Monday, March 14, 2016

Seguridad ng Life Guard sa Super peak season, kasado na

Posted March 14, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Kasado na ang mga plano na isasagawa ng Life Guards Boracay para sa seguridad ng mga taong magbabakasyon sa Super Peak Season dito.

Ayon kay Mike Labatiao, Consultant Sea Sports and Coastal Concern ng Local Government Unit at dating Life Guard Commander, nakipag-pulong na umano ito sa Boracay Action Group kaugnay sa kanilang isasagawang pagbabantay sa seguridad ng mga taong maliligo sa isla.

Aniya, may mga training at seminar na umano silang isinasagawa para mapaigting ang kanilang prerarasyon sa super peak season kung saan kabilang sa magiging kasama nila ang mga volunteer ng Red Cross at iba pang kasapi sa pagbabantay dito.

Nabatid, na gagamit ang mga ito ng Hand Held Radio upang mas mapadali ang kanilang pagrespondi at pagbibigay ng impormasyon sa bawat isa.

Sinabi pa ni Labatiao, na maliban sa kanilang preparasyon sa pagbabantay sa tabi ng dagat ay magro-roving umano ang lifeguard sakay ng kanilang speed boat sa  dagat.

Samantala, payo naman nito sa mga magbabakasyon sa isla ng Boracay lalong-lalo na ang may mga dalang bata na huwag pabayaan ang kanilang mga anak paliligo mag-isa sa dagat.

Maliban dito, pinayuhan naman nito ang mga magdadala ng gamit sa beach na kung maaari ay iwan nalang sa kanilang mga hotel na tinutuluyan upang hindi mabiktima ng kawatan, lalong-lalo na ang mamamahaling bagay.

No comments:

Post a Comment