Saturday, June 13, 2015

Dahil sa kaso ng human trafficking, Bureau of Immigration pinalitan ang ilang tauhan sa KIA

Posted June 13, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
               
Hindi umano nagdalawang isip ang Bureau of Immigration (BI) na palitan ang ilang immigration personnel sa Kalibo International Airport (KIA).

Ito mismo ang kinumpirma ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan Manager Martin Terre, matapos ang nangyaring sunod-sunod na kaso ng human trafficking sa naturang paliparan.

Ayon kay Terre karamihan umano sa mga immigration personnel na nakatalaga ngayon sa Kalibo airport ay mga baguhan mula sa central office kasama ang bago nilang supervisor na si Lot Acuña.

Kaugnay nito sinabi pa ni Terre na patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa kumakalat na alegasyon na mayroo umanong mga dating tauhan ng immigration ang tumatanggap ng P50,000 na suhol sa bawat maipalusot nilang overseas Filipino worker (OFW) papuntang ibang bansa na walang sapat at kaukulang travel documents.

Bagamat wala umano silang sapat na ebidensya tungkol sa nasabing alegasyon tiniyak naman ni Terre na hindi sila titigil na pagpanagunitin ang mga nasa likod nito sakaling mapatunayan ang naturang isyu.

Samantala, todo bantay na ngayon ang mga security personnel ng Kalibo International Airport upang hindi na maulit ang nangyaring pagkalusot ng mga biktima ng human trafficking papuntang ibang bansa.

No comments:

Post a Comment