Sunday, April 19, 2015

Multicab ng isang laundry service, nahulog sa bangin sa Barangay Yapak, driver patay, dalawang helper, sugatan

Posted April 18, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Patay ang isang driver matapos mahulog sa bangin ang minamanehong multicab sa Barangay Yapak kaninang umaga.

Nakilala ang driver na si Rolando Cardana, 54 anyos ng san Jose Ibajay, Aklan.

Sugatan din ang dalawa pa nitong kasama na sina Jason Robles, 26 anyos at Rey Traje, 30 anyos, pawang mga taga Naili, Ibajay, Aklan.

Sa imbistigasyon ng Boracay PNP, nabatid na magdi-deliver sana sila ng laundry ng Sol Marina Resort nang mangyari ang insidente.

Pababa na umano sila sa kurbadang bahagi ng daan nang mawalan ng preno ang multicab at nahulog sa pitong metrong lalim na bangin.

Resulta, sugatan ang tatlong biktima na kaagad isinugod sa pagamutan.

Subali’t idineklarang dead on arrival sa ospital ang driver dahil sa malubhang pinsala sa katawan, habang inilapat naman sa isang pagamutan sa Kalibo, Aklan ang dalawa nitong kasama.

Nabatid na kargado ng laundry o labada ang multicab.

No comments:

Post a Comment