Wednesday, March 16, 2016

Special session ng SB Malay hiniling para sa pag-aproba ng 2016 budget

Posted March 16, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image by: www.brampton.ca
Hindi parin ngayon na-aaprobahan ang budget ng Local Government Unit (LGU) Malay para sa taong 2016.

Dahil dito, hiniling ni SB member Jupiter Gallenero nitong nakaraang 10th Regular SB Session ng Malay na magsagawa ng special session para sa deliberasyon at pag-aproba ng naturang budget.

Ngunit sinabi naman ni SB member at Chairman ng committee on Laws Rowen Aguirre na hindi na kailangang magkaroon ng special session, bagkus itatakda umano nila ito sa susunod na session bago ang Holy week.

Nabatid na nagkaroon ng bulong-bulungan sa isinagawang session nitong Martes na tila dene-delay ang pag-aproba ng naturang budget ngunit iginiit ni Aguirre na siyang nangunguna sa deliberasyon sa pondo na walang may gustong ma-delay ito.

Napag-alaman kasi na hindi makagalaw ngayon ang mga department heads ng LGU Malay para sa kanilang mga proyekto at pangangailangan kagaya ng office supplies.

Ilan sa mga nagmamadali na ma-aproba ang budget ay ang Municipal Health Office (MHO) dahil sa wala na silang suplay na gamot para sa mga nangangailangang pasyente.

Samantala, sinasabing natagalan ang deliberasyon sa pag-aproba ng budget ay dahil sa pag-himay at pag-babago sa bawat pondong paggamitan.

No comments:

Post a Comment