang limang garbage truck na binili ng LGU, pansamantalang ginagamit ngayon ang apat na dump truck ng Provincial Government para mapabilis umano ang paghakot ng basura.

Sa ibang usapin naman, pinulong ni Cawaling ang Municipal Peace and Order Council upang tulong-tulong na mapag-usapan kung paano mapanatili ang kaayusan at seguridad sa isla at sa bayan ng Malay.

Samantala, magkakaroon naman ng Memorandum of Agreement (MOA) signing ang LGU-Malay at Boracay PNP, may kinalaman naman sa ipinapatupad na curfew sa mga kabataan kung saan may kaugnayan rin ito sa kampanya laban sa iligal na droga ng administrasyong Duterte.

No comments:

Post a Comment