Friday, December 11, 2015

Mga hindi gumaganang x-ray machine sa Caticlan Jetty Port pinuna sa SB Malay

Posted December 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for x-ray machine caticlan jetty portHindi nakaligtas sa Sangguniang Bayan ng Malay ang dalawang x-ray machine o luggage machine na hindi gumagana sa Caticlan Jetty Port.

Nitong Martes sa ika-44th Regular SB Session ng Malay isa sa mga pinag-usapan ang seguridad sa naturang pantalan lalo na ngayong unti-unti ng dumadagsa ang mga tao sa Boracay.

Dahil dito pinuna ng mga konsehales kung bakit matagal ng hindi gumagana ang naturang machine kabilang na ang kawalan ng K-9 Unit sa entrance ng Jetty Port.

Ayon naman kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port hindi pa umano dumadating ang naturang piyesa para muling maayos ang x-ray machine.

Tiniyak din nito na hahabulin nila sa super peak season ang pagsasaayos nito upang maipatupad ang mabilis at mahigpit na seguridad sa nasabing pantalan.

Nabatid na nais ng Sangguniang Bayan ng Malay na maipatupad ang mahigpit na seguridad sa Boracay dahil sa umiiral na banta ng terorismo sa ibat-ibang tourist destination sa buong mundo.

No comments:

Post a Comment