Saturday, November 05, 2016

7-anyos na bata at 31-anyos na ginang, patay matapos mahulugan ng live wire magmula sa poste ng Akelco

Posted November 6, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Patay matapos mahulugan ng live wire magmula sa poste ng Akelco ang 7-anyos na bata at 31-anyos na ginang.

Pasado alas 9 kaninang umaga ng mangyari ang insidente sa Sitio Ayala, Brgy. Yapak, Boracay kung saan nakilala ang namatay na sina Analyn Salibio at Christina Martellino.
Base sa impormasyong nakalap ng stasyong ito, nagmula umano sa dalawang Street Cleaner sina Maricris Salvador at Flor Manalo na siyang nakakita sa pangyayari sa lugar, bibili umano sana itong si Martellino ng papaya kay Rosita Salibio, 41-anyos, na ina naman ng isa pang biktima na si Analyn, nang aksidente umanong nahulog sa kinatatayuan nito ang live wire ng Akelco.

Karagdagang kwento nina Salvador at Manalo, tutulungan naman umano sana ni Rosita si Martellino ngunit nakuryente rin ito pati na ang asawang lalaki na hinihila sana siya papalayo, kung saan ang anak niyang si Analyn na nasa labas din ay nahagip ng live wire at sa lakas ng tama ng nasabing live wire ay agad itong nakuryente na dahilan ng kaniyang kamatayan.

Agad namang humingi ng tulong ang mga ito sa lugar kung saan sa pagresponde ng ambulansya ay magkahiwalay na dinala ang tatlo sa isang clinic sa Balabag. Habang ang asawa ni Rosita ay mabilis umano itong nailayo kung kaya’t nakaligtas ito.

Sa imbestigasyon naman sa isang clinic na pinagdalhan sa mag-ina, maayos na umano ang kondisyon ng ina subalit ang anak nito ay sinubukan pang i-revive  doctor na sumuri dito ngunit idineklara rin itong patay.

Kaugnay nito, ayon sa pamilya naman ni Martellino, binawian rin ito ng buhay matapos hawak-hawak pa ng biktima ang live wire.

Sa ngayon, humihingi naman ng depensa ang pamilya ni Martellino sa opisina ng Akelco kung ano ang kanilang aksyon dito at kung bakit aksidenteng nahulog ang linya ng kanilang kuryente sa lugar.

No comments:

Post a Comment