YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, July 07, 2014

2 lalaki sa Boracay, binaril; 1 patay

Posted July 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patay ang isa sa dalawang lalaki matapos na magtamo ng grabeng sugat sa noo nang barilin sa isla ng Boracay, Sabado ng gabi.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang mga biktima na sina Rogelio Losado Sr, 43 anyos ng Yapak Boracay at Reno Cutora, 28 anyos ng Javier Leyte.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga taga Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), alas onse nitong Sabado ng gabi habang kasama ni Losado ang kaibigang si Jaime Siera sa isang tindahan sa nasabing lugar nang bigla umano silang nakarinig ng tatlong putok ng baril.

Nabigla umano si Siera nang bigla na lamang natumba si Losado sa sahig at duguan na ang noo nito.

Kaagad namang isinugod sa Boracay Hospital ang biktima subalit ideneklarang patay ala ona ng madaling araw dahil sa “severe brain trauma/bleeding”.

Samantala, papauwi naman si Cutora galing sa isang amusement park sa Yapak Boracay nang hinampas umano ng bote ng beer at binaril sa kanyang kanang binti.

Narekober naman ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng .45 pistol, 20 metro ang layo mula sa biktimang si Cutora at 50 metro naman ang layo mula sa isa pa nitong biktima na si Losado.

Pinag-aaralan din ngayon ng mga taga Boracay PNP Station ang sinabi ng isang tindera sa lugar na umano’y isang Ryan Arcibal Reymundo ng Yapak Boracay at kinilalang “Boy Adik” at “Libay” ang nagtanong di umano sa kanya at naghahanap ng mga nakaalitan nito nang nagdaang gabi.

Patuloy naman ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan para sa ikareresolba ng nasabing kaso.

No comments:

Post a Comment