Monday, June 01, 2015

Balabag Elementary School, masayang tinanggap ang mga bagong mag-aaral

Posted June 1, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Image result for Balabag Elementary School BoracayMasayang tinanggap ng BES o Balabag Elementary School ang kanilang mga bagong mag-aaral, kasabay ng pagbubukas ng klase sa buong bansa ngayong araw.

Sa isang maikling programa kaninang umaga, ipinakilala mismo ni BES School Principal Ligaya Aparicio ang mga class advisers sa kanilang mga bagong mag-aaral.

Kasama ang kanilang mga magulang, naging masaya din ang mga mag-aaral sa pagtanggap sa kanila ng eskwelahan, maging sa mga huli at nitong umaga lamang nagpa-enroll.

Kaugnay nito, bagama’t wala pang kumpletong datus sa bilang ng mga nagpa-enroll, sinabi naman ni Aparicio na tuloy parin ang kanilang pagtanggap ng mga magpapa-enroll hanggang June 5.

Subali’t paalala nito sa mga magulang na magiging late enrollees na ang kanilang mga anak kapag lumagpas pa sa nasabing petsa ang pagpapa-enroll.

Samantala, nabatid na may kabuuang 44 na guro ang BES mula Kinder hanggang Grade 6, maliban pa sa anim na Madrassah Education Teachers na siyang nagtuturo sa mga muslim na mag-aaral.

No comments:

Post a Comment